Buwis (ang) buhay sa Pinas – Pinoy Weekly


Kahit ano pang pagpapabango ng gobyerno, bagong buwis talagang maituturing ang 12% value-added tax (VAT) sa mga foreign digital service na ipapataw sa bisa ng Republic Act 12023 na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Okt. 2. 

Ayon sa administrasyon, ipinapataw ito sa mga dayuhang kompanya para hindi agrabyado ang mga lokal na kompanya sa bansa na nagbabayad ng buwis. Pero sa ganitong naratibo, karaniwang Pilipino pa rin ang dehado.

Wala namang pipigil sa mga kompanya ng mga produkto tulad ng Netflix, Spotify at Viu na taasan ang singil sa mga konsyumer sa Pilipinas para hindi mabawasan ang kikitain nila dahil sa 12% VAT. Kung hindi susunod ang mga dayuhang kompanya na ito, may kapangyarihan na ngayon ang gobyerno na ipagbawal ang pagtangkilik sa kanila sa Pilipinas. 

At sa lahat ng ito, ipinipinta ang karagdagang buwis bilang pagkakataon para suportahan ang mga lokal na kompanya. Ayon sa gobyerno, aabot sa P105 bilyon ang makokolektang buwis sa sunod na limang tao at limang porsiyento nito o nasa P5 bilyon ang ilalaan para sa mga lokal na industriya ng sining.

Mukhang malaki ang P5 bilyon, pero sa limang taon pa ito malilikom. Kung itatapat sa ibang paglalaan ng badyet ng gobyerno, tandaan na mula 2020, sa panunungkulan ni Rodrigo Duterte, hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Marcos Jr., hindi bumababa sa P4 bilyon kada taon ang confidential at intelligence funds ng Office of the President.

Kung tunay na interes ng mga lokal na kompanya ang isinasaalang-alang ng gobyerno, may ibang mapagkukunan ng pondo para dito. Imbis na maghanap ng bagong buwis na ipapataw sa karaniwang Pilipino, bakit hindi na lang dagdagan ang buwis para sa mga bilyonaryo na yumaman pa nang husto (dagdag na 30% sa yaman) noong pandemya? 

Ayon sa Oxfam Pilipinas noong 2023, mas mayaman pa ang siyam na pinakamayamang Pilipino kaysa sa pinaghalong yaman ng 55 milyong Pinoy.

Mahalaga ring pag-igihan ng administrasyong Marcos Jr. ang paniningil sa mga bilyonaryo, mga korporasyon at kahit mga opisyal ng gobyerno mismo.

Magtatatlong dekada na mula nang ipag-utos ng Korte Suprema noong 1997 na magbayad ang mga Marcos ng P23 bilyon na estate tax. Kung isasama ang interes at dagdag na ipapataw sa hindi agarang pagbabayad, doble pa ito sa pangakong masisingil na P100 bilyon mula sa 12% foreign digital service VAT. 

Sa panig naman ng mga korporasyon, isang halimbawa lang ang hindi pagbayad ng buwis ng tatlong kompanya ni Manny Villar Jr. na pinakamayamang indibidwal sa Pilipinas. Sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism noong nakaraang taon, lumalabas na may utang na higit P200 milyon sa pamahalaang lokal ng Las Piñas ang mga kompanya ni Villar. 

Ganoon pala: kapag may posisyon sa gobyerno, lokal man o pambansa, madaling makatakas sa pagbubuwis. Samantalang ang karaniwang Pilipino na nabubuwisan sa bawat katiting na produkto, butas na ang bulsa dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin katapat ng barya-baryang umento sa sahod.

At saan napupunta ang buwis? Sa mga luho sa bahay at paglilibot ng pamilyang dapat nagsisilbi sa bayan? Sa mga sinasabing cash reward para sa giyera kontra-droga? Sinong hindi mabubuwisit sa buwis kung ganito ang kalakaran?

Totoong kailangan ng gobyerno ng pera para sa mga pampublikong serbisyo. At makukuha ito ng gobyerno sa milyon o bilyong buwis na iniiwasang bayaran ng mayayaman.

Pero hangga’t sila-sila rin ang nasa kapangyarihan (kaya hindi maipasa ang mga panukala tulad ng Anti-Political Dynasty Bill), magpapatuloy ang kalbaryo ng karaniwang Pilipino.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!