Apayao, Sibuyan, nangangamba sa planong pagmimina – Pinoy Weekly

Apayao, Sibuyan, nangangamba sa planong pagmimina – Pinoy Weekly


Naiulat nitong nakaraang linggo ang kabi-kabilang planong pagmimina sa bansa, partikular na sa mga lugar sa lalawigan ng Apayao at Sibuyan Island sa lalawigan ng Romblon. 

Napag-alaman ng mga residente ng Conner, Apayao na nagsimula nang makipagpulong ang mga kinatawan ng kompanyang mina na Greenwater Mining Corporation/Copper Fields sa mga opisyal ng kanilang barangay.

Ayon sa grupong kontra-mina na Save Apayao People’s Organization (SAPO), nag-iiwan ito ng mga seryosong tanong tungkol sa intensiyon, tiyempo at direksyon ng aktibidad ng kompanya.

Dagdag nila, ang pagkakaroon ng Exploration Permit Application No. 002 ng kompanya na sumasaklaw sa tinatayang 14,256 ektarya ng lupa sa kanilang barangay ay nagpapatunay na matagal nang may interes ang kompanya sa pagmimina rito. 

“Hindi maaaring ipagsawalang-bahala ng mga mamamayan ng Apayao ang mga kasalukuyang bugso ng mining promotion at investment na maaaring humantong sa pagkakasira ng ating kabundukan, kagubatan, ilog, sakahan at lupang ninuno,” pahayag ng SAPO sa Ingles.

Samantala, inaprubahan naman ng Sangguniang Bayan ng San Fernando sa Sibuyan Island, Romblon ang resolusyong nag-eendorso sa aplikasyon ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) para sa kanilang Declaration of Mining Project Feasibility at sa nakatakda nitong operasyon sa 42 ektaryang lupa sa Barangay España.

Nangyari ang pag-endorso ng Sangguniang Bayan nang walang pag-endorso mula s Barangay España noong una. 

Magsisilbing isa sa mga rekisito ang endorsement ng Sangguniang Bayan para sa aplikasyon ng kompanya sa operasyon nito. Dadaan pa ang aplikasyon ng kompanya sa pagsusuri at pag-apruba ng iba pang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan. 

Nagsagawa naman ng rally at noise barrage ang mga residente ng San Fernando bilang pagtutol sa naging desisyon ng kanilang Sangguniang Bayan.

Sa gitna ng mga ulat ng kabi-kabilang operasyong mina, nagpahayag naman si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Juan Miguel Cuna na posible ang “responsableng pagmimina” sa bansa dahil sa kasalukuyang teknolohiya. 

Pinabulaanan ito ng Alyansa Tigil Mina at sinabing panlilinlang umano ito upang makuha ang pagsang-ayon ng publiko sa pagmimina. 

“Mayroon tayong dose-dosenang kaso ng mga proyektong pagmimina na lumalabag sa umiiral na mga batas at regulasyon ng DENR, o mga proyektong nabigong tuparin ang kanilang obligasyon,” pahayag ng grupo sa Ingles. 

Dagdag pa nila, maraming mga pagkakataon na hindi isinasapubliko sa mga pamahalaang lokal at mga apektadong komunidad ang pagkakaroon ng mga aplikasyon at kontrata ng mga kompanyang mina. 

“Lahat ng ito ay malinaw na nagpapakita ng laganap na iresponsable at mapanirang gawain ng pagmimima dito sa Pilipinas,” sabi ng grupo.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning