Dagdag pasakit at kagutuman sa magsasaka at mamamayan

June 2, 2023


Dahil sa krisis at pagbabago ng klima, nagiging malakas at mapangwasak ang mga bagyo at matagalang mga tagtuyot.

Ngayong taong 2023 hanggang 2024 pinaghahanda ang buong mundo sa muling pagbabalik ng El Niño at sa mga kaakibat na problemang dala nito.

Sa Pilipinas na napakabulnerable ng ekonomiya at atrasado ang agrikultura at serbisyo publiko, kaya pa bang balikatin ng mamamayan ang nakaambang krisis na ito?

El Niño, noon at ngayon

Ang taong 2016 ang naitalang pinakamainit sa buong mundo. Parehong taon na pumasok ang penomenon ng El Niño. Subalit nakababahala ang panahon ngayon dahil dinaranas na ng mundo ang matinding init, heatwaves, tagtuyot at sunog sa mga kagubatan kahit wala pang El Niño.

Ayon kay Friederike Otto ng Grantham Institute ng Imperial College London, mas patitindihin ng El Niño ang mga epekto ng pagbabago sa klima sa mga bansang kasalukuyan nang dumaranas ng tagtuyot.

“Kapag natuloy ang El Niño, malaki ang tsansang mas maging mainit ang taong 2023 kaysa noong 2016 lalo na’t patuloy pa din ang pagsusunog natin ng fossil fuels,” ani Otto sa Ingles.

Tinataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na maaaring dumating ang El Niño sa pagitan ng mga buwan ng Hunyo hanggang Agosto (80% probabilidad) o sa Nobyembre, Diyembre ngayong taon hanggang Enero 2024 (86% probabilidad).

Hindi na bago na makaranas muli ang bansa ng El Niño. Halimbawa, tinamaan nito noong mga taong 1997 at 1998 ang 70% ng bansa. Kritikal ang lebel ng tubig sa Angat Dam na pangunahing suplay ng inuming tubig sa Metro Manila at irigasyon sa karatig lalawigan.

Dahil dito, inirasyon ang tubig sa Metro Manila at binawasan ang inilalaang tubig para sa irigasyon na nakaapekto sa 27,000 ektaryang lupain. Kung kaya bumaba ng 6.6% ang produktibidad ng pangisdaan at agrikultura.

Epekto sa agrikultura

Matinding tatamaan ng El Niño ang Mindanao. Ayon sa Pagasa, nakikinita nila na 35%, pinakamataas sa buong bansa, ang mababawas sa ulang mararanasan ng buong isla habang 21% sa Visayas at 12% sa Luzon.

Kaya nagbawas na ang National Water Resources Board (NWRB) ng suplay ng tubig para sa irigasyon sa mga probinsiya ng Bulacan at Pampanga, mula 30 metriko kubiko kada segundo tungong 10 metriko kubiko hanggang May 10.

Katuwiran ng ahensiya, natapos na ang anihan sa mga naturang probinsiya.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), napapanahon na magbigay ng subsidyo ang gobyerno sa mga magsasaka ngayong paparating ang El Niño. Mungkahi ng grupo ang P15,000 para sa masasagasaang kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka.

“Kapag lumala ang sitwasyon hindi makakapagtanim ang mga magsasaka sa susunod na taniman dulot ng kakaunting tubig-ulan at irigasyon,” pahayag ng ng KMP. Dagdag pa ng grupo na tiyak na maaapektuhan ang produksiyon ng palay, gulay at isda.

Noong 2015, nakaranas ng 18 buwang El Niño ang bansa na nagtapos noong Hulyo 2016.

Ayon sa datos ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO) noong Enero 2017, nagtala ang El Niño ng kabuuang $325 milyon na halaga ng napinsalang pananim o katumbas ng 1.48 milyong metriko toneladang mga nasirang mais, palay, cassava, saging at goma.

Mayorya ng mga rehiyon sa bansa, 16 sa 18 rehiyon, ang uminda sa pasakit na dulot ng matinding tagtuyot lalo na ang Mindanao.

Ngayong paparating na Setyembre hanggang Oktubre, makararanas ng below-normal rainfall ang mga rehiyon ng Eastern Visayas, Central Visayas, Caraga at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Kahit ang World Bank sinasabing mamamayan sa kanayunan partikular ang mga magsasaka at mangingisda ang pangunahing tinatamaan ng El Niño.

Sa kanilang pag-aaral noong 2019, sinasabing nag-aambag ang El Niño sa pagtaas ng presyo at kawalan ng seguridad sa pagkain na tutungo sa matinding malnutrisyon at kagutuman.

Wala ring rekurso ang mga magsasaka at mangingisda upang protektahan ang kanilang pamilya sa epekto ng El Niño.

Dagdag ng KMP na dapat dinggin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hinaing ng mga magsasaka dahil nakita na ang naging epekto ng matinding init at tagtuyot sa sektor agrikultura.

Hinaing ng Magsasaka

Hindi na bago sa mga nagdaang taon ang pasang problema ng mga magsasaka sa panahon ng El Niño.

Ayon kay KMP chairperson Danilo Ramos, napakahalaga na pinag-uusapan ang El Niño dahil mga magsasaka ang unang apektado.

“Ang epekto nito sa magsasaka ay pag-redyus ng produksiyon o hindi mag-aani. Kaya ito pong pahayag ng Pagasa na El Niño ay nababahala po kami. Ito pong punla ko ng halos dalawang buwan pero dahil walang irigasyon hindi sumapat ang tubig kaya hindi po naming ito nagamit para sa pag-aani,” paliwanag ni Ramos.

Sa karanasan natin sa El Niño noong 2015 at 2016, nagtala ang gobyerno ng 400,000 magsasaka na naapektuhan ng malalang tagtuyot. Katumbas ito ng 500,000 ektaryang lupain o 1.48 milyon metriko toneladang produktong agrikultural. Isa ito sa pinakamalalang dagok sa agrikultura na naranasan ng bansa.

Sa karanasan natin sa El Niño noong 2015 at 2016, nagtala ang gobyerno ng 400,000 magsasaka na naapektuhan ng malalang tagtuyot. Katumbas ito ng 500,000 ektaryang lupain o 1.48 milyon metriko toneladang produktong agrikultural. Isa ito sa pinakamalalang dagok sa agrikultura na naranasan ng bansa.

Dagdag din ni Ramos, 51% lamang ng sakahan sa Pilipinas ang naabot ng patubig habang nanatiling nag-aabang sa sahod-ulan ang natitira.

“Dahil walang irigasyon ay hindi nagamit ang mga punla para sa pag-aani. Ang napuhunan na po naming doon sa pag-aararo ay halos mahigit P2,000 doon po sa aming 3,000 square meters na sinasaka. Pero nung nakaraan pong dalawang beses na pag-aani na, hindi na kami nag-ani na dapat ay 18 to 20 kaban,” sabi ni Ramos.

Sinang-ayunan ni Alfie Palumbarit ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (Masipag) na hindi lahat naabot ng irigasyon.

“May magsasaka kami sa Central Luzon na minsanan lamang nakakaani ng palay. Karamihan sa kanila ay wala o kulang ang akses sa tubig. Ang iba pa ay nasa upland communities na hindi inaabot ng patubig,” wika ni Palumbarit.

Alternatibo ng magsasaka

Bagaman hindi na ito ang unang beses na makararanas ng El Niño ang bansa, mistulang nagsisimula muli ang gobyerno sa pagtugon dito.

Sa pag-aaral ng World Bank noong 2019 sa karanasan ng Pilipinas sa nagdaang mga El Niño-Southern Oscillation (ENSO), nakita ang mga kakulangan ng gobyerno sa pamamahala at pagtugon sa El Niño.

Ayon sa World Bank, reactive o kumikilos lamang ang pamahalaan sa El Niño kapag nariyan na ang penomenon. Tanging mga rapid onset disaster o kapag may bagyo, baha at tagtuyot na nakapagbibigay ng tugon ang gobyerno.

Hindi estratehiko at pangmatagalan ang tanaw ng mga nagdaang administrasyon sa kanilang mga plano kung paano haharapin ang mga krisis at sukuna.

Hindi estratehiko at pangmatagalan ang tanaw ng mga nagdaang administrasyon sa kanilang mga plano kung paano haharapin ang mga krisis at sukuna.

Temporaryo rin diumano ang mga komite para sa El Niño. Kapag nagdaan na ang krisis, nawawalan ng bisa o hindi na gumagana sa halip na ituloy ang mga pagtatasa at pag-aaral para makapaghanda sa mga susunod na panahon.

Sa ganitong kalagayan, mga magsasaka na ang humanap ng paraan upang harapin ito.

Ayon sa Masipag, natutunan ng kanilang magsasaka ng gamitin ang ipa upang pigilan ang pagkabulok ng mga sibuyas.

“Mayroong Farmer’s Developed and Adopted Technologies. Isa ito sa kinakalimutan na may innovation ang mga magsasaka. Kasi madalas ang nais natin ihapag ay hi-tech,” ani Palumbarit.

Ayon pa kay Palumbarit, nagtatanim ng mga magsasaka ng iba’t ibang pananim upang maiwasan na mapinsala ang lahat. Nagtatanim ni din sila ng mga survival crop para sa panahon ng kagutuman at hindi na lamang nagkakasya sa tradisyunal na pamamaraan ng pagsasaka kagaya ng monocropping.

“Kailangan may long-term na planong ipatupad kaugnay ng El Niño. Dapat matagal nang sinimulan ang pagtransisyon tungong sustainable agriculture,” sabi ni Palumbarit. Deo Montesclaros/pinoyweekly.org



Source link

Don't Miss

Ang Bayan » Pagbabalita sa Palestine ng Western media, pinuna dahil “biased” at “tumutulong” sa henosidyo

Mariing kinundena ng mga mamamahayag sa Palestine ang “di prinsipyadong

Ang Bayan » Drayber at kasama niyang inaresto sa Batangas, nakalaya na

Nakalaya na mula sa higit isang linggong pagkakakulong sina Jose