Naghain ng petisyon ang mga lider ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) na sina Windel Bolinget, Sarah Abellon-Alikes, Jennifer Awingan-Taggaoa, at Stephen Tauli sa Baguio Regional Trial Court noong Nobyembre 23 para ipabasura ang arbitraryong designasyon sa kanila na “terorista” ng Anti-Terrorism Council (ATC). Ito ang kauna-unahang ligal na aksyon na inihain sa korte laban sa gayong designasyon.
Ang apat na nagsampa ng petisyon ay kabilang sa anim na personaheng tinagurigang “terorista” ng ATC sa Resolution No. 41 na may petsang Hunyo 7. Kabilang din sila sa kinilalang “Northern Luzon 7” na napawalang-sala noong Mayo laban sa gawa-gawang kasong rebelyon na isinampa sa kanila noong Enero.
Sa kautusan ng ATC, inatasan nito ang Anti-Money Laundering Council na imbestigahan at i-freeze o hawakan at ipagkait ang salapi at mga ari-arian ng mga inakusahan. Sa huling tala, hindi bababa sa 82 pangalan ang tinaguriang “terorista” ng ATC.
Ayon kay Bolinget, kasalukuyang chairperson ng CPA, ang designasyon ay “pag-atake sa kanilang batayang mga karapatan” dahil sa pag-freeze sa kanilang mga ari-arian at akawnt sa bangko gayundin ng sa CPA. Pinagkakaitan din umano sila nito na buong isagawa ang kanilang trabaho at adbokasiya at sa sukdulan ay ipinaiilalim sila sa ibayong panghaharas, pagpapahiya at mga pagbabanta.
Muling ipinanawagan ng ligal na hakbanging ito ang pagbabasura sa Anti-Terror Law (ATL). “Alam naman natin sa simula pa lamang na gagamitin ang batas na ito sa pagpapatahimik sa mga tumutuligsa…ngunit hindi kami magpapapigil. Ang ligal na hakbang na ito ang patunay sa aming hindi nagmamaliw na kagustuhan at pagkakaisa sa pagtindig para sa mga karapatang sibil,” ayon kay Bolinget.
Kaugnay nito, daan-daang mga kasapi, alyado at kaibigan ng CPA ang nagtipon sa Malcolm Square, Baguio City noong Nobyembre 23 ng hapon para ipahayag ang kanilang suporta sa mga ginigipit na lider-katutubo. Naghandog sila ng mga talumpati ng pakikiisa, kultural na pagtatanghal at nangako ng tuluy-tuloy na suporta.