Buwagin ang NTF-Elcac – Pinoy Weekly

November 17, 2023


Sinalubong ng iba’t ibang organisasyon ang rekomendasyon ni United Nations (UN) Special Rapporteur Ian Fry na buwagin na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac). Iminungkahi rin ng opisyal ng UN na ipawalang-bisa ang Anti-Terrorism Act dahil sa panre-red-tag at pang-aabuso sa mga environmental defender at human rights advocate.

Siya rin ang kauna-unahang UN expert na nagmungkahi ng pagbuwag sa kontrobersiyal na task force at batas.

Wika ni Jhed Tamano ng Akap Ka Manila Bay, dapat na “imbestigahan ang NTF-Elcac at Anti-Terrorism Law” dahil malinaw na ginagamit ito ng gobyerno upang tugisin at gipitin ang mga nagtatanggol sa kalikasan. Matatandaang dinukot si Tamano at Jonila Castro ng mga sundalo sa Bataan noong Setyembre na kalauna’y inilitaw at isiwalat ang katotohanan sa kanilang pagkawala ng mahigit dalawang linggo.

Nagtungo ang UN Special Rapporteur on human rights and climate change sa Pilipinas noong Nobyembre 6 sa imbitasyon ng gobyerno. Nakausap ni Fry ang mga opisyal ng Department of Justice, Department of Environment and Natural Resources, Department of Foreign Affairs, mga local government unit at mga non-government at environmental organization.

Sa ulat ni Fry matapos ang isang linggong pagbisita, kasama sa mga rekomendasyon ang pagsasabatas ng Human Rights Defenders Bill, implementasyon sa Convention on the Elimination of All forms of Discrimination Against Women, reporma sa National Commission on Indigenous Peoples at iba pa.

Wika ni Jhed Tamano (pangalawa mula sa kaliwa) ng Akap Ka Manila Bay, dapat na “imbestigahan ang NTF-Elcac at Anti-Terrorism Law” dahil malinaw na ginagamit ito ng gobyerno upang tugisin at gipitin ang mga nagtatanggol sa kalikasan. Larawan ni Stella Mae Marcos.

Nilinaw rin ng mga organisasyon na hindi tunay na “development” ang maraming proyekto sa bansa kabilang ang mga reklamasyon at proyektong pang-imprastruktura.

Iminugkahi nila na dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang mga proyektong mas makakatulong sa mamamayan at kanilang kabuhayan at hindi ang reklamasyon na nakakasira ng karagatan.

Kabilang dito ang New Manila International Airport sa Bulacan na kasalukuyang itinatayo sa tinabunang bahagi ng Manila Bay na nagdulot ng matinding pagbaha dahil sa pagbabago ng pattern ng daloy ng tubig nitong tag-ulan.

“‘Yong kanilang development na sinasabi sa salita lang pero sa kaibuturan ay hindi talaga development para sa kapakinabangan ng mayorya ng mamamayan,” ani Ronnel Arambulo ng grupo ng mga mangingisda na Pamalakaya.

Binanggit din ng mga grupo na dapat taasan ang badyet para sa pagprotekta at konserbasyon ng kalikasan at maging tapat ang pamahalaan sa mga pagsusulong ng climate justice sa gitna ng nagbabagong klima ng daigdig.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss