Ipinatatawag ng Office of the City Prosecutor ng Quezon City si dating pangulong Rodrigo Duterte para sagutin ang reklamong malalang pagbabanta na isinampa sa kanya ni ACT Teachers Rep. France Castro. Inilabas ng korte ang kautusan kahapon, Nobyembre 15. Pinahaharap si Duterte sa korte sa Disyembre 4 at 11 para sa paunang imbestigasyon sa kaso.
Maituturing na makasaysayan ang pagpapatawag kay Duterte sa korte at ang kasong isinampa laban sa kanya ni Rep. Castro dahil ito ang unang kasong haharapin niya mula nang bumaba siya sa poder bilang pangulo.
Isinampa ni Rep. Castro ang kasong pambabanta sa Quezon City noong Oktubre 24. Kaugnay ito sa pahayag ni Duterte na “gusto niyang patayin” si Castro at mga katulad niya na inere noong Oktubre 10 sa Sonshine Media Network International, isang network sa telebisyon na pag-aari ng alipures nitong si Apollo Quiboloy. Isinampa ni Castro ang kaso alinsunod sa Article 282 ng Revised Penal Code.
Ayon kay Rep. Castro, ikinalugod niya ang pag-usad ng kaso at hiniling niya ang dating pangulo na humarap sa paunang imbestigasyon. Tila nagpapaawang sagot naman ni Duterte, “magpakulong na lang ako…inaapi ako ni France,” matapos isapubliko ang pagpapatawag ng korte.
Maalalang pinagbantaan ni Duterte si Castro dahil sa pangunguna ng kongresista sa pagbusisi sa confidential at intelligence funds na inilaan sa pambansang badyet para sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na pinamumunuan ng anak niyang si Sara Duterte.