Labinwalong taon na ang nakalipas mula nang pumanaw ang bayani ng manggagawa na si Crispin “Ka Bel” Beltran noong Mayo 20, 2008 sa edad na 75 sa isang aksidente habang inaayos ang bubong ng kanilang tahanan.
Inukit ng kahirapan ang buhay ni Ka Bel, mula sa pagiging mensahero sa edad na siyam ng mga gerilya nang noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging magsasaka, tagalinis, drayber ng bus, hanggang sa maging isang taxi driver sa Manila Yellow Taxi Company para matustusan ang kanyang pag-aaral.
Sa edad na 20, nakiisa sa isang welga si Ka Bel at mula noon ay wala nang atrasan. Naging tagapangulo siya ng Yellow Taxi Driver’s Union at Amalgamated Taxi Driver’s Federation, pangalawang pangulo ng Philippine Alliance of Nationalist Organization at bise administrador ng Confederation of Labor Unions mula dekada ‘50 hanggang dekada ‘60.
Bukod sa pagiging unyonista at aktibista, isa ring kritiko ng diktadurang Marcos Sr. si Ka Bel. Inaresto at ipiniit sa Kampo Crame noong 1982 at kalaunang tumakas sa tulong ng kanyang asawang si Rosario Soto. Lumabas mula sa kanyang tinataguan sa Gitnang Luzon sa hanay ng rebolusyonaryong kilusan si Ka Bel nang mapatalsik sa puwesto si Marcos Sr. noong 1986.
Naging pinuno siya ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at tumakbo sa 2001 eleksiyon bilang kinatawan ng Bayan Muna Partylist si Ka Bel kung saan sinulong niya ang taas-sahod na P125 para sa mga manggagawa. Naging kinatawan din siya ng Anakpawis Partylist mula 2004 hanggang 2008.
Noong Pebrero 2006, kinasuhan ng rebelyon at sedisyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Ka Bel matapos magdeklara ng state of emergency. Ikinulong siya hanggang Hunyo 2007 nang ibasura ng Korte Suprema ang mga kaso.
Sa kabila ng panggigipit, ipinagpatuloy ni Ka Bel ang pagtatanggol sa mga obrero. Naghain siya ng resolusyon noong Enero 4, 2008 sa Kamara para imbestigahan ang malaganap na pamamaslang sa mga lider-unyon at lider-manggagawa.
