Inianunsyo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) noong Nobyembre 15 ang paglulunsad ng tatlong araw na pambansang tigil-pasada sa darating na Nobyembre 20-22 para igiit ang pagbabasura sa programang PUV modernization na magreresulta sa pag-“phaseout” sa mga sasakyang jeep. Naghahanda na sa tigil-pasada ang mga samahan sa ilalim ng Piston, gayundin ang iba pang mga progresibong sektor.
Mariing tinututulan ng maliliit na drayber at opereytor, sa partikular, ang sapilitang konsolidasyon ng kanilang mga prangkisa. Anang grupo, paraan lamang ito para solong kontrolin ng malalaking korporasyon ang sektor, dahil ang mga ito lamang ang magkakaroon ng kakayahan na kumpletuhin ang mga rekisito para sa prangkisa. Sapilitang ipatutupad ang konsolidasyon sa darating na Disyembre 31.
Giit ni Ka Mody Floranda, presidente ng Piston, hungkag ang balangkas ng “modernisasyon” ng gubyerno dahil hindi nito layuning ayusin ang pampublikong transportasyon kundi magkaroon ng isang malaking negosyo sa hanay ng serbisyo sa mamamayan.
“Itong franchise consolidation ang unang hakbang sa pang-aagaw sa kabuhayan ng mga tsuper at operator,” ayon pa kay Floranda. Sa pag-aaral ng Piston, hindi bababa sa ₱40 milyon ang kakailanganin ng isang kooperatiba na may 15 yunit ng dyip para rito. Himutok nila, hinding-hindi ito kakayanin ng isang ordinaryong opereytor.
Tinatayang nasa 100,000 na mga yunit ng dyip sa buong bansa ang lalahok sa tigil-pasada sa Lunes.
Paglahok ng mga drayber sa prubinsya
Inihayag ng mga drayber at opereytor sa Southern Tagalog, Western Visayas, at Cebu ang paglahok sa ikakasang tigil-pasada.
Sa nagdaang dalawang araw, sunud-sunod na pagpupulong at talakayan ang isinasagawa ng Starter-Piston, balangay ng Piston sa Southern Tagalog, sa prubinsya ng Quezon, Laguna at Batangas para lumahok sa nakatakdang tigil-pasada.
Tinalakay nila at ng mga boluntir ang epekto ng PUV phaseout at malubhang pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo na nagpapahirap sa mga drayber, maliliit na opereytor ng jeep at mga pasahero.
Kasado na rin sa tigil-pasada ang No to PUV Phaseout Coalition sa Western Visayas.
Sa Cebu, inianunsyo ngayong araw ng Piston-Cebu ang paglahok nito sa tigil-pasada. Anang grupo, lalahok sila sa kilos protesta sa Nobyembre 22 subalit ipagpapaliban ang pagkilos sa Nobyembre 20-21 bilang pagrespeto sa pyesta ng Virgen de la Regla sa prubinsya.
“Hindi patas ang gubyernong ito. Kaming mahihirap ay tinatapak-tapakan nila. Parang hindi tao ang pagtrato nila sa mga drayber ng dyip,” ayon sa isang kinatawan ng Piston-Cebu.