Uncategorized

Buhay kanayunan sa lente ng probinsiya vloggers – Pinoy Weekly

Buhay kanayunan sa lente ng probinsiya vloggers – Pinoy Weekly


Sa gitna ng lungsod na puno ng trapik, mahal na bilihin at walang katapusang paghahabol ng oras, nagiging kaakit-akit ang ideya ng probinsiya bilang pahinga. Sa mga feed, ang kanayunan ay nagiging sagot sa nagmamadaling siyudad.

Ngunit ang tanong ay hindi lang kung masarap ang buhay kanayunan. Ang mas mahalagang tanong ay kanino ito masarap at paano ito ipinapakita?

Sa kasalukuyang social media ecosystem, makikita ang umiiral na pamantayan ng maayos na buhay. Sa lungsod, bilis at konsumo, condo tours, mamahaling kape at day in a life na umiikot sa konsumerismo ang bumubuo sa dominanteng imahinasyon ng tagumpay. Kapag may probinsiya mang lumitaw, madalas itong naka-frame bilang bakasyunan o simpleng pamumuhay na tila hiwalay sa mga suliranin ng lipunan. 

Sa ganitong kalakaran, nabubura ang reyalidad na ang kanayunan ay hindi lang espasyo ng pahinga kundi espasyo rin ng paggawa, kakulangan at patuloy na pakikibaka.

Ngunit may mga Pilipinong gumagamit ng vlogging upang ipakita ang  mukha ng buhay probinsiya na hindi kadalasang napapansin sa mainstream. Hindi ito buhay na ginagawang pantasya at hindi rin ikinahihiya. Sa kanilang mga bidyo, ang probinsiya ay hindi dekorasyon kundi sentro ng araw-araw na pamumuhay.

Sa mga vlog ni Joseph the Explorer, ang sarap ng buhay kanayunan ay hindi ipinapakita sa pamamagitan ng enggrandeng tanawin o kakaibang karanasan. Sa halip, ipinapakita ang pang-araw-araw na buhay sa Bohol na pamilyar sa maraming Pilipino. Pagkain sa bahay, paglalakad sa komunidad at mga gawaing simple ngunit mahalaga sa pagtakbo ng araw.

Ang ganitong representasyon ay bihira sa social media na mas pinahahalagahan ang bilis at novelty. Sa mga bidyo ni Joseph, ang probinsiya ay hindi ginagawang kakaiba upang maging kapansin-pansin. Ipinapakita ito bilang normal na buhay na may dignidad kahit walang labis na konsumo.

Sa ganitong paraan, tahimik na kinokontra ng kanyang content ang ideya na masusukat ang tamis ng buhay sa dami ng ginagastos. Ang interes ng mga manonood sa kanyang mga bidyo ay nagpapakita rin ng pagod sa iisang hulma ng urban centric na naratibo. Pinapakita ang buhay kanayunan sa kaniyang mga vlog bilang tahimik, hindi dahil kulang, kundi tahimik dahil iba ang takbo.

Sa mga bidyo ni Miss Tabudii Vlog, ang buhay kanayunan ay nakaugat sa dagat. Ipinapakita ang araw-araw na pamumuhay sa baybayin na hindi hiwalay sa paggawa. Mula sa paghahanda ng pagkain, pag-aasikaso ng tahanan, hanggang sa pagproseso ng huli mula sa dagat, malinaw ang ugnayan ng kabuhayan at buhay pamilya.

Mahalaga ang ganitong representasyon dahil madalas nawawala sa social media ang papel ng kababaihan sa buhay kanayunan, at mula sa kanyang mga bidyo, hindi lang tanawin ang dagat kundi pinagmumulan ng trabaho, pagkain at responsibilidad.

Sa halip na gawing aliwan ang buhay sa tabing-dagat, ipinapakita ni Miss Tabudii Vlog ang disiplina at tiyaga na kalakip ng pananatili sa kanayunan. Sa ganitong paraan, ang buhay sa baybayin ay hindi lamang maganda panoorin kundi mahirap panindigan.

Kung may mas malinaw na larawan ng pisikal at mapanganib na paggawa sa kanayunan, makikita ito sa mga gawa ni Decko Tum. Nakatuon ang kanyang content sa pangingisda sa dagat kung saan lantad ang panganib, lakas ng loob at paulit ulit na pagsubok na kaakibat ng kabuhayan.

Sa mga bidyo niya, hindi lang tahimik na tanawin ang dagat, kundi sentro ng kabuhayan na nangangailangan ng tiyaga at lakas ng katawan. Ang buhay kanayunan dito ay hindi ipinapakita bilang payapa kundi bilang patuloy na pakikipagbuno sa kalikasan upang may maiuwi sa pamilya.

Sa ganitong paraan, nagiging tala ang kanyang mga bidyo ng mula sa sektor ng mga mangingisda na bihirang makita sa mainstream feed ngunit patuloy na bumubuhay sa komunidad.

Sa mga vlog ni Jigger Villacorta, ang sarap ng buhay kanayunan ay masusukat sa oras at ugnayan. Hindi ipinapakitang mabagal ang buhay sa probinsiya dahil walang ginagawa. Sa halip, bibigyang pansin ang ibang priyoridad tulad ng pamilya, komunidad at kolektibong pamumuhay.

Sa gitna ng kulturang online na patuloy na nagtutulak ng sobrang produktibidad at walang humpay na paghahabol ng tagumpay, nagiging tahimik na pagtutol ang ganitong representasyon. Hindi nito itinatanggi ang hirap ng pamumuhay sa kanayunan. Sa halip, ipinapakita nitong may alternatibong sukatan ang maayos na buhay na hindi nakabatay sa konsumo.

Hindi rin naman perpekto ang probinsiyano vlogging. May hangganan ang kayang ilahad ng isang bidyo at may panganib na manatili ito sa antas ng feel good consumption.

Ngunit ang pagdami ng ganitong content ay nagbubukas ng mas mahalagang tanong. Bakit mas madaling panoorin ang buhay kanayunan kaysa pakinggan ang mga panawagan ng kanayunan? Bakit mas tanggap ang probinsya bilang aliwan kaysa bilang espasyong politikal na may lehitimong hinaing?

Sa isang banda, ipinapakita ng mga vlogger na ito na may pananabik ang publiko sa ibang naratibo. Sa kabilang banda, ibinubunyag din ng kanilang kasikatan ang kakulangan ng sistematikong pagtalakay kalagayan ng kanayunan sa midya at sa polisiya. Hangga’t ang probinsiya ay nakikita lang kapag ito ay nakaka-relax o nakaka-inspire, mananatili itong nasa gilid ng pambansang usapan.

Kay sarap ng buhay kanayunan. Ngunit ang tanong ay hindi kung masarap ito panoorin kundi kung kailan ito magiging masarap ipaglaban.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning