Ang Bayan » UN “humanitarian truce” sa Gaza pinagtibay; Pilipinas, nag-abstain

October 28, 2023


Ipinasa ng United Nations General Assembly noong Oktubre 27 ang resolusyong nananawagan para sa isang “humanitarian truce” o makataong pagtigil ng mga atake, para bigyan-daan ang pagpasok ng ayudang makatao sa Gaza Strip. Nangangahulugan ito pangunahin ng pagtigil ng pambobomba ng Israel sa lugar. Pumasa ang resolusyon na may 120 pabor na boto, 14 ba di sang-ayon at 45 na abstain.

Kinailangang ipasa ng General Assembly ang resolusyon matapos dalawang beses na hinarang ng US ang mga resolusyong inihain sa UN Security Council para rendahan ang pambobomba ng Israel. Nakakuha lamang ng limang boto ang unang resolusyon na inihain ng Russia noon Oktubre 16. Ang pangalawang resolusyon na inihain ng Brazil noong Oktubre 18 ay nakakuha ng 12 boto pero hinarang ng veto ng US at UK.

Ang pinakahuli at pumasang resolusyon ay itinulak ng Jordan at iba pang mga bansa sa Middle East para sa “kagyat, matatag at sustenidong makataong pansamantalang tigi-putukan na tutungo sa pagtigil ng paglaban.” Ipinanawagan dito ang paggalang sa mga internasyunal na makataong batas na nangangalaga sa kaligtasan ng lahat ng sibilyan at sibilyang kagamitan. Panawagan din nito sa “kapangyarihang mananakop” (Israel) na bawiin ang utos nitong palayasin ang lahat ng mga sibilyang Palestino, kabilang ang mga istap ng UN at humanitarian worker sa hilagang bahagi ng Gaza at tumungo sa timog na bahagi ng engklabo.

Sa gitna ng mga debate, tinangkang isingit ng Canada, sa tulak ng US, ang amyenda para kundenahin ang Hamas sa “teroristang pang-aatake” nito sa Israel noong Oktubre 7. Ibinasura ng mayorya ang tusong amyendang ito at hindi ipinasok sa pinal na resolusyon. Nag-abstain o hindi bumoto nang pabor o kontra sa resolusyon ang Canada, gayundin ang United Kingdom, Italy, India, Germany, Ukraine, Sweden at iba pa.

Isa sa mga nag-abstain ang rehimeng Marcos ng Pilipinas, na una nang idineklarang “terorista” ang Hamas bilang pagpapakita ng pagiging sunud-sunuran nito sa US.

Samantala, bumoto kontra sa resolusyon ang Israel, Austra, Croatia, Czech Republic, Fiji, Hungary, Guatemala, MarshallIslands, Micronesa, Nauru, Papua New Guinea, Paraguay, Tonga at US. Matapos bumoto at natalo, idineklara ng Israel ang UN bilang “hindi lehitimo.”

Ang resolusyon ay hindi “binding” o hindi obligadong ipatupad ng mga sangkot na bansa. Gayunman, ayon sa mga eksperto, ipinamamalas nito ang malawak na pagtutol sa walang habas na pambobomba ng Israel at henosidyo sa mga Palestino, at kung gaano kahiwalay ang US at Zionistang estado ng Israel sa buong mundo.

Ipinasa ang resolusyon sa gitna ng mga balitang nauubos na ang suplay ng langis sa Gaza. Mangangahulugan ito ng pagtigil ng naparaming kinakailangang serbisyo nangangailangan ng kuryente at panggatong, kabilang ang natitirang mga ospital at iba pang pasilidad pangkalusugan, at lalupang paglalim ng humanitarian crisis sa lugar.

Ayon sa UN Relief and Works Agency (UNRWA), espesyal na ahensya ng UN para sa mga Palestinong refugee, nagsimula nang maubos ang panggatong sa mga refugee center noon pang Oktubre 25. Mabilis na ring nauubos ang pagkain at tubig. Mula Oktubre 7, mahigit lamang 70 trak ng ayudang makatao ang “pinayagan” ng Israel na pumasok sa Gaza, sa pamamagitan ng hangganan nito sa Egypt. Sa nakaraan, 100 trak ng ayudang makatao ang araw-araw na pumapasok sa Gaza. Siksikan na ang mga sentro ng ebakwasyon at di na ito nakakapagbigay ng “may dignidad na pamumuhay” sa mga refugee.

Sa pinakahuling tala, nasa 7,326 na Palestino na ang napatay sa mga pambobomba ng Israel sa Gaza, kung saan 3,038 ang mga bata. Noong gabi ng Oktubre 26, binomba ng Israel ang mga susing linya ng telekomunikasyon at isinadlak ang Gaza sa halos lubos na pagkaputol ng komunikasyon at ganap na kadiliman.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

On surviving my own attempt and preventing another

Trigger warning: Suicide I am not sure where I stand

Sa armadong pagrerebolusyon makakamit ang katarungan

Titiyakin ng Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan Masbate na makakamit