Ang Bayan » Rodrigo Duterte, hindi sumipot sa korte


Hindi sumipot sa korte sa Quezon City para sa paunang imbestigasyon si dating pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 4. Kaugnay ito ng imbestigasyon sa kasong malalang pambabanta na isinampa ni House Minority Deputy Leader at ACT Teachers Rep. France Castro laban sa kanya. Nagpiket ang mga guro at aktibista sa korte para suportahan si Rep. Castro.

Isinampa ang kaso laban kay Duterte noong Oktubre 24 dahil sa pahayag na “gusto niyang patayin” si Castro at mga katulad niya sa isang programa sa telebisyon noong Oktubre 11.

Tanging mga abugado ni Duterte ang humarap sa korte at itinangging natanggap ng akusado ang pagpapatawag o subpoena ng korte at reklamo sa kanya. Sa kabila ito nang hayagang pagsagot ni Duterte sa kanyang mga pahayag sa publiko na magpapakulong na lamang siya kaysa humarap sa korte. Dahil sa kanyang di pagdalo, muling magkakaroon ng paunang imbestigasyon sa Disyembre 15.

Samantala, dumating sa korte si Rep. Castro at naghain ng dagdag na mga pahayag at reklamo dahil matapos ang pagsasampa ng kaso, muli siyang pinagbantaan ng dating pangulo. Kung mahahatulang maysala si Duterte, maaari siyang kumaharap sa anim na taong pagkakakulong at P100,000 bayad pinsala.

“Buo ang suporta ng sangkaguruan at malawak na hanay ng mamamayan sa laban ng ating representante at tinig sa Kongreso para sa hustisya at karapatan sa buhay at seguridad. Dapat na panagutin si dating pangulong Duterte sa walang habas na pagbibitaw ng banta sa buhay ni Rep. France. Tanging mga halang ang kaluluwa at berdugo lamang ang gumagawa nito,” pahayag ni Vladimer Quetua, tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!