Ang Bayan » Walang pakundangang pamamaslang ng Israel sa mga mamamahayag sa Gaza, kinundena

October 30, 2023


Naglabas ng pinag-isahang pahayag ang pitong grupo ng mamamahayag sa Southeast Asia para kundenahin ang walang pakundangang pamamaslang sa mga mamamahayag at iba pang sibilyan. “Itinuturing namin itong pundamental na paglabag sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas,” pahayag ng mga organisasyon noong Oktubre 27. Nakiisa rin sila sa lahat ng mga mamamahayag at manggagawang midya na nagtatrabaho ngayon sa Gaza.

Sa pagitan ng Oktubre 7 at 23, umaabot na sa 23 mamamahayag ang napatay sa pambobomba ng Israel, kalakhan ay mga Palestino. Hindi rin ligtas ang kanilang mga pamilya kahit pa nakasukob na sila sa mga kinikilalang mga sentro ng ebakwasyon. Ganito ang nangyari sa pamilya ni Wael Al-Dahdouh, korespondent ng network ng Al Jazeera, na namatay sa pambobomba ng Israel sa sinusukuban nilang lugar.

Mas marami pa ang nasugatan, nawawala o arbitraryong ikinulong ng Israel. Noong gabi ng Oktubre 27, sadyang binomba ng Israel ang mga linya ng telekomunikasyon at isinadlak ang Gaza sa halos ganap na communications blackout. Pinutol nito ang ugnayan sa pagitan ng mga residente sa Gaza at buong mundo.

Sinasabing ang tanging gumagana na lamang sa Gaza ay mga satellite phone, pero kahit ang mga ito ay maaari ring targetin ng Israel. Ayon sa mga eksperto, may kakayahan ang Israel Air Force na tukuyin ang bawat electronikong device sa Gaza gamit ang mga satellite nito at wasakin ang mga ito gamit ang mga misayl.

Mariing kinundena ng unyon ng mamamahayag na Palestino ang pagwasak ng Israel sa imprastruktura sa komunikasyon. “Sadyang tinarget ng Israel ang mga pasilidad ng cellphone at internet para supilin ang impormasyon sa ‘bagong mga masaker’ na isinasagawa sa teritoryo ng Palestine,” ayon sa unyon. Sinundan ang pagputol sa komunikasyon ng malawakan at walang awat na serye ng pambobomba na itinuring na pinakamatindi mula nang simulan ang pang-aatake sa Gaza.

“Pinananagot namin ang Israel sa pagkitil sa buhay ng mga kapwa naming mamamahayag at nananawagan kami sa United Nations at mga organisasyon nito para sa karapatang-tao na kagyat na mamagitan at itigil ang gerang henosidyo sa Gaza at ibalik ang akses sa komunikasyon dito.”

Liban sa mga mamamahayag, lalo’t higit na apektado sa halos ganap na blackout ang komunikasyon sa pagitan ng ambulansya, mga rescue worker at ospital at iba pang serbisyo.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss