Sa ikalawang pagkakataon, tatakbong senador si Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) chairperson at dating Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casiño. Siya ang ikaanim na nagpahayag ng pagkandidato sa halalang 2025 sa ilalim ng Makabayan Coalition.
Inanunsiyo ni Casiño ang pagkandidato sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City nitong Ago. 21 kasabay ng paggunita sa pagpaslang kay Sen. Ninoy Aquino.
“Tulad ng marami sa aking henerasyon, ang pagpaslang kay Ninoy Aquino noong Aug. 21, 1983 ang nagmulat sa akin sa katotohanan na ang pagkakaisa at sama- samang pagkilos ng taumbayan ang magwawakas sa tiraniya at magbibigay daan sa mas malayang lipunan,” ani Casiño sa kanyang talumpati.
Bilang dating kinatawan ng Bayan Muna Partylist sa Kamara sa loob ng siyam na taon, isinulong ni Casiño ang iba’t ibang batas para sa mahihirap na mamamayan at marhinadong sektor tulad ng Public Attorneys Act of 2007, Tax Relief Act of 2009, Rent Control Act of 2009 at Anti-Torture Act of 2009.
Isinulong din ni Casiño ang mga panukala para sa pagtanggal ng value-added tax sa kuryente, langis at toll fee at pagpapatipad ng mahigpit na regulasyon sa presyo ng langis, serbisyo ng mobile phone, matrikula sa paaralan at interes sa pautang.
Bahagi ng plataporma ni Casiño ang pagsasabatas ng Anti-Political Dynasty Act, Whistleblowers Protection Act, pagpapababa ng VAT sa langis at pampublikong yutilidad, pagpataw ng 2% wealth tax sa mga bilyonaryo, pagpapawalang-bisa ng Anti-Terrorism Act at iba pang reporma’t panukala para sa kapakanan at karapatan ng mahihirap na mamamayan.