Pansamantalang sinuspinde ng Mines and Geosciences and Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Exploration Permit No. EP00030II na ibinigay sa Woggle Corporation noong Agosto 2025 na sakop ang mga barangay ng Bitnong, Oyao, Macabenga at Mungia sa bayan ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.
Paliwanag sa ipinadalang liham ni DENR Assistant Secretary for Mining Concern at MGB Officer-in-Charge Director Michael Cabalda kay Woggle Corporation president Tommy Alfonso na suspendido permit ng kompanya alinsunod sa Item No. 12 sa permit kung saan nakasaad na maaari itong suspendihin ng MGB dahil sa “force majeure.”
Ayon sa Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995, ang “force majeure” ay mga kalagayan o pangyayari labas sa kapangyarihan ng may hawak ng permit, kagaya ng mga civil disturbance, blockade o dispute sa usapin ng lupa.
Binanggit din sa liham ng MGB ang patuloy na pagtutol ng mga residente sa mga isinagawang exploration activity ng Woggle Corporation na naging sanhi ng pagtatayo ng mga barikada upang harangin ang pagpasok ng mga kagamitan sa pagmimina.
Suspendido ang permit ng Woggle Corporation hanggang maresolba ang naturang kaso. Inutos din ng MGB ang agarang pagtigil ng lahat ng mga exploration activity.
Nagdiwang naman ang mga residente ng Sition Keon sa Barangay Bitnong kung saan marahas na binuwag ang huling barikada laban sa panghihimasok ng korporasyon.
Isang araw matapos ilabas ang desisyon, naobserbahan ng mga residente na hindi pa rin tumitigil ang mga tauhan ng Woggle Corporation sa drilling operations at wala pa ring nakapaskil na opisyal na abiso ukol sa suspensiyon nito.
Ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), bagaman kinikilala ang suspensiyon na bunga mula sa matagal na pakikibaka ng mga residente, kinondena nila ito sapagkat inihain daw ng MGB ang suspensiyon upang sugpuin ang oposisyon ng mga residente.
Giit ng Kalikasan PNE na ang kawalan ng pagkilos ng mga kinauukulang mga awtoridad sa kanilang mandato upang isagawa ang suspensiyon sa drilling operations ay kabaliktaran ng mabilis at marahas na pagbuwag sa mga barikada ng mga residente.
Hamon ni Florentino Daynos, isang lider sa komunidad ng Sitio Keon, na patunayan ng PNP at ng DENR na wala silang kinikilingan at arestuhin ang mga tauhan ng Woggle Corporation na nagpapatuloy sa drilling operation dahil suspendido na ang permit.
“Naglabas na ng kautusan ang korte at ang sheriff ay magsisilbi ngayong hapon. Gaano karaming PNP na naman kaya ang tutulong sa sheriff? Ngayon ay mayroon na kayong pagkakataon na ipakita na wala kayong kinikilingan sa paghahatid ng batas,” ani Daynos.
