Ang Bayan » ₱10B “confidential” at “intelligence” funds sa panukalang badyet, binatikos


Binatikos ng ilang senador at kongresista ang ₱10.14 bilyon na nakalaang confidential at intelligence fund (CIF) para sa mga upisina ng presidente, bise presidente at iba’t ibang ahensya sa panukalang badyet para sa 2024. Sa isinapubliko nang panukalang ihaharap ng rehimen sa Kongreso, nakalagay ang alokasyon na ₱5.277 bilyon para sa “intelligence” o “gastusing paniktik” at ₱4.864 bilyon bilang “confidential expenses” o “mga lihim na gastusin.” Mas mataas ito nang ₱120 milyon kumpara sa CIF ngayong taon.

Ayon sa makabayang kongresista, wala itong pinagkaiba sa “pork barrel” dahil ito ay discretionary o walang tiyak na paggagastusan.

“Napakalaki ng presidential pork sa porma ng CIF na ibinibigay sa mga sibilyang upisina at ahensya na wala namang tungkuling maniktik o pagpapatupad ng batas,” ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro ng ACT Teachers Party.

Sa panukalang badyet, pinakamalaki ang hinihingi ni Ferdinand Marcos Jr na CIF na ₱9.2 bilyon. Mas malaki pa ito kumpara sa CIF ng Department of National Defense na nasa ₱1.898 bilyon. Muli ring humihingi ang upisina ni Sara Duterte bilang bise presidente ng ₱500 milyon at ang pinamumunuan niyang Department of Education ng ₱150 milyon.

“Lubog na nga ang bansa sa utang at napakaraming mga social services na dapat pondohan pero mas inuuna pa ang pork,” ayon kay Castro.

Kinundena rin ni Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party ang paghingi ng CIF nina Marcos at Duterte sa gitna ng matinding krisis, mababang sahod at kagutuman. “(M)ahirap sabihing “Agenda for Prosperity” ang 2024 budget. Hindi mangyayari ang sinasabing “future-proof and sustainable economy” (tiyak na kinabukasan at sustenableng ekonomya) kung patuloy ang paglalaan ng bilyong pondo para sa confidential at intelligence funds,” aniya. Panawagan nila ang “zero CIF” sa badyet para sa susunod na taon.

Samantala, tinawag ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang panukalang CIF bilang “isang malaking pagkakamali.” Nagpapamalas ito ng kawalan ng pakikiramay at pag-intindi sa tunay na pangangailangan ng mga ordinaryong Pilipino, aniya.

Pinansin din ng isa pang senador ang animo’y nagiging “uso” na paghingi ng CIF. “Bakit parang nauso na, bakit lahat biglang humihingi na ng intelligence funds?” tanong ni Senator JV Ejercito.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!