Sa Baguio City ngayon, at maging sa buong Kordilyera, patuloy na sumisigla at lumalawak ang kilusang masa.
Mga kilos-protesta na pinangungunahan at nilalahukan ng mga kabataan laban sa korupsiyon, pagtutol sa mga proyektong itinutulak ng malalaking negosyo at paninindigan para sa karapatan ng mga katutubo. Masasaksihan ang mga pagkilos na ito sa Session Road, sa paligid ng Burnham Park, sa mga tanggapan ng gobyerno o sa harap ng mga paaralan.
Isa sa mga saksi at bahagi ng kilusang ito si Joanna Cariño, isang beteranong aktibista, Ibalaoi, manunulat, guro at isa sa mga nagtatag ng Cordillera People’s Alliance (CPA).
Hindi man siya palaging nasa unahan na ng martsa, kilala siya ng maraming kabataan bilang patuloy na paalala na ang pakikibaka sa Kordilyera ay may mahaba at malalim na kasaysayan.
Para kay Joanna, ang mga kasalukuyang pagkilos sa Baguio ay nagbabalik ng alaala ng panahong humubog sa kanyang buong buhay—ang First Quarter Storm o Sigwa ng Unang Kuwarto ng 1970.
Bago ang Sigwa
Taong 1968, pumasok si Joanna sa University of the Philippines (UP) Baguio. Maliit pa ang kampus noon at limitado ang mga kursong iniaalok, ngunit aktibo ang talakayan sa loob at labas ng mga silid-aralan.
“Hindi ka makatapos ng maraming courses [sa Baguio], you would have to go to Diliman. Parang you would just start as UP Baguio, then you would go to Diliman. “ paliwanag niya.
Makalipas ang isang taon, 1969, tuluyan namulat si Joanna at naging isang aktibista. Malaki ang impluwensiya ng kanyang ate na nauna nang sumapi sa Kabataang Makabayan, at ‘di naglaon, nahikayat din ang iba pa nilang kapatid. Sa kanilang pamilya, lima ang naging aktibista bago pa man ideklara ang batas militar.
“Nationally and even internationally, the youth were on the march.” Panahon rin iyon tumitinding krisis sa ekomomiya at politika sa buong daigdig.
Sa labas ng bansa, nagaganap ang digmaan ng Estados Unidos sa Vietnam. Sa Pilipinas, ramdam ang krisis sa bigas at langis, mataas ang antas ng disempleyo at lumilinaw ang intensiyon ni Ferdinand Marcos Sr. na kumapit sa kapangyarihan.
Para sa kabataang tulad ni Joanna, hindi na sumasapat ang umiiral na sistema upang ipaliwanag o lutasin ang mga suliranin ng lipunan.
Isa sa mga karanasang tumatak sa kanya ay ang pagkilos laban sa presensiya ng militar ng Estados Unidos sa Camp John Hay.
“May pinatay silang Aeta sa Clark Air Base. They were saying, baboy ramo. Grabe talaga.”
Nagpiket ang mga aktibista sa Baguio. Hindi sila marami at hindi pa sanay sa marahas na dispersal. Dinakip sila ng pulis at dinala sa estasyon, kung saan sila nagpalipas ng magdamag. Bagaman kalauna’y pinalaya, malinaw kay Joanna na ang aktibismo ay may kaakibat na panganib. Sa karanasang iyon, lalo pang tumibay ang kanyang paninindigan.
“Another thing reminiscent of that period: You get very close. The activists become very close.”
Sa kabila ng tindi ng panunupil sa mga panahong iyon, may natatanging katangian ang kilusang masa sa Baguio: ang mahigpit na yakap sa mga kasama. Hindi lang organisasyon ang nabuo kundi isang komunidad. Malapit ang mga aktibista sa isa’t isa, bumibisita sa mga bahay, nagtitipon para magkuwentuhan sa harap ng bonfire.
Ang bahay ng pamilya Cariño sa Kisad Road ay naging bukas na kanlungan ng mga aktibista mula Baguio at Maynila, isang espasyong nagpatibay sa diwa ng kolektibong paglaban.
Karanasan sa ilalim ng diktadura
Nang sumiklab ang Sigwa ng Unang Kuwarto noong 1970, sabay na umalpas ang pagkilos sa Maynila at sa mga rehiyon sa buong bansa. Hindi nagpaiwan ang Baguio.
“Kung may malaking rally sa Maynila, may malaking rally din sa Baguio,” paggunita ni Joanna. Ang mga lansangan ng lungsod ay napuno ng mga estudyante at kabataang sumasabay sa pambansang panawagan laban sa pasismo at imperyalismo.
Para sa kanya, ang mga panahong iyon ay puno ng sigla at tapang—mga araw na nagpatibay sa kanyang pasyang ialay ang sarili sa pagkilos para sa pambansang demokratikong adhikain.
Ngunit hindi naiwasan ang direktang banggaan ni Joanna sa estado.
Matapos ang Sigwa, nagdesisyon si Joanna na maging full-time sa aktibismo. Iniwan niya ang unibersidad at tuluyang inilubog ang sarili sa kilusan.
Nang ideklara ang batas militar, napilitan siyang mag-“UG” o underground. Noong 1974, siya at ang kapatid niyang si Joji ay ilegal na inaresto sa Pangasinan, walang warrant, walang kaso.
“Joji and I, we were tortured. Electric shock. Then we were brought to Camp Olivas.” Dalawang taon silang ikinulong sa Camp Olivas. Isa itong karanasang nag-iwan ng malalim na sugat, ngunit hindi nakabali sa kanyang paninindigan.
Pagkalaya noong 1976, bumalik si Joanna sa Baguio, nagtapos sa UP Baguio at nagturo sa unibersidad.
Ngunit kasabay nito nagpatuloy ang paglahok ni Joanna sa pakikibaka sa Kordilyera, na humantong sa pagkakatatag ng CPA noong 1984 kung saan siya ay isa sa mga founding officer.
Panunumbalik ng mga Marcos
Masakit para kay Joanna ang panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan noong 2022. Para sa kanya, isa itong panahon ng matinding pagkasiphayo—hindi lang dahil sa pagbabalik ng pamilyang responsable sa batas militar, kundi dahil sa lantad na pagbaluktot sa kasaysayan at paglimot sa mga naranasan ng maraming Pilipino.
Sa kabila nito, mariin niyang binabasag ang ideya ng tinatawag na “Solid North.” “The activists always say that there is no solid north. That is a myth, the solid north.”
Malakas at matagal nang umiiral ang kilusang masa at kilusang pagpapalaya sa Kordilyera, lalo na ang pagtutol ng mga komunidad sa mga dambuhalang dam at mapaminsalang proyekto na pinahihintulutan ng estado hanggang sa kasalukuyan.
Para sa isang aktibistang dumaan sa pagkakakulong at tortyur, malinaw ang hulma ng kasaysayan: ang mga krisis na paulit-ulit na bumabalot sa bansa ay hindi hiwa-hiwalay na pangyayari, kundi bunga ng iisang sistemang matagal nang nabubulok.
Inspirasyon ang mga kabataang lumalaban
Sa halip na tuluyang manaig ang panghihina ng loob, pinipili ni Joanna na manatili, makinig, patuloy na kumilos at kumapit sa mga palatandaan ng pag-asa.
Sa Baguio, nakikita niya ito sa mga kabataang patuloy na kumikilos. Mas mapanuri at mas malikhain sa pagharap sa mga hamon ng kasalukuyang panahon.
“The idealism of the youth looking for a better world is best channeled when they also try to integrate with the less fortunate sections of our population, the urban poor, the indigenous peoples, the workers, because this will help ground them in the realities of Philippine society.”
Para kay Joanna, ang diwa ng Sigwa ng Unang Kuwarto ay hindi lang nakapaloob sa alaala ng nakaraan. Nasa kakayahan itong magbago at umangkop ng anyo mula sa lansangan hanggang sa komunidad at kanayunan, mula sa sigaw hanggang sa organisadong pagtindig.
“The call always is to go beyond yourself,” paalala niya sa mga kabataan.
Sa kanyang mahigit limang dekada sa pakikibaka, malinaw kay Joanna na maaaring mapagod ang mga indibidwal, maaaring masupil ang ilang yugto ng paglaban, ngunit hindi basta-basta nawawala ang kolektibong diwa ng pagkilos.
“It’s true that a tree lives, a tree dies, [but] the forest lives forever.” Naniniwala si Joanna na may magpapatuloy pa rin na mga kabataan na ipagpapatuloy ang laban.
Ngayong 2026, ang alaala ng Sigwa ng Unang Kuwarto ay nananatiling buhay hindi bilang nostalgia, kundi bilang panawagan na nagpapatuloy.
Panawagan na muling buuin ang lakas ng sama-samang pagkilos, igiit ang katotohanan laban sa paglimot at ipaglaban ang isang Pilipinas na tunay na makatarungan para sa aping mamamayan.
Sa Baguio man at sa buong bansa, nagpapatuloy ang sigwa.
