Aresto, tortyur sa women’s rights advocate sa Camarines Norte, kinondena – Pinoy Weekly


Mariing kinondena ng iba’t ibang grupo sa Bikol at Timog Katagalugan ang ilegal na pag-aresto at naranasang tortyur ng 19 taong gulang na women’s rights advocate na si Fatima Banjawan sa kamay ng militar.

Kasalukuyang nakakulong sa Sta. Elena Municipal Police Station sa Camarines Norte si Banjawan matapos siyang damputin ng 85th Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) noong Ago. 2 sa tinutuluyang bahay nang walang warrant of arrest. 

Isang organisador ng mga magsasaka at boluntir ng Gabriela-Timog Katagalugan si Banjawan. Kinakaharap niya ngayon ang gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives.

“Sa Sta. Elena na kung saan s’ya dinakip ay nagsasagawa siya ng isang humanitarian mission [para] na alamin ang pangha-harass ng mga sundalo doon sa mga magniniyog, sa mga magsasaka,” ayon kay Rowena, ina ng inarestong aktibista, na pinabulaanang sa anak niya ang mga natagpuang armas.

“Piniringan po s’ya [sa] mata, na sa isang liblib na lugar ayon sa kanya, and’on na po ang mga armas at ang sinasasabi [raw] po ay nakuha doon sa bag n’ya samantalang ang mga laman ng bag ay mga damit n’ya at gamot na ginagamit nila sa humanitarian mission nila doon,” dagdag ng ina ni Banjawan.

Inilarawan ina ng naaresto na ang kanyang bunsong anak na malambing, maaalalahanin sa magulang, sa kapatid at sa mga pamangkin nya. “Mahilig po talaga si Fatima magboluntir, pagre-relief sa mga nasalanta po ng kalamidad sa iba’t ibang lugar,” aniya. 

Ayon sa Karapatan-Bikol, sumailalim sa matinding “psywar” si Fatima sa kamay ng higit 10 sundalo sa loob ng kampo ng 85th IBPA bago dalhin sa Provincial Hall of Justice sa Daet, Camarines Norte.

Sa pagtungo ng quick response team, sinalaysay ni Banjawan sa grupo na dumaan siya sa matinding mental torture kagaya ng pagpiring, intimidasyon, panunutok ng mataas na kalibre ng baril at sapilitang pagpapaamin sa kanya sa paratang na miyembro umano siya ng New People’s Army (NPA) sa kabila ng pagtanggi niya rito.

“Sa edad na 19 ay humarap sa isang matinding mental na pagtortyur. Ang banta ng isang miyembro ng [militar] na kapag hindi umamin o sumuko si Fatima ay siya ang huhukay ng kanyang sariling libingan. Masasabi nating ito ay hindi makatarungan at matinding paglabag sa karapatang pantao,” wika ni Nida Barcenas ng Karapatan-Bikol. 

“Si Fatima ay hindi NPA. Isa s’yang kabataan na nagsusulong ng karapatan ng mga magsasaka at nanguna sa pag-oorganisa sa sektor ng kababaihan at pagbibigay serbisyo at mga pagsasanay hinggil sa anti-violence against women and children,” pahayag ng Gabriela-Timog Katagalugan.

“Itong nangyayari kay Fatima ay hindi lamang nangyayari sa iisang tao. Ito ay nangyayari sa marami pang aktibista at human rights defenders mismo sa aming rehiyon sa Timog Katagalugan,” sabi ni Krisha Mae Cerujano, secretary general ng Gabriela-Timog Katagalugan.

Ayon sa Karapatan-Timog Katagalugan, umabot na sa 79 ang bilanggong politikal sa kanilang rehiyon kung saan 20 rito ay kababaihan. Tumaas na rin sa 24 ang naitalang biktima sa rehiyon ng mga sinampahan ng mga gawa-gawang kaso kaugnay ng Anti-Terrorism Act. 

Samantala sa Bikol, tinatayang nasa humigit-kumulang 500 kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao ang naitala ng Karapatan-Bikol mula nang maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hanggang Nobyembre 2023 kasama ang 24 na bilanggong politikal at 10 kaso ng pagpaslang

Nananawagan ang magulang ni Banjawan kasama ang mga progresibong grupo sa agarang pagpapalaya at sa pagpapawalang-sala sa kasong isinampa laban sa aktibista.

“Ipawalang bisa ‘yong mga binibintang na mga kaso sa kanya. Sana po mailipat sa mas maayos na pasilidad ‘yong anak ko na kung saan makakakain s’ya nang maayos at [matiyak ang] kaligtasan ng aking anak,” panawagan ng ina ni Banjawan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!