Kasalukuyang tumitindi ang agresyon ng Tsina sa kanilang pagkamkam sa West Philippine Sea. Dagdag pa rito ang patuloy na paggamit ng Amerika sa Pilipinas bilang proxy sa paghahamon ng giyera pagpapalakas ng puwersa sa Asya-Pasipiko.
Nang dahil dito, kinapanayam ng Pinoy Weekly si Roland Simbulan, dating University of the Philippines professor, kasalukuyang corporate secretary ng Ibon Foundation at vice chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, upang alamin kung may matututuhan ba ang Pilipinas sa patakarang “Four Nos” ng Vietnam para protektahan ang teritoryo at kapakanan ng bansa.
Pinoy Weekly (PW): Maaaring ipaliwanag ninyo kung ano ang Four Nos ng bansang Vietnam at kung kailan po ito naisakatuparan?
Roland Simbulan: Ito ang kanilang guiding principle sa patakarang panlabas nila. Sinimulan nila itong Four Nos [noong] 2014 pero bago ito, originally, Three Nos lang ito. Iyong orihinal na na patakaran, nilabas nila ito n’ong pagtapos pa ng Vietnam War. Ngayon iyong orihinal na Three Nos , iyong una [ay] no military alliances sa sinumang bansa. Pangalawa, no foreign bases on their territory. Tapos pangatlo, no using Vietnam by one power against another. Iyan ang original na Three Nos nila. Ngayon n’ong 2014 binago ito. Ang dinagdag nila [ay] No use of force or threat of force in an international dispute. Ano bang nagyari noong 2014? Dahil sa drilling operation ng China sa Paracel Islands na parte ng exclusive economic zone ng Vietnam, nagkaroon ng oil leak. Ngayon, iyong Vietnam sapilitang n’yang pinaalis iyong oil leak na ‘yon at nagpadala s’ya ng maraming guard n’ya at pinaligiran iyong oil leak na ‘yon.
PW: Bakit ito napagpasiyahan na gawin ng bansang Vietnam?
Simbulan: Itong Four Nos na ito ay ginagamit para hindi sila maipit sa bangayan ng malalaking bansa —upang hindi maging battlefield ang kanilang bansa.
Dati noong 1970s may Russian na military base pero noong 1980’s pinaalis nila ito sa Cameron Bay dahil ayaw nilang maipit sa away ng Russia at China o ng Russia laban sa US (United States).
PW: Ano ang epekto nito sa foreign policy ng Vietnam gayundin sa mga karatig bansa?
Simbulan: Mayroong kapayapaan, hindi nagkakaroon ng tensyon,at ang Vietnam [ay] nakikinabang sa kaniyang mga relasyon sa iba’t ibang mga bansa kahit pati sa mga bansang nag-aaway o magkaribal. Tulad ngayon, maganda ‘yung relasyon ng Vietnam sa China when it comes to trade, biggest trading partner n’ya, biggest source of tourists.
Tapos maganda iyong kanilang pakikipagkaibigan sa US, marami ring exports ang Vietnam sa US. Maraming Vietnamese products ang binibili ng US dahil walang kaaway ang Vietnam at hindi ninya pinapagamit ang kanyang teritoryo sa isang superpower para labanan ang iba pa. Kaya kahit may kumpetisyon, parehong napapakinabangan ng Vietnam ‘yung relasyon sa bawat isa at palakasin ang sarili n’yang ekonomiya.
Nakakatulong ito, overall, sa prinsipyo ng Zone of Peace and Neutrality na inanunsyo noong 1990’s ng mga ASEAN countries. Itong patakarang ito ay consistent doon o ang sistemang ito ang nagpapatibay sa kapayapaan at masiglang pakikipagkalakalan sa ating rehiyon.
Kaya nga sa buong mundo, nagiging center of gravity ng economic activity ang Asia lalo na itong China at mga bansang nakapaligid, mga miyembro ng ASEAN.
PW: Maaari kaya itong gawin ng Pilipinas lalo na sa nangyayaring pagkamkam ng China sa West Philippine Sea?
Simbulan: Oo, puwede. Basta malakas ang political will ng ating mga lider, wala namang imposible. Kaya rin mas nagiging agresibo ‘yung China sa South China Sea—West Philippine Sea—dahil sa pagdikit natin sa US forces at ‘yung missile na nakatutuok sa Tsina na nakakapagbigay panganib. Napagbantaan iyong trade sa South China Sea dahil sa pagtalaga ng missiles sa Pilipinas.
Ang importante rito ay magkaroon ng demilitarization, tanggalin iyong EDCA [Enhanced Defense Cooperation Agreement] bases dito. Tapos siguro kung nangyari ‘yon, malamang wala nang dahilan iyong China na magtayo ng artificial island bases sa Spratly Islands, wala na silang dahilan para magbanta sa Pilipinas.
PW: Ano ang pagkakaiba ng Four Nos sa foreign policy ng Pilipinas?
Simbulan: Siyempre ibang-iba ito dahil sila ayaw nila ng any military alliance. Doon palang ibang-iba kasi sila ayaw nila. ‘Yung una palang nilang “No”, kaya ibang–iba. Itong Mutual Defense Treaty, na kasunduan sa US ay isang bilateral military alliance.
PW: Anong aral ang makukuha ng PIlipinas mula sa Four Nos?
Simbulan: Unang-una para makaharap natin itong big powers, kailangan nating makipagtulungan sa ibang Southeast countries—dito sa ASEAN kasi sampung bansa ito. Nang dahil sila rin ay mayroong interes sa kapayapaan at prosperity ng rehiyon. Kailangan natin collectively na may continuous consultation sa ASEAN. At sabay-sabay din na kasama sila sa pagbalangkas nitong patakaran na ganito tulad ng Vietnam. Kaya minumungkahi ko nga na gawing modelo ng sampung ASEAN countries itong Four Nos ng Vietnam.
Gusto kasi ng US na gamitin ‘yung teritoryo natin sa ASEAN bilang base o lunsaran ng kanilang military operations na nakapaligid sa China. Siyempre dahil napagbabantaan ang China, naturally mag-mi-militarize ng Spratly [Islands] at maghahanda para sa depensa nila. At para mawalan sila ng dahilan, kailangan tanggalin itong US EDCA sites sa Pilipinas. The demilitarization should be both sides, dito sa side natin at sa China.