Bagyong Julian, naminsala sa hilagang Luzon  – Pinoy Weekly


Nagdulot ng matinding pagbaha at pinsala sa kabuhayan ang Bagyong Julian na humagupit sa mga lalawigan sa hilagang Luzon noong nakaraang linggo.

Umabot na sa P607.38 milyon ang halaga ng nawala sa produksiyon dahil sa bagyo ayon sa ulat ng Department of Agriculture (DA). Sinira ng bagyo ang mahigit 17,344 ektarya ng taniman sa mga rehiyon ng Cordillera, Ilokos, Lambak ng Cagayan at Gitnang Luzon. 

Tinatayang nasa 25,407 metriko tonelada (MT) ang dami ng pagkalugi sa palay, mais, at iba pang pananim na may mataas na halaga sa lahat ng mga naapektuhang rehiyon.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Ilokos, tiyak na inaasahan ang pagkalugi ng mga magsasaka sa papasok na anihan ng palay ngayong buwan ng Oktubre. Inaasahan din ang pagkagutom sa mga mangingisda sa rehiyon dahil hindi sila nakapagpalaot noong kasagsagan ng bagyo.

Sa ulat naman ng Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot na sa P813 milyon ang pinagsamang halaga ng pinsala ng bagyo sa agrikultura, imprastraktura, at mga bahay sa lalawigan. Ayon pa sa ulat, anim pa lang sa 29 barangay ang may kuryente samantalang limitado pa rin ang suplay ng malinis na tubig sa probinsiya.

“Sa halip na paghandaan ang kalamidad at gumawa ng kongkretong mga hakbang upang maiwasan ang mga malalaking pinsala, pakikipagbalyahan sa kapwa nitong kontra-mahirap na si Sara Duterte ang inatupag ni [Pangulong Ferdinand] Marcos [Jr.] at mga alipores nito,” sabi ng Solidarity of Peasants Against Exploitation-KMP Ilokos.

Giit nila na ibigay na gobyerno ang kagyat na karampatang tulong para sa mga naapektuhang magsasaka, mangingisda at residente. Sa gitna ito ng sunod-sunod na kalamidad na humagupit sa sektor ng agrikultura noong mga nakaraang buwan gaya ng tagtuyot, bagyo at pagbaha.

Panawagan nila ang P25,000 na ayuda sa produksiyon ng mga magsasaka, P15,000 para sa mga magsasaka, at P10,000 na tulong pinansiyal sa iba pang apektado.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!