Tinawag na paunang tagumpay ng Migrante International ang suspensyon ng Department of Justice (DOJ) sa pagpapatupad ng patakaran ng Inter-Agency Council Against Trafficking’s (IACAT) na dagdagan ang mga rekisito sa pagbyahe sa labas ng bansa. Inilabas ang patakaran noong Agosto at sisimulan sanang ipatupad noong Setyembre 3.
Alinsunod sa naturang bagong patakaran, planong hingin sa mga bibiyaheng migrante ang dagdag na mga dokumento, tulad ng patunay ng mayroon silang pampinansyang kapasidad o “show money” bago sila payagang sumakay sa eroplano.
Inilulusot ng IACAT ang mapaniil na rekisito sa anito’y “paglaban sa human trafficking.” Pero ang pagdagdag ng mga rekisitong dokumento at ang dagdag na awtoridad ng mga upisyal sa imigrasyon para arbitraryong kilatisin ang mga ito, ay labag sa karapatan sa pagbyahe, ayon sa mga migrante.
Liban pa dito, nakikitang labag din ito sa karapatan sa pribasiya. Nagbibigay puwang rin ito para sa dagdag na panghuhuthot ng korap na mga upisyal sa imigrasyon.
“Ang suspensyon ng patakaran ay resulta ng lehitimong daing na ibasura ang patakaran at malawakang pagtutol ng mga overseas Filipino workers,” ayon sa Migrante International. Subalit, anila, sa kabila nito ay dapat magpatuloy pa ang pagkalampag para tuluyan nang ibasura ang patakaran.
Giit pa ng grupo, dapat ang habulin ng gubyerno ay ang mga human trafficker at hindi ang mga biktima ng mga ito. “Malalabanan lamang [ng gubyerno] ang human trafficking kung epektibo itong makalilikha ng disenteng mga trabaho sa sariling bayan at itigil ang pagpapatindi sa programang labor-export ng bansa,” dagdag ng grupo.