Isa sa mga pangkaraniwang sakit ng kababaihan ang kanser sa cervix o cervical cancer. Isang itong uri ng kanser na nagsisimula sa abnormal na paglobo ng cells sa ibabaw ng cervix (sipit-sipitan o leeg ng bahay-bata. Kadalasan, nag-uugat ang sakit na ito sa Human Papillomavirus (HPV) na madalas nakukuha sa pakikipagtalik.
Nakapagtatala sa Pilipinas ng 7,987 bagong kaso ng kanser na ito taon-taon, ayon sa Philippine Commission on Women. Samantala, batay sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO) nitong 2025, humigit-kumulang 340,000 hanggang 350,000 ang namamatay kada taon sa sakit na ito, habang sanhi naman ito ng pagkamatay ng 12 Pilipina kada araw.

Patunay ang mga numerong ito na isang pandaigdigang banta sa kalusugan at kinabukasan ng kababaihan ang kanser sa cervix.
Narito ang mga hakbang upang maiwasan ang kanser na ito:
Magpabakuna laban sa HPV
Huwag nang hintayin pa na magkaroon ng kanser sa cervix, agapan na agad sa pamamagitan ng pagpapaturok ng bakuna laban HPV. Kumonsulta sa inyong health care provider hinggil sa impormasyon sa bakuna.
Regular na screening at check-up
Kumonsulta sa OB-GYN at regular na magpatest ng HPV upang makatiyak na walang abnormal cells sa cervix bago ito tuluyang maimpeksiyon at maging ganap na kanser.
Ligtas na pakikipagtalik
Kapag nakikipagtalik, siguraduhing gumamit ng proteksiyon tulad ng condom upang mabawasan ang risk ng impeksiyon ng HPV. Iwasan din ang papalit-palit ng kapareha.
Iwasan ang mga bisyo tulad ng paninigarilyo
Nakakasira ng cells sa cervix ang mga kemikal na makukuha sa tabako. Dahil dito, napapahina ang kakayahan ng katawan na labanan ang impeksiyon ng HPV at nagtutuloy sa pagiging kanser.
Ugaliin din ang regular na pag-eehersisyo at pagkain ng masustansiyang pagkain gaya ng prutas at gulay. Makakatulong ang mga ito upang mapatibay ang resistensiya at maiwasan ang kanser sa cervix.
