Dinadagit na mandaragat – Pinoy Weekly

September 4, 2024


Karaniwan na para sa mga Pilipinong isipin na may pera sa pagiging marino. Para bang kaakibat ng pagiging isang marino ang umaapaw na oportunidad habang nakakapaglayag sa iba’t ibang dako ng mundo.

Kaya ganoon na lang pangarapin ng mga marami ang pagiging isang seafarer. Subalit, sagana man ang trabaho, kapalit nito ang mga pagsubok na tila hindi natutugunan ng mga kasalukuyang patakaran para sa kagalingan nila. 

Taon-taon, umaabot sa $300 bilyon ang remittance ng mga Pilipinong seafarer sa bansa. Makabuluhan man sa ekonomiya, kulang na kulang naman ang suporta ng pamahalaan sa industriya.

Ang isinusulong na Magna Carta for Filipino Seafarers (MCFS) sana ang solusyon pero naging isang problemang para sa libo-libong marino.

Sa halip na maging prayoridad ang kaligtasan ng mga mandaragat, tila nagiging potensiyal na instrumento ito upang maisantabi ang kapakanan at abusuhin ang daang libong seafarer na umaakay sa ekonomiya ng bansa.

Apat na taon na ring nagtatrabaho sa barko si Joshua Mamaril bilang isang able seaman. Saklaw ng posisyon na ito ang napakaraming responsibilidad mula sa pag-navigate ng barko kung kinakailangan hanggang sa pagtitiyak ng kalinisan at kaayusan. Para sa kanya, kaakibat ng kanilang trabaho ang pagtitiis at pagtitiyaga.

“Kung pangarap n’yo maging seaman kaliangan tanggapin n’yo ang magiging kapalit nito. Malayo sa pamilya, malungkot at mahirap,” aniya.

Ito rin ang sentimyento ni Christian Pilambato, isang ordinary seaman na trabaho ang maintenance ng barko. Bagaman itinuturing niyang biyaya ang kumita habang nakakalibot sa iba’t ibang bansa, kapalit nito ay halos araw-araw na paglaban sa pagod at puyat.

“Best part sa pagiging seafarer is nakakapunta ka sa iba’t ibang lugar nang libre at kumikita ka pa. Pero hindi alam ng karamihan na sa kabila no’n ay sobrang hirap na trabaho at malayo ka sa mga mahal mo sa buhay,” kuwento niya. 

“Kung pangarap n’yo maging seaman kaliangan tanggapin n’yo ang magiging kapalit nito. Malayo sa pamilya, malungkot at mahirap,” ani Joshua Mamaril, apat na taon na sa trabaho.

Hindi lang sa pisikal at emosyonal na hirap nagtatapos ang dinaranas nila. Ani Edwin dela Cruz, tagapangulo ng International Seafarers Action Center, hindi umano masosolusyunan ang mga tunay na krisis ng mga mandaragat sa unemployment, mahal na certification at isyu ng ambulance chasing.

Ayon sa kanya, napakaraming mga nakapila ngunit hindi makasampa sa barko na minsan pa nga’y inaabot na ng taon sa paghihintay. 

“Marami pong hindi makasakay pero nakapila sa mga agency, nasa Luneta [sa Maynila]. [Nasa] 750,000 ang may ID. Ang sumasakay lang at any given time ay 400 to 450. ‘Yong report po nilang 500,000 ay double reporting po iyon. ‘Yong dalawang beses nakasakay sa isang taon, kina-count nila ‘yon na dalawang kontrata,” paliwanag niya. 

Ayon sa Seatrade Maritime, umaabot sa 30,000 ang bilang ng mga Pilipinong nagtatapos sa mga maritime academy kada taon ngunit 20% lang sa kanila ang nakakapagtrabaho sa barko.

Kaya para kay Pilambato, magiging malaking tulong ang MCFS kung mapagtutuunan nito ng pansin ang pagpapalawig ng oportunidad para sa mga kapwa niya marino. 

“[Sa tingin ko] mas dapat nilang pagtuunan d’yan [ay] ‘yong pagsulong para makasampa pa ang iba nating mga kapwa marino. Based on my experience kase, it took five years bago ako nakasampa. Sobrang hirap nung pinag daanan ko. And still, ‘pag dumaan ka sa Kalaw, makikita mo pa [rin] ang mga kababayan nating hirap na hirap makasampa lang nang barko,” sabi niya.

Makasampa man sa barko, hindi pa rin natatapos ang balakid ng mga marino dahil isyu rin ang kontraktuwalisasyon sa kanilang propesyon. 

“Ang mga seafarer ay forever na contractual. Hindi po sila regular, hindi tulad sa Labor Code of the Philippines [na] kapag one year na mahigit [ang mga manggagawa] ay automatic na regular na sa isang kompanya. Pero hindi ‘yan ina-apply sa seaman,” saad ni dela Cruz.

Para kay Chistian Pilambato, magiging malaking tulong ang Magna Carta for Filipino Seafarers kung mapagtutuunan nito ng pansin ang pagpapalawig ng oportunidad para sa mga kapwa niya marino. 

Nakasaad kasi ito sa Philippine Overseas Employment Administration Standard Employment Contract of 2000. Ibig sabihin, nakatakda lang sa partikular na buwan o taon ang kanilang kontrata. Sa kanilang pagbaba sa barko, hindi nito ginagarantiya ang kanilang pagbabalik sa pinagmulang ahensiya.

Ito rin ang dahilan kung bakit may kakayanan ang mga manning agency na manghingi ng mga kung ano-anong certification na kinakailangang paglaanan ng oras at pera para lang mabigyan sila ng pagkakataong makasakay muli.

Bukod pa rito ang pagpapatupad ng age limit na hindi akma sa karaniwang pamantayan sa bansa.

Halos dalawang dekada nang isinusulong ang MCFS, pero matunog pa rin ang debate dito. Bagaman sumailalim na ngayon sa napakaraming rebisyon, pinagtatalunan pa rin ang nilalaman nitong probisyon ukol sa execution bond.

Napagtagumpayan itong maalis noong Mayo ngunit muling ibinalik upang protektahan umano ang mga manning agency at shipowner sa mga insidente ng “ambulance chasing” o paghingi ng danyos dahil sa pinsalang natamo habang nasa trabaho.

Depensa ng international shipping industry, mahalagang mailagay ang probisyon sa execution bond upang maiwasan ang kasanayan ng mga abogado o law firm na gumagamit ng mga seafarer na may sakit o naaksidente sa trabaho upang makakuha ng pera sa mga manning agency habang pinagkakaitan ang mga biktima ng kabayarang nararapat para sa kanila.

Ngunit para kay Gabriela Women’s Party (GWP) Rep. Arlene Brosas, mainam na solusyon dito ang pagbibigay ng libreng legal assistance sa mga marinong nangangailangan ng kompensasyon. Makakatulong din ang pagpapadali sa proseso ng monetary claims upang labanan ang ganitong mga kaso.

Dagdag pa rito, kinakailangang patunayan ng mga manggagawang ito na may kaugnayan sa kanilang trabaho ang kanilang kapansanan o sakit, dahilan kung bakit kumukuha ang karamihan ng abogado upang ipaglaban ang kanilang kompensasyon.

“Kaya sila naghahanap ng mga abogado kasi hindi nila makuha ‘yong kailangan nila. Just imagine, hindi sila maka-claim agad ng kung anong mga karapatan nila na makuha nila. So dapat automatic na bayaran ‘yong mga [seafarer] natin na nagkaka-problema,” ani Brosas.

Kung maipapasa ang batas, anumang kompensasyon na nakuha ng marino sa isang labor dispute ay hindi ibibigay sa kanila nang buo maliban lang kung maipaglaban nila ito hanggang sa Korte Suprema lalo na kung ang manning agency nito ay nag-apela  sa desisyon ng National Conciliation and Mediation Board o ng National Labor Relations Commission

Kodao Productions

Habang pinoproseso ang kaso, pansamantalang idedeposito ang perang dapat matanggap ng marino sa isang third-party o escrow account.

Kadalasang umaabot ng mahigit pitong taon ang ganitong kaso. Panahon na hindi makatarungan para sa mga may sakit na kung minsan, hindi na naaabutan ang resulta ng kanilang kaso. 

Ito rin ang dahilan ng paghimok ni Brosas na i-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas na maaaring labag sa Konstitusyon at kapakanan ng mga Pilipinong seafarer.

Giit pa ni Brosas, lumabnaw ang panukalang batas na inihain ng Makabayan bloc at inalis ang mga probisyong nagpoprotekta sa mga marino at interes na lang ng mga ahensiya ang nangunguna.

Sa orihinal na bersyon ng panukalang batas na House Bill 4438 ng Makabayan bloc na suportado ng mga marino, isinusulong nito ang proteksiyon sa lahat ng mga mandaragat (domestic at international vessel-based), job security sa mga umabot na ng isang taon ang kontrata sa isang kompanya. 

“Maraming nawala do’n sa mga provisions natin, [kinokompromiso] ‘yong rights at saka interests no’ng mga [seafarer] natin,” sabi ni Brosas.

Naging matunog din ang panawagang “No to MCFS18” o ang pagtutol sa Chapter 18 ng panukala kung saan kinakailangan maglaan ng malaking pondo ang mga paaralan upang magkaroon ng simulators, training ships at iba pang makabagong kagamitan para sa kahandaan ng mga estudyante sa industriya.

Ayon sa Philippine Association of Maritime Institutions (PAMI) noong Enero, magreresulta lang ito sa hindi makatarungang pagtaas ng matrikula at pagsasara ng mga manning agency.

Nakiisa ang Palompon Institute of Technology sa “Black Monday” na kampanya ng Philippine Association of Maritime Institutions upang tutulan ang pagsama ng edukasyon sa Chapter 18 ng isinusulong na Magna Carta for Seafarers. Fulcrum

Tataas umano mula P25,000 hanggang P200,000 ang bayarin sa mga maritime academy para lang matugunan ang nais ng panukala.

“Ang mga mag-aaral namin ay mga anak ng mga magsasaka, construction workers, tricycle drivers, tindero po sa palengke. To put this as a requirement, wala po kaming pagkukunan, kundi itaas ang tuition fee,” wika ni PAMI chairperson Sabino Czar Manglicmot II.

Plano ng GWP kasama ang iba pang mambabatas mula sa Makabayan bloc na ihain muli ang orihinal na bersyon ng kanilang Magna Carta for Filipino Seafarers Bill.

Layunin nitong protektahan ang mental at pisikal na kapakanan ng mga marino, pagsasaayos sa krisis na kanilang hiharap hinggil sa kontraktuwalisasyon at kawalan ng trabaho na humahadlang sa kabuhayan ng karamihan. Nilalayon din nitong maisama ang mga mangingisda at domestic seafarers sa panukala.

Nananatiling pangarap sa mga Pilipinong naglalayag sa dagat o naghihintay sa oportunidad na makasampa ang karampatang tulong at suporta sa kanilang hanapbuhay. Patuloy na naghihintay sa panahong may nag-uumapaw na oportunidad at hindi kawalan ng seguridad sa kanilang sektor.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

SMNI, suspendido, dapat managot – Pinoy Weekly

Sinuspinde ng National Telecommunications Commission (NTC) and operasyon ng Sonshine

4506 Civilians Killed By Kiev Regime In DPR Since Escalation In Donbass