Ang kuwago at ang kawatan – Pinoy Weekly

August 28, 2024


Sa panahong nagtatagisan para sa atensiyon ng tao ang iba’t ibang vlogger, live seller, at mga livestream ng radyo at telebisyon, baka resibo ng mga bayarin na lang ang papeles na nakakapasok sa kabahayan ng mga Pilipino. Ito at ang mga babasahin ng mga bata para sa pag-aaral.

Noong pandemya, laman ng mga tahanan ang sari-saring module. Ilan sa mga ito, may kapuna-punang mga aktibidad tulad ng pagguhit ng 800 na bituin sa loob ng kahon. Minsan na ring kinondena ng Commission on Human Rights ang isang module sa Media Literacy na may aktibidad na nagsasabing tamang desisyon ang hindi lumahok sa mga protesta dahil ginagawa ng gobyerno ang lahat para sa mga Pilipino.

Naging isyu rin ang hiraman ng module. Dahil wala umanong sapat na pondo ang Department of Education (DepEd) noon para magkaroon ng module ang bawat bata, posible raw maghiraman ang apat na mag-aaral sa isang kopya. Bago ang pandemya, ganito na ang sitwasyon sa mga pampublikong paaralan.

Hindi lahat ng mag-aaral ang nakapag-uuwi ng sarili nilang libro sa lahat ng kanilang mga subject. Sa mga pampublikong paaralan, iniiwan sa klasrum ang mga libro para mapaghahatian tuwing klase. Ibinahagi rin sa Pinoy Weekly ng isang guro noong nakaraang taon na sila pa ang gumagastos sa photocopy ng ilang pahina para may magamit sa klase ang mga mag-aaral.

Hindi na nakakagulat na ayon sa datos ng World Bank ukol sa “learning poverty” (karalitaan sa pagkatuto) noong 2022, 90% ng batang Pilipino na 10 taong gulang ang hirap sa pagbabasa. Ayon sa resulta ng 2019 Southeast Asian Primary Learning Metrics, apektado ang pagkatuto ng mga bata na walang sariling libro.

At sa kabila ng lahat ng ito, naniniwala si Pangalawang Pangulong Sara Duterte na ang sinulat niyang kuwentong pambata ang tunay na nangangailangan ng pondo. Tulad ng isyu noon sa ginastang P125 milyon na confidential funds, nagmumukhang barya-barya ang milyon mula sa kaban ng bayan.

Sabi ng Office of the Vice President (OVP), kasama sa 2025 budget proposal ang libro dahil isasama ito sa mga ipapamahaging school bag para sa “PagbaBAGo” campaign ng tanggapan. Para raw ito sa kabataan, hindi sa halalan. Pero hirap si Duterte kumbinsihin ang Senado at ang publiko na ipangpuhunan ang kaban ng bayan para sa kanyang libro.

Napaulanan ng kabi-kabilang puna ng mga eksperto ang disenyo, pananalita, paksa at punto ng 16 na pahina na kuwentong pambata.

Hindi man aayon sa reyalidad ang libro tungkol sa nagsasalitang ibon, dapat may napupulot pa ring kaalaman ang mambabasa—tulad ng katotohanan na madalang magtagpo sa kagubatan ang mga kuwago na mas aktibo tuwing gabi at loro na gising sa umaga. Pati ang tirahan ng kuwago sa kuwento, malayo sa katotohanan.

Pero ipagpalagay na maitutulad ang kuwento ni Duterte sa mga likha tulad ng SpongeBob Squarepants (wala namang mga lamang-dagat ang naninirahan sa loob ng pinya), hindi pa rin madaling mapatawad ang ilang pagkakamali tulad ng paggamit ng matalinghangang mga salita, maling gamit sa panghalip at mga maling baybay.

Ang mga pagkakamaling ito, naiiwasan ng mga manunulat sa Pilipinas sa pamamagitan ng masinsing pagbabasa ng mga editor, paulit-ulit na mga workshop kasama ang mga kapwa manunulat, at iba pang hakbang sa paglilimbag ng libro na mukhang hindi na pinagdaanan ng bise presidente.

Kaya ganoon na lang ang himutok ng mga propesor sa panitikan at mga beterano sa pagsusulat at paglilimbag. Bukod sa masalimuot na proseso para masiguro na pasado sa pamantayan ng mga publisher ang kuwento, pahirapan pa ang paghahanap ng pondo. Wala ni isang opisina ng gobyerno, kahit pa ang National Book Development Authority, ang nag-aalok ng P10 milyon para sa iisang manunulat.

Kung paniniwalaan ang OVP sa layunin nilang maengganyo ang kabataan na magbasa at mag-aral, dalhin nila ang kalakhan ng pondo sa mga proyektong hayag ang paggamit at hindi basta confidential. Kung gusto nila makaagapay sa paglilimbag ng mga kuwento, napakaraming manunulat ng kuwentong pambata ang maaaring suportahan mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. 

Kabilang na rito ang kuwento ng mga bata mula sa pamilya ng mga magsasaka, mangingisda at manggagawa. Mula sa mga manunulat na malay sa mga danas na ito, manggagaling ang mga kuwento na magsisilbing palatandaan ng kultura, kasaysayan, pagsubok at pagpupunyagi ng kani-kanilang komunidad.

Ang isang tunay na kaibigan, kumikilala sa mga totoong danas at naratibo ng komunidad at lipunan.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Billions for commercial tuna industry, crumbs for fisherfolk

Months of investigation by Bulatlat revealed that the booming commercial

2024 education budget: When will government learn?

My classmate once asked me how to spell ‘house’. We