Inihain nitong Okt. 20 ang panukalang Atin ang Kinse Kilometro Bill ng mga representante mula Makabayan bloc sa Kamara, kasama ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas).
Nagsusulong ang panukalang batas ng eksklusibong karapatan sa maliliit na mangingisda sa loob ng 15 kilometrong hangganan ng dagat munisipal.
“Napapanahon nang magkaroon ng panukalang batas na nagsusulong ng ganap na proteksyon ng munisipal na pangisdaan mula sa mga commercial fishing na kundiman mapanira, ay may malakihan at walang regulasyong operasyon,” ani Pamalakaya Pilipinas national chairperson Fernando Hicap sa isang pahayag.
Inihain nina Kabataan Partylist Rep. Renee Co, ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, kasama ang mga Pamalakaya Pilipinas ang panukala.
Ang Atin ang Kinse Kilometro Bill o House Bill 5606 ay tugon sa naging desisyon ng Korte Suprema na pinahihintulutan ang komersiyal na mga mangingisda sa 15 kilometrong dagat munisipal. May nauna ring desisyon noong Disyembre 2023 ang Malabon Regional Trial Court na pumabor sa Mercidar Fishing Corp.
Dahil sa mga desisyon ng korte, nagkaroon ng pangamba ang maraming karaniwang mangigisda sa labis na pagpabor sa mga operasyon ng komersyal na pangingisda.
Dagdag pa rito, nabanggit din sa panukalang batas ang naging gampanin ng mga huwad na batas para sa mangingisda tulad ng Republic Act 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998 sa pagpapapasok ng komersyal na pangingisda.
Ayon sa panukalang batas, ang komersiyal na pangingisda ay yaong mga operasyon na ginagawa para sa negosyo o kita, at hindi lang para sa sariling ikinabubuhay ng mangingisda.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority, nasa 212.07 libong metriko tonelada ang produksiyon sa pangisdaang munisipal nitong ikalawang kuwarto ng 2025, higit na mas mababa ng 5.5% kumpara sa 224.35 libong metriko tonelada na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Itinuturing ng Pamalakaya Pilipinas na mahalagang hakbang ang panukalang batas para sa pagkilala at proteksiyon ng mga lokal na mangingisda laban sa lumalawak na presensiya ng komersiyal na pangingisda na maaaring magdulot ng pagkaubos ng yamang dagat at tuluyang pagliit ng kita ng mga maliliit na mangingisda.