Lumaya matapos makapagpyansa si Sen. Leila de Lima kahapon, Nobyembre 14, mula sa halos 7-taong pagkakabilanggo. Inaprubahan ng korte ang petisyon ng kanyang mga abugado na magpyansa upang pansamantalang makalaya ang senadora batay sa taya nitong hindi malakas ang ebidensya laban sa kanya.
Ang mga kasong ito, na nagsangkot sa kanya sa bentahan ng iligal na droga, ay dati nang kinundena bilang pampulitikang panggigipit ng dating pangulong Rodrigo Duterte. Dalawa sa tatlong mga kasong ito ay ibinasura na ng mga korte. Inaresto si de Lima noong Pebrero 24, 2017.
Lubos na ikinatuwa ng kanyang mga tagasuporta, gayundin ng iba’t ibang demokratikong pwersa, ang kanyang paglaya.
“Ang matagal niyang detensyon ay isang inhustisya,” pahayag ng deputy minority leader at ACT Teachers Rep. France Castro. “Umaasa kami na ang nasa likod ng di-makatarungan niyang pagkapiit ay sila naman ang makukulong sa malapit na hinaharap.”
“Dapat magsilbing inspirasyon ang laban ni Leila de Lima sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao (para) magpunyagi sa pakikibaka at huwag bumitiw, makakamit rin ang hustisya sa katapusan,” ayon naman sa presidente ng Bayan Muna na si Atty. Neri Colmenares. “Napipilitan ang gubyerno na gawin ang hindi niya gusto, depende sa lakas ng laban natin sa kalsada, sa korte at sa kongreso.”
Ayon kay de Lima, sisimulan niya ang paglilinis ng kanyang pangalan at muling pagbangon ngayong nakalaya na siya. “Sinira nila ang buhay at pangalan ko,” pahayag niya sa kanyang paglaya. Mensahe niya kay Duterte, “alam mo kung ano ang ginawa mo sa akin.”
Aniya, wala pang napag-uusapang mga detalye ang kanyang mga abugado kaugnay sa pagsasampa ng kaso laban kay Duterte pero sinabi niyang laging bukas ang opsyon na ito.
Aniya, naging napakahirap sa kanya ang makulong nang walang kasalanan, at usapin ng hustisya na dapat papanagutin ang mga nagtulak rito.