Sa isang pinag-isang pahayag na inilabas noong Oktubre 14, pumirma ang lahat ng mga partido sa Mababang Kapunungan para ipagtanggol si Deputy Minority Leader at ACT Rep. France Castro laban sa redtagging at pambabanta ni dating presidente Rodrigo Duterte. Nanawagan sila sa dating pangulo at lahat ng partidong sangkot na iwasan ang “pagbabanta o paghahayag ng panganib laban sa sinumang myembro ng kamara.”
Pumirma sa pahayag ang mismong partido ni Duterte, ang Partido Demokratiko Pilipinas-Lakas ng Bayan, gayundin ang Lakas-CMD, Nationalist People’s Coalition, Nacionalista Party, National Unity Party, at ang Party-list Coalition Foundation. Ipinabatid na rin ni House Secretary General Reginald Velasco noong Oktubre 16 ang posibilidad na maglaan ng dagdag na tauhang panseguridad o proteksyon para kay Rep. Castro kung hihilingin ito ng kinatawan.
Naghuramentado at nagmaktol si Duterte sa isang programa sa pambansang telebisyon noong Oktubre 11 dahil sa pang-uusisa at pagkontra ni Rep. Castro at ng blokeng Makabayan sa confidential at intelligence funds ng kanyang anak na si Sara Duterte. Sinabi niyang si Castro ang target ng CIF at direkta niyang sinabing gusto niyang patayin ang kongresista.
Ayon kay Duterte, sinabihan niya ang anak na si Sara na “ang una mong target sa intelligence fund mo, kayo, ikaw France, kayong mga komunista ang gusto kong patayin. Sabihin mo na sa kanya.”
Nagpasalamat si Rep. Castro sa mga lider ng kamara sa pagtindig nila laban sa pananakot ng dating pangulo. Aniya, “ang insidente ito ay matalim na paalala sa mga panganib na kinakaharap ng mga nangangahas na pagsalita at ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kagalingan ng mamamayang Pilipino.”
Nanindigan din siya na higit dapat at krusyal na patuloy na itaguyod ang kalayaan sa pagpapahayag at protektahan ang boses ng mga oposisyon at tumutunggali.
Binigyang diin niya rin sa pagkakataong ito ang pagsusulong ng mga kinakailangang proteksyon, sa balangkas ng batas, para sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at pagtitiyak sa kanilang kaligtasan.
Nauna nang ipinabatid ni Rep. Castro na “hindi na siya nagulat” sa paghuhuramentado ni Duterte, at determinado siyang magsampa ng kaso laban sa dating pangulo.
“Dapat kasuhan si Rodrigo Duterte sa kanyang direktang pambabanta laban kay Rep. France Castro,” pahayag ni Atty. Kristi Conti ng NUPL-National Capital Region. “May kakayahan siya at handa siyang ipatupad ang mga bantang ito.”