Inianunsyo kahapon, Nobyembre 29, ng Commission on Elections (Comelec) ang isang resolusyon na nagdiskwalipika sa kumpanyang Smartmatic na lumahok sa bidding (aplikasyon sa kontrata) para sa mga vote counting machine o VCM na gagamitin sa eleksyong 2025 at susunod pang mga eleksyong pambansa at lokal. Tugon ang resolusyon sa petisyong isinampa ng grupong TNTrio para idiskwalipika ang kumpanya.
Ginamit ang mga VCM ng Smartmatic sa nakaraang limang eleksyon, kabilang ang mga eleksyong naghalal kina Benigno Aquino III, Rodrigo Duterte at Ferdinand Marcos Jr. Ang TNTrio ay binubuo ng dating kalihim sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na si Eliseo Rio, retiradong upisyal ng militar na si Leonardo Odoño at abugadong si Franklin Ysaac.
Ayon sa Comelec, ang diskwalipikasyon ay dulot ng pangangailangang tugunan ang mga puna ng mga sektor kaugnay sa “transparency, reliability at integridad ng proseso ng halalan.” Isa pang dahilan ang imbestigasyon ng US sa dating pinuno ng ahensya na si Juan Bautista dulot ng alegasyon na tumanggap siya ng suhol mula sa Smartmatic noong 2016. Gayunpaman, limitado ang resolusyon sa proseso lamang ng procurement o pagbili, at hindi sa kinalalabasan mismo ng nagdaang mga eleksyon.
Katunayan, itinatanggi ng Comelec sa parehong resolusyon na nagkaroon ng mga iregularidad sa nagdaang eleksyon. Anito, “hindi nakaapekto sa kawastuhan (accuracy) ng resulta ng halalan” ang maanomalyang pagkakapili at paggamit ng di katiwa-tiwalang mga makina ng Smartmatic. Wala ring nakasaad sa resolusyon na ibabasura ang sistemang automated at magkakaroon pa rin ng “bidding” para sa mga VCM sa susunod na buwan.
Ikinalugod ng grupong TNTrio ang resolusyon ng Comelec hindi lamang ang diskwalipikasyon ng Smartmatic, kundi pati ang planong bukasan at isa-isang bilangin ang piling mga balot box. Tungo rito, umapela si Rio na katigan ng Korte Suprema ang hiwalay nilang petisyon para obligahin ang mga kumpanyang telekomunikasyon na isapubliko ang lokasyon ng 7,975 device na nagtransmit ng mga resulta ng botohan mula ala-una hanggang alas-7:08 noong Mayo 9, 2022. Isinampa ng TNTrio ang mga petisyon na ito para ungkatin at mapatunayang dinaya ang eleksyong 2022 na nagpwesto kina Ferdinand Marcos Jr at Sara Duterte bilang presidente at bise-presidente ng bansa.
Kasabay nito, maghahapag ng panibagong resolusyon ang TNTrio para ibasura nang tuluyan ang sistema ng eleksyong de-kompyuter. “Ipinadadala namin ang aming mungkahi na magpatupad ng sistemang hybrid election, imbes na automated, nang sa gayon ay makatitipid (ang gubyerno) ng bilyun-bilyong pondo at para pangalagaan ang integridad ng sistemang eleksyon,” ayon kay Ysaac.