Kinondena ng grupo ng kababaihang magsasaka na Amihan National Federation of Peasant Women ang Bigas 29 program ng Department of Agriculture at National Food Authority para sa mga solo parent, nakatatanda at may kapansanan.
Inihalintulad ng grupo ang ibinebentang P29 kada kilo na bigas sa dating bukbok rice na luma at hindi maganda ang kalidad subalit patuloy pa ring ibinenta sa mga bulnerableng sektor.
“Makikita ang kainutilan, kapabayaan at pagiging kontra-mahirap ng gobyernong ito na kahit lumang bigas ay ibebenta at ipapakain sa mga maralitang konsyumer,” ani Amihan chairperson Zenaida Soriano.
Pinuna rin ng grupo ang pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Executive Order 62 para ibaba ang taripa sa imported na bigas sa 15%.
Anila, mas mainam na palakasin ang lokal na produksiyon ng palay upang masigurong sapat at dekalidad ang bigas sa mga palengke.
Patuloy din ang pagtutol ng grupo sa Rice Liberalization Law na kanilang itinuturong ugat ng krisis sa bigas at palay sa bansa.