Bonggang-bonggang batang naka-gown – Pinoy Weekly

June 30, 2024


Isang araw, may isang batang nagdiwang ng kanyang kaarawan. Hiniling niya sa kanyang mga magulang na payagan siyang magsuot ng kulay ubeng bestida sa kanyang kaarawan. Malugod na pumayag ang kanyang mga magulang at hinayaan siyang maging masaya sa kanyang suot na gown at wig.

Malaya siyang rumampa, sumayaw at nag-pose. Ang mga magulang, “Andito lang kami, bubuuin namin [ang] pagkatao mo. Kung ano gusto mo, support ka lang namin. Super love ka namin.” At doon nagtapos ang makulay na kuwento ng isang bonggang-bonggang batang nagdiwang ng masayang kaarawan. 

Pero hindi natapos diyan ang kuwento. Matapos lumabas sa midya at nag-viral ang video sa social media, nagsilabasan ang mga moralista’t akala mo’y kampon ng kalinisan. Kinondena ang mga magulang sa pagsuporta sa anila’y kapritso ng bata. Konsintidor daw. Pinapabayaang “mapariwara” ang bata at marami pang masasakit na salita kesyo “tolerance” daw sa kasarian pero dapat ay huwag hayaang mapunta sa maling daan ang bata.

Ano nga ba ang pariwara doon? Sino ang makapagsasabing mali ang naging pasya ng bata at kanyang mga magulang? At sino tayo para manghusga sa kanila, gayong hindi naman natin sila kilala? 

Sa ganang akin, nagpasya ang bata kung ano ang kanyang gusto. At hindi ito pagbibigay ng hilig. Bagkus, pagpapakita ito ng pagsuporta ng mga magulang sa indibidwalidad ng bata, sa kanyang karapatang magpasya para sa sarili.

Madalas nating itinuturing ang bata bilang tabula rasa o blank slate na walang alam. Pero pinatunayan na nga ng mga pag-aaral na may kakayahang mag-isip ang mga bata. Karapatan ng bata na ipahayag ang sarili niya, lalo pa’t wala naman siyang nasasaktan o nasisirang reputasyon o kaya’y nagdudulot ng problema sa pambansang seguridad.

Batayang karapatan ng bata ang umunlad. Kinikilala ito ng mga pandaigdigang tratado tulad ng United Nations Convention on the Rights of the Child: “The child shall have the right to freedom of expression; this right shall include freedom to seek, receive, and impart information and ideas of all kinds, regardless of frontiers, either orally, in writing or print, in the form of art, or through any other media of the child’s choice.”

Sa pinakamaagang bahagi ng kanilang buhay, nag-iisip na ang mga bata. Tinutuklas at kinikilala na nila ang kanilang identidad. Ako nga e, limang taon pa lang ‘ata ako noong napagtanto kung ano ang aking kasarian. Siyempre wala pang label na trans sa akin noon, pero batid ko na kung ano ako. Kaya hindi dapat natin ipagkait sa kanila ang pagtalunton sa kanilang pagkatao at pagkakakilanlan.

Sabi nga ng sikolohistang si Erik Erikson, sa edad pito pataas, natututunan ng mga bata ang iba’t ibang kakayahang emosyonal at pakikisalamuha. Kung gayon, mahalagang suportahan ng mga magulang at tagakalinga ang mga bata lalo sa pagharap sa mga hamon at pagtatangkang harapin ang mga ito sa kanilang sariling pamamaraan. 

Isa pa, walang kasarian ang damit, at least noong unang panahon. Sa pag-usbong at pag-iral ng kapitalismo, naging target ng mga kapitalista na gawing hiwalay ang damit ng mga kasarian upang maisulong ang industriya ng pananamit at magkamal ng limpak-limpak na tubo mula rito. Diyan din nagsimula ang pagkakaroon ng kulay ng mga gamit na para sa mga kasarian. 

Tigilan na natin ang pananaway sa mga bata. Hindi tolerance, kundi respeto ang kailangan—pagkilala sa pagiging sari-sari ng mga kasarian at pagkatao. Sa tolerance, pagtanggap lang ito sa nariyan na, labag man ito sa loob n’yo. Samantalang ang respeto’y pagkilala sa tao nang walang pag-iimbot at pagtatangi, paggalang sa kanilang agency o kakayahang mag-isip at magpasya sa sarili. 

Hayaan nating tuklasin at kilalanin ng mga bata ang kanilang sarili nang walang takot at pangamba. Bigyan natin sila ng sapat na espasyo para yumabong na tulad ng mga punong magdudulot ng higit na ginhawa. Kung ‘di ka kumportable sa presensiya ng mga batang trans, wala sa kanila ang problema, lalo na kung wala naman silang ginagawa sa iyo. Tiyak, nasa iyo ang problema. Happy Pride, mga mahal!



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Taguig Court convicts NDFP’s Frank Fernandez, wife Cleofe Lagtapon of illegal gun possession

Taguig Court convicts NDFP’s Frank Fernandez, wife Cleofe Lagtapon of

NTC wants judge handling website blocking case to inhibit

Photo by Carlo Manalansan/Bulatlat By ALYSSA MAE CLARINBulatlat.com MANILA —