Niraratsada ang pagpapatupad ng Maharlika Investment Fund. Inaprubahan na ito ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Disyembre 13 o 17 araw lamang matapos itong ihain bilang panukalang batas ni House Speaker Martin Romualdez. Gusto na itong aprubahan ng Senado sa pangunguna ni Senate President Miguel Zubiri. Kabilang sa mga masugid na nagsusulong ng MIF si Senador Mark Villar, isang multibilyonaryo at anak ng pinakamayamang Pilipino. Malakas at makatwiran ang mga batayan kung bakit natin dapat tutulan at pigilan ang pagsasabatas ng Maharlika Investment Fund:
- Kukunin sa pension fund at pondong panseguro ng mga manggagawa, kawani, magsasaka at mamamayan ang pondong ilalagak sa Maharlika Investment Fund. Pondo ito na pinaghirapan ng masa mula sa SSS, GSIS, pondo para sa mga magsasaka na nasa Landbank at Development Bank of the Philippines at pondo publiko mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang gagawing initial capitalization o start-up na pondo ng Maharlika Investment Fund.
- Hindi mapagkakatiwalaan si Marcos Jr lalo na pagdating sa pera. Nasa P589 bilyon o $10 bilyon ang nakaw na yaman ng pamilyang Marcos family at mga kroni nila mula 1965 hanggang 1986, hindi pa binabayaran ng mga Marcos ang P203 bilyong estate tax sa gobyerno. Malaki ang posibilidad na magamit sa korapsyon at sa pansariling interes ng iilang pinapaborang kaalyado, mga negosyo, at mga bagong kroni ni Bongbong Marcos Jr. ang Maharlika Investment Fund. Ganito ang nangyari sa pondo ng coco levy na sapilitang kinubra noon ng diktaduryang Marcos Sr. sa mga maralitang magniniyog. Hanggang ngayon, halos limang dekada na ang nakakaraan, hindi pa rin naibabalik at napapakinabangan ng mga magsasaka ang P100-bilyon coco levy fund.
- Kapag naisabatas, hindi na dadadaan sa Kongreso ang pagtatakda ng badyet ng Maharlika Investment Fund na tinatarget sa P500-bilyong piso. Sona libre na itong gamitin at isugal sa mga investments at negosyo na walang katiyakan kung kikita at/o mapapakinabangan ng mga ordinaryong Pilipino.
- Walang sobrang pera ang Pilipinas para lumikha ng isang sovereign wealth fund. Sa katunayan, umaaabot na sa P13.7 TRILLION ang pambansang utang ng Pilipinas o katumbas na P120,000 utang ng bawat Pilipino.
- Ang kailangan ng mamamayan ay nakabubuhay na sahod, sapat na ayuda, subsidyo sa agrikultura at produksyon ng pagkain, at pagtaas ng pondo para sa serbisyo publiko gaya ng edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pa. Kailangan rin na maibaba ang presyo ng bilhin, pagkain, langis at public utilities na labis na nagpapahirap sa taumbayan.#