Dalawang dekada nang nagbibigay espasyo ang Cinemalaya Film Festival sa mga independent filmmaker para maipalabas ang mga istoryang may temang alternatibo, mapangahas at kakaiba mula sa kadalasang napapanood sa mainstream.
Ngayong taon, bitbit ang temang “Loob, Lalim, Lakas,” panata ng Cinemalaya na patuloy na pagpugayan ang kulturang Pilipino kasabay ng pagbibigay-pansin sa mga panlipunan at pampolitikang usapin sa loob ng bansa.
Ngunit sa kabila ng ganitong panata, lumilitaw pa rin ang mga kontradiksyong bumabalot sa Cinemalaya bilang isang pangkulturang institusyon.
Sa pagbubukas ng ika-20 taon na Cinemalaya Film Festival, inabangan ng maraming manunuod at mga kritiko ang line-up ng mga pelikulang tumatalakay sa mga kontrobersiyal na paksa.
Nariyan ang “Alipato at Muog” na tungkol sa mga desaparecidos o mga winala ng estado, ang pelikulang “Balota” na tungkol sa karahasan tuwing eleksiyon sa bansa, ang “Tumandok” na tungkol sa mga Ati ng Visayas, at iba pa.
Mapangahas kung maituturing ang mga tema ng mga pelikulang ito. Pero liban sa mga ito, inabangan din ng marami ang mga tinampok na dokumentaryo ng prestihiyosong film festival. Isa na riyan ang “Lost Sabungeros” ni Bryan Kristoffer Brazil. Kabilang ang “Lost Sabungeros” sa premiere section ng festival, kasama ang iba pang never-before-screened na pelikula mula sa mga tanyag na Pilipinong direktor.
Ngunit ang mainit na pananabik ng marami para sa pelikula’y binuhusan ng malamig na tubig nang inanunsiyo ng Cinemalaya ang pagkansela sa kauna-unahang screening ng nasabing dokyu noong Ago. 4.
Marami ang nagulat sa anunsiyo, pinakauna na riyan ang mismong direktor. Marami rin ang napatanong: Ano ang nasa likod ng pagkansela?
‘Lost Sabungeros’
Ang dokumentaryo ni Brazil ay tungkol sa pagkawala ng 30 sabungerong nasangkot sa online sabong simula 2021. Tampok sa dokumentaryo ang tatlong whistleblower na sinasalaysay ang krimen sa likod ng mga pagdukot. Isa ito sa mga kauna-unahang investigative documentary na prinodyus ng GMA Public Affairs.
Sa isang pagkakataong mapanayam si Brazil, sinabi nito na malaking bagay para sa kanya ang maging parte ang kanyang pelikula sa festival run dahil isang plataporma ito para mapakinggan ang kuwento ng mga nawawalang sabungero at ng kanilang mga pamilya.
Sabi ni Brazil, ang biglaang pagkansela ng kanyang pelikula ay pagkakait ng isang espasyo para mailahad ang totoong kuwento sa likod ng mga nawawalang sabungero. Pagbaliwala din ito sa pinaghirapan at ipinaglaban ng kaniyang production team at ng mga subject ng dokumentaryo.
Walang malinaw na paliwanag ang Cinemalaya tungkol sa nasabing pagkansela. “Ang producer lang po namin ang nagsabi sa amin, sinabihan lang daw siya ng taga-Cinemalaya,” ani Brazil.
Liban sa binabanggit na pagsasaalang-alang sa seguridad, wala ring karagdagang paliwanag ang Cinemalaya sa pag-pull-out ng pelikula.
Isa sa mga prominenteng pangalan na nasangkot sa usapin ng online sabong si Atong Ang. Isang malapit na kaibigan din si Ang ni Anthony “Tony Boy” Cojuangco. Si Cojuangco ay kasalukuyang chairman at parte ng Board of Trustees ng Cinemalaya Foundation. Simula 2005, nagsilbing mayor na tagapondo ng Cinemalaya si Cojuangco.
Iba pang kaso ng sensura
Liban sa “Lost Sabungeros,” isa pang pelikula na parte rin ng premiere section ang nagkaroon ng usapin sa paglilimita ng screening. Ang pelikulang “Asog” ni Seàn Devlin ay nakaranas naman ng lantarang paglilimita ng Ayala Corporation na mapanuod ng marami.
Ngayong taon, naging exclusive partner ng Cinemalaya ang Ayala Malls sa taunang festival. Maraming kontrobersiya ang kinasangkutan ng Ayala Malls at AyalaLand pagdating sa pagpapalayas ng mga maralitang lungsod para sa pagpapatayo ng kanilang mga negosyo.
Ang “Asog” ay isang docufiction tungkol pagpapalayas ng AyalaLand sa mga residente ng Sicogon Island sa hilagang Iloilo para magtayo ng isang pribadong resort.
Ayon sa Instagram post ng pelikula, inalis sa listahan ang “Asog” sa mismong ticketing site ng Ayala Malls. Nakakuha rin ng ulat ang production team na marami sanang nais manood sa araw ng screening pero sinasabing “sold out” na umano ito.
Noong 2023 naman, hindi natuloy ang pagpapalabas sa pelikulang “A Tale of Filipino Violence” ng premyadong direktor na si Lav Diaz, bilang opening film ng ika-19 na Cinemalaya Film Festival. Ang pelikula’y tungkol sa isang asyendero at kanyang pamilya noong panahon ng diktadurang Marcos Sr.
Ayon kay John Lloyd Cruz, isa sa mga bida ng pelikula, ang isang maaaring dahilan ng pagpull-out sa pelikula ay dahil sa tema nito, na maaari umanong makaapekto sa pagpopondo ng Kongreso sa Cinemayala.
Makabagong kaso ng sensura
Noong Ago. 15, naglabas ng pahayag ang Directors’ Guild of the Philippines (DGPI) hinggil sa isyu. Nababahala umano ang grupo sa ginagawang pagbabanta at intimidasyon para magpatahimik ng mga filmmaker.
Dagdag nila, mahalaga ang pagiging ligtas ng komunidad para sa kalayaan na lumikha, pero kasabay rin nito mahalaga ang pagtindig at pagkakaisa ng mga filmmaker para salagin ang pagtatangka na tanggalan sila ng boses.
Nanawagan rin ang DGPI na protektahan ang kalayaan at demokratikong espasyo sa paggawa ng mga pelikula.
Sa kabila ng pagpepresenta bilang alternatibong espasyo ng Cinemalaya para sa mga pelikulang mapangahas at kakaiba, nagiging limitado at nahahangganan ang ganitong oryentasyon at tunguhin ng film festival dahil sa mga ugnayan nito sa mga pribadong tagapondo, malalaking negosyante at burukrata kapitalista.
Ang ganitong ugnayan ay nagkakaroon ng saligang epekto sa pagiging malaya ng mga pelikula dahil ang pagiging malaya ay nakasalalay na hindi matapakan o madungisan ang pangalan at sensibilidad ng mga funder.
Marami-rami na rin naman ang nalikha at naipalabas na mga dekalibreng pelikula ng Cinemalaya, pero nananatiling malaki at malayo pa ang lalakbayin para sa totoong malayang pelikula.
Hangga’t pinapatakbo ang mga film festival ng mga malalaking negosyante at burukrata kapitalista, laging may hangganan, laging may linyang hindi puwedeng lagpasan.