Sa pangalawang pagkakataon, hindi sumipot ang dating pangulong Rodrigo Duterte sa Office of the Prosecutor sa Quezon City noong Disyembre 15. Sa kabila ito ng atas ng korte na personal na humarap para sa paunang imbestigasyon sa kasong malubhang pagbabanta o grave threat na ginawa nito laban kay ACT Teachers Rep. France Castro.
Tanging mga abugado ni Duterte ang humarap sa korte para maghain ng kontra-salaysay. Itinanggi ni Duterte ang mga akusasyon ni Castro at sinabing hindi niya pinagbantaan ang kinatawan. Sa kabila nito ay hindi siya personal na humarap sa korte. Matatandaang hindi rin siya sumipot sa unang pagdinig noong Disyembre 4.
Isinampa ang kaso laban kay Duterte noong Oktubre 24 dahil sa pahayag na “gusto niyang patayin” si Castro at mga katulad niya sa isang programa sa telebisyon noong Oktubre 11.
Ayon sa kampo ni Castro, natanggap nila ang kontra-salaysay ni Duterte at tinatayang ilalabas ng korte ang resolusyon kaugnay ng kaso sa Enero 2024.
Naglunsad ng noise barrage ang mga tagasuporta ni Castro sa Quezon City Hall of Justice kasabay ng pagdinig. Iginiit nilang papanagutin si Duterte sa pagbabanta niya kay Rep. Castro at pati sa iba pa niyang mga krimen sa sangkatauhan.