Bp. Ambo ng Kalookan, bagong Pilipinong kardinal – Pinoy Weekly


Inanunsiyo ni Papa Francisco ang 21 bagong kardinal ng Simbahang Katoliko sa bintana ng Apostolic Apartments sa Vatican City, hapon ng Okt. 6 (oras sa Pilipinas) matapos manalangin ng Angelus. Kabilang sa mga bagong kardinal si Bp. Pablo Virgilio David ng Diyosesis ng Kalookan.

Gaganapin ang consistory o pagtatanghal sa mga bagong kardinal sa darating na Dis. 8, kapistahan ng Immaculate Conception, bago ang pagbubukas ng 2025 Jubilee of Hope at pagkatapos ng ikalawang sesyon ng Synod on Synodality sa Vatican City.

“Ipanalangin natin ang mga bagong kardinal, na sa pamamagitan pagpapatibay ng kanilang pagsunod kay Kristo, ang maawain at matapat na punong pari, na matulungan ako sa aking ministeryo bilang Opisbo ng Roma para sa ikabubuti ng lahat ng mamamayan ng Diyos,” sabi ng Santo Papa sa wikang Italyano.

Nakilala si David sa kanyang mariing pagtuligsa sa mga pagpaslang sa ilalim ng madugong giyera kontra droga ng administrasyon ni Rodrigo Duterte.

Marami sa mga biktima ng mga operasyong kontra droga at iba pang kaso ng extrajudicial killing ang mula sa mga mahihirap na komunidad sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon at Navotas na sakop ng diyosesis ni David. Patuloy din ang pagtulong ng simbahan ng Kalookan sa mga pamilya ng mga biktima ng pagpatay.

Dahil sa pagiging kritiko ni Duterte, sinampahan ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police ng mga gawa-gawang kasong sedisyon, cyberlibel, libel, estafa, harboring a criminal at obstruction of justice noong Hulyo 19, 2019 sina David, Bp. Honesto Ongtioco ng Cubao at Arch. Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan. Ibinasura ang mga kaso noong 2020.

Si David ang magiging ika-11 Pilipinong kardinal at ikatlong aktibong Pilipinong kardinal, kasama sina Arch. Jose Advincula ng Maynila at Arch. Luis Antonio Tagle, pro-prefect ng Dicastery for Evangelization.

Sa kaugnay na balita, ipinahayag nitong Okt. 5 ang pagtatalaga ni Papa Francisco sa misyonerong paring Claretian na si Fr. Elias Ayuban Jr. mula sa Parang, North Cotabato bilang ikalawang opisbo ng Diyosesis ng Cubao kasunod ng pagreretiro ni Ongtioco na nanungkulan ng 21 taon mula nang maitatag ang diyosesis noong 2003.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!