Mariing tinututulan ng Computer Professionals’ Union (CPU) at Agham Advocates of Science and Technology for the People ang panukalang circular ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na magmamandato ng social media registration sa bansa.
Sa kanilang isinumiteng position paper, iginiit ng dalawang grupo na ang panukala’y banta sa karapatan sa pribasiya at malayang pagpapahayag at taliwas sa prinsipyo ng proporsyonalidad na itinatadhana ng Konstitusyon at ng Data Privacy Act of 2012.
Anila, ipapasa lang ng DICT ang responsibilidad sa karaniwang mamamayan sa halip na papanagutin ang mga social media platform mismo.
Binatikos din ng CPU at Agham ang pag-uugnay ng social media accounts sa SIM registration na anila’y “napatunayang bigo sa pagpigil sa mga scam at cybercrime mula nang ipatupad ang SIM Registration Act.”
Sa halip na pigilan ang krimen, mas lalo umanong nalalagay sa panganib ang personal na datos ng publiko at pinalalawak ang posibilidad ng surveillance at data breach
Babala rin ng mga grupo na ang mandatory registration ay magbubunga ng “chilling effect” sa online discourse, lalo na para sa mga peryodista, tanggol-karapatan at mga sektor na umaasa sa anonymity para makapagpahayag nang ligtas.
Dagdag pa rito, maaari rin umanong lalo nitong itaboy ang mahihirap at walang sapat na ID na umaasa sa social media para sa impormasyon at serbisyong panlipunan.
Sa huli, nanawagan ang CPU at Agham sa DICT na bawiin ang panukalang circular at sa halip ay palakasin ang pagpapatupad ng umiiral na mga batas sa data protection at regulasyon sa mga digital platform, sa halip na magsagawa ng identity collection.
