Bungkos ng mga Kwento ng Taktikal na Opensiba sa Timog Katagalugan


 

Download here: PDF

Paunang Salita

Ikinalulugod ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng Bagong Hukbong Bayan – Timog Katagalugan ang paglalabas ng Pulang Bandila ng BTO: Bungkos ng mga Kwento ng mga Taktikal na Opensiba sa TK. Napapanahon ang paglalabas nito upang suhayan ang ating kampanyang pandayin ang mapandurog na kapabilidad ng BHB, pasiglahin ang paglulunsad ng matatagumpay na taktikal na opensiba at ikintal sa hanay ng mga Pulang mandirigma ang pinakamataas na kapasyaha’t determinasyong tupdin ang tungkuling panlaban ng BHB bilang pangunahing pwersang panlaban ng rebolusyong Pilipino. Sa harap ng pinaigting, pinalawak, pinasinsin at sustenidong atake ng kaaway, nararapat na mahigpit na tanganan ng mga Pulang mandirigma at ng rebolusyonaryong masa na tanging sa pagpapalakas ng BHB at sa matatagumpay na taktikal na opensiba kaakibat ng pagsusulong ng iba pang tipo ng pampulitikang pakikibaka makakapagpunyaging makapagpalaki’t makapagpalakas ang rebolusyong Pilipino. Ang mga kwento ng mga taktikal na opensiba sa TK ay dapat gamitin ng mga grupo o seksyon sa pulitika ng mga yunit ng BHB sa pagpapasigla ng gawaing propaganda-kultura sa loob ng Hukbo at sa baseng masa.

Maraming aral na matututunan mula sa koleksyong ito ng mga reportahe at akdang pampanitikan na halaw mula sa mga aktwal na TO. Matutunghayan dito ang kagitingan at kapangahasan ng BHB at ang superyoridad ng taktikang gerilya upang paisa-isang gapiin ang mahihinang bahagi ng kaaway na di-hamak na superyor sa bilang at armas. Muli ring patutunayan ang kabayanihan at susing papel ng masa sa buong proseso ng paglulunsad ng mga TO. Dahil malalim ang pagkamuhi sa mga pasista, lagi’t laging ipinagbubunyi ng masa ang matatagumpay na bigwas ng rebolusyon laban sa kaaway.

Mahalaga ring pansinin sa mga kwento’t ulat kung paano nagiging tigreng papel ang kaaway sa harap ng BHB at baseng masa na determinadong maglunsad ng opensiba. Ang mababangis na militar ay pumapalahaw at nagsisipanakbuhan palayo kapag nagulantang ng ambus ng BHB. Ang mga berdugo ay mabilis lamang na napapasuko kahit wala pang putok kapag pasorpresang nasukol sa mga reyd ng BHB. Ang mga mala-halimaw na helikopter ay tumatalilis kapag tinatamaan ng mga putok ng BHB. Ang mga sagadsarin at may mga utang na dugo sa rebolusyon at mamamayan ay hindi magawang maitago ang sarili sa harap ng malawak at malalim na baseng masang sumisigaw ng rebolusyonaryong hustisya.

Higit sa lahat, ipinapakita ng mga akda sa BTO ang katumpakan ng armadong paglaban, ng digmang bayan sa harap ng pambubusabos ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo sa sambayanang Pilipino. Ang BHB ay isang rebolusyonaryong hukbo na may matibay na pampulitikang batayan ng paglaban. Ang mga TO ng BHB ay manipestasyon ng makauring galit ng masang anakpawis at lahat ng pinagsasamantalahang mamamayan sa bulok na estado at sa mersenaryong sandatahang pwersa nito. Makatarungan ang rebolusyonaryong dahas na ginagamit ng BHB laban sa pasistang militar, abusadong goons ng mga panginoong maylupa’t malalaking burgesya kumprador ganundin sa mga proyektong pumipinsala sa buhay, lupa, kabuhayan at kapaligiran ng masa.

Dapat sariwain at isapuso ang mga prinsipyong ito sa gitna ng hinaharap natin ngayong matinding pang-aatake at pangwawasak ng kaaway at ang pag-igpaw at pagpapangibabaw natin sa ating mga sariling kamalian at bagahe ng konserbatismo, pasibidad, gerilyaismo, milisyaismo, at mga gawi ng rebeldeng lagalag. Habang nagwawasto at nagpupunyagi, balikan at pag-aralan natin ang mga kongkretong karanasan ng tagumpay. Hamunin natin ang ating sarili na igpawan ang kasalukuyang mga limitasyon at kahirapan sa hamon at inspirasyon ng magigiting nating Pulang kumander at mandirigmang naging pangunahing tauhan at bida sa mga kwentong nilalaman ng koleksyong ito.

Ang paglalabas ng librong BTO ay isang bahagi lamang ng kabuuang pagsisikap upang pandayin ang isang di-magagaping Hukbo. Tinatanaw nating susundan ito ng iba pang mga proyekto sa larangang kultura at propaganda, edukasyon hanggang sa mga gawaing militar. Payabungin natin ang ganitong mga pagsisikap bilang puspusang pagtupad sa tungkulin ng BHB na paglingkuran ang sambayanang Pilipino!



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!