Dormitory blues

June 29, 2024


Highschool pa lang, akala ko’y magiging masaya ako kapag nag-dorm na ako dahil sa akin na nakasalalay ang lahat ng desisyon ko. Pero sa unang linggo ko pa lang dito sa Maynila ay napatunayan kong mali ako. 

Hindi pa man ako nakakasakay ng barko pa-Maynila, kating-kati na agad akong bumalik sa amin. Natabunan ang excitement ko ng nararamdamang takot. Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako napalayo sa aking pamilya. 

Pagtapak ko ng Maynila, pakiramdam ko ay inabandona ako. Overacting o OA siguro, pero ganoon ang pakiramdam ko noong mag-isa na lang ako. Marunong ako sa mga gawaing bahay, pero nakakapanibago at mahirap pala kapag ikaw lang mag-isa. Sa unang buwan ko bilang isang dormer dito sa Maynila, puro iyak ang ginawa ko, at “Ain’t It Fun” ng Paramore ang theme song ko. 

Matagal akong nakapag-adjust bago ako nasanay sa buhay Maynila. Mabuti na lang at may mga nakilala ako sa dorm na tinutuluyan ko. Sila ang naging kasangga ko dito. Kahit papaano, gumaan ang pakiramdam ko dahil may nakakasabay akong kumain at kahati sa mga gastusin. Gumaan din ang pakiramdam ko dahil may nakaka-relate sa akin.

“Nagdo-dorm ka na? Tara, gala tayo!” Sabi sa akin ng mga kaibigan ko. 

Gustuhin ko man, hindi agad ako pumayag dahil kailangan kong pagkasyahin ang  allowance ko hanggang sa susunod na padala. Iniisip ko pa lang ang magiging gastos sa paglabas-labas, nanginginig na ang pitaka ko. 

Akala ko dati, masaya kapag ako na lang ang nagma-manage ng sarili kong pera. Noong una, may sumosobra sa allowance ko. Nakakapag-shopping pa nga ako online. May naitatabi pa akong pera pambili ng regalo sa aking pamilya kapag may okasyon. Ngunit mula nang tumungtong ako sa huling taon ng kolehiyo, sunod-sunod ang aming kailangang bayaran at marahil dulot na rin ng inflation, ang P3,500 kong allowance tuwing kinsenas, saktuhan na lang. Minsan nga, bitin pa. Hindi rin naman ako makahingi ng dagdag allowance, alam ko kasing pinagkakasya lang din nila ang pera doon sa probinsiya. 

Sa pagdo-dorm ko naranasan ang mag-ulam ng itlog araw-araw para lang magkasya ang allowance ko hanggang sa susunod na padala. Dito na rin ako nakaranas mapurga sa de lata at noodles. Hindi ako pihikan sa pagkain, pero nakakasawa rin ang araw-arawin iyon. Kaya ko namang magluto, pero wala naman akong oras. 

OA lang talaga ako siguro pero naiiyak na lang ako minsan. Alam ko kasi na kapag nandoon ako sa amin, paniguradong masusustansiyang pagkain lang ang aking lalantakan. 

“Ang saya naman, walang kokontra sa’yo.”

Aaminin ko, masaya ang kalayaang ibinibigay sa akin ng paninirahan sa dorm. Pero sa una lang ang kasiyahang iyon. Sa paglipas kasi ng panahon, nangibabaw sa akin ang pangungulila. 

“Mahirap ba kapag naka-dorm?” Oo. Sobra. Mas ramdam mo ang hirap dahil alam mong mag-isa ka na lang, sa bagong lugar na hindi mo alam kung sino ang dapat na pagkatiwalaan.

Uuwi kang pagod, wala agad makain, ubos pa ang pera. Mararamdaman mo ang lungkot kapag walang sasalubong sayo tuwing uuwi—alagang aso man ‘yan o mala-armalite na bibig ng nanay mong galit na galit sa’yo dahil dis-oras ng gabi ka na naman nakauwi. 

Totoo pala ang sinasabi ni Mama noon na ang hirap mag-isip ng uulamin sa araw-araw. Mahirap pala ang mag-badyet lalo na kapag maya’t maya kang gutom. Mahirap pala kapag ikaw ang kumikilos sa lahat. Mahirap lalo na at wala kang mapagsabihan ng iyong nararamdaman.

Kahit pagod ka, kailangan mong mag-asikaso ng kakainin mo. Kailangan mo rin talagang maglaan ng araw para sa paglalaba, paggo-grocery at paglilinis ng kuwarto. Kahit pagod ka, mapipilitan kang kumilos. Wala kasing mag-aasikaso sa mga pangangailangan mo kung hindi ikaw lang.

Gayunpaman, sa mahigit isang taon kong pagdo-dorm, marami akong natutunan sa buhay at mas nakilala ko ang aking sarili. 

Kaya ko palang magluto ng mga putahe na akala ko dati’y makakain ko lang kapag may handaan. Kaya ko palang pumunta mag-isa sa mga lugar na ni minsan’y hindi ko naisip na mararating ko. Kaya ko palang maglakad ng mga papeles nang ako lang. Mas naging bukas ang isipan ko sa mga bagay na tinataasan lang ng kilay ng ilan sa aking mga kamag-anak. 

Napagtanto ko na kahit mahirap, kaya ko palang mag-isa. 

Pero kahit na nasasanay na ako, gusto ko pa rin na umuwi sa amin. Gusto ko na ulit matikman ang lutong ulam ni Mama. Gusto ko na ulit marinig ang corny jokes ni Papa. Gusto ko na ulit marinig ang biglaang pagbirit at ang pang-iinis ng mga kapatid ko. Gusto ko na ulit makalaro ang pamangkin ko. Gusto ko na ulit ma-pet ang mga alaga naming aso.

Hindi ako perpektong anak, pero kung papipiliin ako, mas gugustuhin kong marinig ang ingay sa bahay kaysa ang katahimikan ng pag-iisa. 

Gustuhin ko mang umuwi na, ngunit hindi pa maaari. Kailangan ko pang mag-asikaso ng mga papeles na ipapasa bilang isang graduating student. Pero kahit na matapos ko kaagad iyon, mukhang magtatagal pa rin ako dito sa Maynila.

Haharapin ko naman ang panibagong yugto ng aking buhay–sa ilalim ng industriya ng midya. Ganoon pa rin naman, mamumuhay pa rin ako nang mag-isa. Ang kaibahan lang, makakatulong na ako sa aking pamilya.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

VERA FILES FACT CHECK: Video of 17-year-old Saudi boy NOT Jullebee Ranara’s killer

Making the rounds on Facebook (FB) this week is another

Infamous Saudi Cleric Moved Out From Syria’s Greater Idlib

Abdullah al-Muhaysini as seen in a propaganda video. Infamous Saudi