Delulu sa mababang implasyon – Pinoy Weekly


Nagpapalutang ng mababang tantos ng implasyon ang administrasyong Marcos Jr. para ikatuwiran ang pagbarat sa sahod, pagdagdag ng buwis, pagbawas sa ayuda at serbisyo, at para magpapogi sa nalalapit na eleksiyon, habang pinagtatakpan ang kapalpakan sa paglala ng kahirapan.

Ibinida ng mga economic manager ni Marcos Jr. ang naitalang 1.9% inflation rate nitong Setyembre. Ito na raw ang pinakamababang tantos ng bilis ng pagtaas presyo sa nakalipas na apat na taon. Itinuturong dahilan ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng pagkain at pagmura ng gastusin sa transportasyon.

Pero kung hindi gaano tumaas ang presyo, bakit wala pa ring mabili ang sahod ng karaniwang Pinoy? Hindi nagmura ang presyo ng bilihin. Nagmumura pa rin ang tao tuwing may bibilhin.

Paliwanag ng Ibon Foundation, hindi bumaba ang inflation dahil sa anumang ginawang hakbang ng gobyerno. Nagkataon lang na bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan at humina rin ang dolyar kontra sa piso. Nakadepende pa rin ang ekonomiya natin sa pag-import at nakatuon sa pag-export kaya madali rin itong mababawi kapag gumagalaw ang presyuhan sa pandaigdigang merkado.

Hindi porke bumaba ang inflation rate ay bumaba na rin ang presyo ng bilihin. Tumataas pa rin, mas mabagal lang. Kahit mabagal, iindahin pa rin ng karaniwang manggagawa ang anumang bawas sa kakarampot na ngang sahod.

Ang bigas, lalo pa ngang napalayo sa pangakong bente pesos. Ang gulay, isda at karneng baboy, nagmahal ng mahigit P12. Pero ang minimum wage, hindi naman signipikanteng tumataas.

Wala pa sa kalahati ng tinatayang P1,213 family living wage ang P448 na average minimum wage sa buong bansa. Kulang ng P765 ang sahod para makabuhay ang isang pamilya.

Mas mabigat din ang epekto ng implasyon sa mga kabahayang may mas mababang kita. Mas mabigat sa bulsa ng mahirap ang piso kaysa mga mayayaman. Ayon pa sa Ibon, 2.5% ang tunay na inflation rate para sa 30% ng mga Pilipino na may mababang kita.

Bumaba nga ang inflation, panay naman ang pahirap na dagdag-gastusin ng gobyerno. Pinatawan ng bagong buwis ang mga digital na transaksiyon at serbisyo. Ayaw pang kontrolin ang presyo ng petrolyo kaya kahit bumaba sa pandaigdigang merkado, dalawang magkasunod na linggo na ang taas-presyo ng diesel! Hindi rin ito dapat gawing katuwiran sa pagbawas ng mga ayuda, benepisyo at iba pang serbisyo.

Hindi madaan sa pinabangong numero ang mamamayang Pilipino. Matagal na nilang inilalatag ang solusyon sa pagtaas ng presyo ng bilihin.

Para mapababa ang presyo ng pagkain, sinasabi na ng mga magsasaka na dapat itigil ang importasyon at suportahan ang lokal na industriya. Para makaagapay ang mga manggagawa, sinasabi na nilang dapat magpatupad ng nakabubuhay na sahod. Para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo at kaakibat nitong taas-presyo ng bilihin at gastusin, sinasabi na ng mga sektor ng transportasyon na kontrolin ang presyo at tanggalin ang patong na buwis ng gobyerno.

Pero hindi naman delusyonal ang mamamayan. Alam nilang hindi ito gagawin ni Marcos Jr. Alam nilang nakikinabang ang administrasyon sa dagdag-buwis na nakapatong sa bawat pagtaas ng presyo, dagdag-buwis na naibubulsa bilang confidential at intelligence funds.

Alam ng mamamayan na para mapababa ang presyo, kailangang nilang sama-samang kumilos at labanan ang mga pahirap, korap at inutil sa puwesto.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!