Baryang dagdag-sahod, insulto – Pinoy Weekly


Inaprubahan kamakailan ng Department of Labor and Employment ang dagdag-sahod na P25 hanggang P41 sa Central Luzon, P27 hanggang P48 sa Soccsksargen at P30 sa Cagayan Valley.

Tatlong buwan bago nito, ipinatupad ang P35 dagdag sa minimum wage sa National Capital Region (NCR). Mas mababa ito ng P5 kumpara sa ipinatupad noong Hulyo 2023 at lalong malayo sa P597 ipinetisyon ng mga grupo ng mga manggagawa sa ilalim ng koalisyong Unity for Wage Increase Now (UWIN) nitong Mayo. Katulad noong nakaraang taon, malinaw na inihabol lang ito para may maipagyabang ang pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

Samantalang sa Calabarzon, P21 hanggang P75 lang ang itinaas sa arawang minimum na sahod ng mga manggagawa, malayo sa P750 dagdag-sahod na inihain ng Workers’ Initiative for Wage Increase-Southern Tagalog nitong Agosto.

“Malaking insulto” sa mga obrero para kay Kilusang Mayo Uno (KMU) secretary general Jerome Adonis ang ipinatupad na mumong dagdag-sahod sa mga rehiyon. Hindi barya-baryang dagdag kundi makatarungan at nakabubuhay na sahod umano ang kailangan ng mga manggagawa sa buong bansa.

“Hindi nakakatuwa kasi barya-barya [ang pinapatupad ng mga regional wage board]. Ito ay pagpapakita na walang malasakit ang gobyerno sa mga manggagawa na araw-araw nagbabanat ng buto,” ani Adonis.

“For 35 years na umiiral ang [mga] wage board ay walang naging pakinabang diyan ‘yong mga manggagawa. Mekanismo lang siya sa pambabarat ng sahod,” dagdag pa niya.

Mula nang ipinatupad ang Wage Rationalization Act noong 1989, tinatakda ng mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang pinakamamaba at magkakaibang sahod sa mga rehiyon at industriya.

Sabi ni Adonis, kagyat ang pangangailangan sa pagpapatupad ng makabuluhang dagdag-sahod sa mga nagpapagal at bumubuhat ng ekonomiya ng bansa, lalo na kaliwa’t kanan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at singil sa mga serbisyo.

Sa nakaraang SONA ng pangulo, ipinagmalaki niya ang kakarampot na dagdag-sahod  sa iba’t ibang rehiyon sa bansa sa kabila ito ng mga paggigiit ng mga manggagawa na tila limos ang ipinatutupad na umento ng gobyerno.

Sa datos ng independent think tank na Ibon Foundation, makikita na atrasado pa rin ang sahod upang masigurong matutustusan nito ang mga pangangailangan ng isang pamilyang may limang kasapi.

Sa NCR na may P645 na minimum wage, kulang pa ng P561 o may 46.5% na wage gap upang makamit ang P1,206 na tinatayang family living wage na siyang sasapat sa mga gastusin araw-araw. Bukod pa rito, NCR lang ang tanging may wage gap na mababa sa 50%.

Ang family living wage ay ang tinatayang nakabubuhay na sahod para sa isang pamilya. Batay ito sa halagang kinakailangan upang masigurong natutugunan ang mga gastusin sa pagkain at iba pang mga bayarin tulad ng kuryente at tubig.

Nasa P1,125 ang nakabubuhay na sahod sa Ilocos, P1, 203 sa Cordillera, P1,101 sa Cagayan Valley at P1,168 sa Central Luzon.

Sa Central Luzon, nasa P1,168 ang tinatayang nakabubuhay na sahod; sinundan ng Calabarzon na may P1,128; P1,222 sa Mimaropa; P1,175 sa Kabikolan; P1,024 sa Kanlurang Visayas, P1,269 sa Gitnang Visayas, P1,274 sa Zamboanga Peninsula; P1,226 sa Hilagang Mindanao, P1,176 sa Davao; P1,186 sa Soccsksargen. 

Samantala, kapansin-pansin na ang Bangsamoro ang may pinakamalaking family living wage na P2,047 at may pinakamataas na wage gap na 82.4% kumpara sa ibang rehiyon. Habang ang Silangang Visayas ang may pinakamababa na mayroong P872. 

Datos mula sa Ibon Foundation (Oktubre 2024)

Kung susuriin, malinaw na malayo ang kailangang baguhin upang maabot ang nakabubuhay na arawang sahod. Kulang na kulang ang kasalukuyang minimum wage na itinakda ng mga regional wage board upang masigurong makakapamuhay nang disente ang bawat pamilya sa Pilipinas.

Sa inilabas na pahayag ni Professor Benjamin B. Velasco ng University of the Philippines Diliman School of Labor and Industrial Relations, sinabing kahit na magandang balita ang mabagal na implasyon sa nakaraang buwan, hindi pa rin tumaas ang real wage o totoong halaga ng sahod ng mga manggagawang Pinoy.

Dahil umano ito sa patuloy na pagtaas ng singil sa mga pangunahing serbisyo tulad ng kuryente, tubig at telekomunikasyon na nagpapahirap sa mga micro, small and medium enterprise (MSME) na magtaas ng sahod. 

Habang ang nominal wage nama’y bahagya lang na tumaas noong 2023. Ibig sabihin, kahit na tumaas ang minimum wage, hindi pa rin ito sapat upang matugunan ang patuloy na pagtaas presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Sa ulat naman ng Philippine Statistics Authority (PSA), kailangan umano ng hindi bababa sa P13,873 kada buwan upang matugunan ang pangangailangan ng isang pamilya. Sa kabila ng napakababang pamantayang ito, walo sa 17 rehiyon sa bansa ang may mas mababang antas ng kahirapan kaysa sa national average.

Sa usapin naman tungkol sa productivity rate ng mga manggagawa, lumaki ang ambag nila sa paglago ng ekonomiya sa loob ng isang dekada ayon sa Ibon.

Batay sa datos ng PSA na nakaangkla sa presyo noong 2018, ang productivity ng paggawa ay tumaas ng 28.9%, mula P330,035 kada manggagawa noong 2012 hanggang umabot sa P425,511 noong 2022. Isang malaking patunay ng pagbabanat ng buto upang gampanan ng mga manggagawa ang kani-kanilang mga trabaho para lang suklian ng barat na sahod.

“Isang malaking insulto sa productivity na ibinubuhos ng mga manggagawa ang ipinapasang wage hike ng [mga] RTWPB. Hindi sapat upang tugunan ang aktuwal na pangangailangan ng pamilyang may limang miyembro,” ani Adonis.

Sa pag-aaral ng Jobstreet nitong 2024, humigit-kumulang 85% ng mga sumagot ay nagpahayag ng kasiyahan o pagiging nyutral sa kanilang kasalukuyang trabaho.

Ang mga salik na nakaapekto sa pagdetermina ng kasiyahan ng mga manggagawa sa kanilang mga trabaho ay may kinalaman sa pagpapanatili ng balanse sa trabaho at personal na buhay, inklusibong lugar ng trabaho, pleksibleng kaayusan sa trabaho tulad ng remote work at work-from-home setup at higit sa lahat, maayos na pasahod.

Bagaman mataas ang job satisfaction rate, hindi ito nangangahulugang lahat ay ligtas sa usaping pinansiyal o kuntento sa kanilang kinikita. Binanggit sa pag-aaral na may ilang manggagawa, partikular na ang mga nasa tiyak na industriya o may partikular na kakayahan, ang patuloy na humaharap sa mga hamon kaugnay sa antas ng sahod.

Mahalagang kilalanin ng pamahalaan na nananatiling malaking alalahanin para sa maraming Pilipinong manggagawa ang mababang sahod.

Sa NCR, P645 ang minimum wage ng mga manggagawa. Kulang na kulang para abutin ang family living wage. Sa katunayan, ito na ang pinakamalaking minimum wage kumpara sa 16 pang rehiyon sa Pilipinas. Ito ang dahilan bakit patuloy pa ring nakikibaka ang mga manggagawa sa lansangan. Bukod sa maayos na sahod, nais rin nilang buwagin na ang mga regional wage board at gawing pambansa ang minimum na sahod.

“‘Yong mga manggagawa mapapansin natin na nagtatrabaho ng walong oras, ‘yong iba diyan suma-sideline pa. Nagmo-motor [sa ride-sharing application], tricycle, pinapasok nila ‘yong iba’t ibang raket para lang may dagdag-kita,” sabi ni Adonis.

Nakaranas ng paglago ang labor market sa Pilipinas noong Hulyo 2024, na may pagtaas ng 3.2 milyong katao sa labor force participation at 3.1 milyon sa bilang ng mga empleyado.

Gayunpaman, nananatiling alalahanin ang kalidad ng mga trabahong ito, batay sa pagdami ng impormal na trabaho gaya ng freelancers at mga small business owners na 41% ng kabuuang bilang ng mga empleyado at pagtaas ng kawalan ng trabaho sa kabataan na may dagdag na 172,000.

Sa kabila ng pagtutok ng gobyerno sa dayuhang pamumuhunan, patuloy na nahihirapan ang merkado ng paggawa na lumikha ng mga pangmatagalan at disenteng oportunidad para sa mga Pilipino, partikular sa kabataan.

Ipinapakita nito ang pangangailangan para sa mas nakatuon at epektibong hakbang mula sa gobyerno upang tugunan ang mga hamong ito, tulad ng pagpapabuti sa mga programang pang-edukasyon at pagsasanay, pagpapalakas ng entrepreneurship, at pagsuporta sa mga lokal na negosyo.

Ayon sa PSA, bumagal ang inflation rate o tantos ng bilis ng pagtaas ng presyo sa buwan ng Setyembre sa 1.9% kumpara sa 3.3% nitong Agosto. 

Ang pangunahing dahilan umano’y ang mabagal na pagtaas ng presyo sa pagkain at non-alcoholic beverages, ang mas mabilis na pagbulusok ng implasyon sa transportasyon at ang mabagal na pagtaas ng implasyon sa pabahay, tubig, kuryente, gas, at iba pang produktong petrolyo.

Bumaba rin umano ang unemployment rate mula 4.7% tungong 4% sa Setyembre.

Sa usapin naman ng implasyon sa bigas na tinuturing na pangunahing pagkain ng mga Pilipino, bumaba ito mula 14.7% noong Agosto at 5.7% nitong Setyembre. 

Ngunit ayon sa Ibon, hindi dapat magpakampante ang pamahalaan dahil lang sa bumaba ang implasyon sa buwan ng Setyembre.

Patuloy na mataas ang mga presyo ng pagkain, lalo na para sa mga pinakamahihirap na Pilipino na nahihirapan sa kanilang kita. Gaya na lang ng dagdag-presyo sa diesel na P1.20 kada litro at P0.70 kada litro naman sa kerosene. Nariyan din ang isinabatas na 12% value-added tax (VAT) sa mga serbisyong digital at online.

Kaya naman wala talaga sa hulog ang inilabas na datos ng National Economic and Development Authority (NEDA) noong Agosto na kakayaning tugunan ng P64 ang pagkain ng isang tao sa isang buong araw.

Ang paliwanag ng NEDA, noong 2023, ang buwanang food threshold ng pamilyang may limang kasapi ay P9,581, ibig sabihi’y P64 kada tao. Sa presyo ng mga bilihin sa merkado, kulang na kulang ito para makakain ang isang tao ng tatlong beses sa isang araw.

Kaugnay nito, hindi dapat gamitin ng administrasyong Marcos Jr. ang mababang implasyon upang pangatuwiranan ang mababang sahod, kaltas sa panlipunang proteksiyon pati pondo sa agrikultura.

Sa dumadagdag na mga gastusin, dapat ding dagdagan ang salaping magagamit ng mga konsyumer. Ibig sabihin, mas maraming trabaho at mas makataong suweldo.

Giit pa ng Ibon, nagpapababa ng purchasing power o kakayahang makabili ng mga mamamayan ang mas mataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas na umaabot sa P50 hanggang P60 kada kilo.

Ayon naman sa KMU, hindi sapat ang mga hakbang ng gobyerno upang tugunan ang krisis ng mga manggagawa. Binigyang-diin nila na ang kasalukuyang mga hakbang, tulad ng P35 na dagdag-sahod sa NCR, ay malayo sa kinakailangan para matugunan ang tumataas na presyo ng bilihin. 

Iginiit din nila na ang mga manggagawa’y may karapatan sa makatarungang sahod at disenteng pamumuhay, at ang hindi pagtugon ng gobyerno sa mga pangangailangan ng manggagawa ay nagpapalala sa kanilang kalagayan.

Kagaya ng nakikitang tugon ni Adonis para sa isyu ng mga manggagawa, itinutulak din ng Makabayan bloc sa Kamara ang agarang pagpasa ng P750 across-the-board wage increase na nakabinbin pa rin upang maabot ang family living wage na P1,200 kada araw. 

“Ito ang pinakaunang hakbang tungo sa pagkakaroon ng isang makatarungan at nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa sa buong bansa,” wika ni Adonis.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!