Sa pagpuri sa mga patakarang pang-ekonomiya ng administrasyong Marcos, nagkamali si Larry Gadon sa mga datos na binanggit niya tungkol sa kahirapan at trabaho sa bansa.
Si Gadon, na nagsisilbing presidential adviser for poverty alleviation, ay tinanong tungkol sa sitwasyon ng kahirapan sa bansa sa isang panayam noong Mayo 17 sa programang Bagong Pilipinas Ngayon ng PTV.
Sa insidente ng kahirapan
“Malaking ibinaba ng poverty incidence kasi noong nakaraang taon ay meron pa tayong 24.7% of poverty rate. Itong taon na ito, itong present data, ay bumaba ito ng 23.4[%], so nabawasan ito ng 1.3% doon sa previous data and this is translated to around 11 million families.”
(“Malaking ibinaba ng poverty incidence kasi noong nakaraang taon ay meron pa tayong 24.7% poverty rate. Itong taon na ito, itong kasalukuyang datos, ay bumaba ito ng 23.4[%], kaya nabawasan ito ng 1.3% doon sa nakaraang datos at ito ay katumbas ng humigit-kumulang 11 milyong mga pamilya.”)
Pinagmulan: PTV Philippines, PANOORIN: Pagtalakay sa mahahalagang serbisyo ng pamahalaan…, Mayo 17, 2024, panoorin mula 14:11 hanggang 14:55
ANG KATOTOHANAN
Hindi totoo. Bagama’t bumaba ang poverty incidence sa unang semestre ng 2023, hindi ito nangangahulugan na 11 milyong pamilyang Pilipino ang hindi na mahirap, ayon sa pinakabagong datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa paunang resulta ng Family Income and Expenditure Survey noong Hulyo 2023, ang poverty incidence ay nasa 16.4% o humigit-kumulang 4.51 milyong pamilya.
Kumpara noong 2021 nang inilabas ang mga naunang bilang, 18% o humigit-kumulang 4.74 milyong pamilya ang itinuring na mahirap. Ang pagkakaiba ay tinatayang nasa 230,000 pamilya.
Ang poverty incidence ay ang proporsyon ng mga Pilipino na ang per capita income ay hindi sapat upang matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa pagkain at hindi pagkain.
Nangako si Marcos sa kanyang state of the nation address noong Hulyo 2022 na ibababa ang poverty rate sa 9% sa 2028 kapag natapos na ang kanyang termino.
Sa employment rate
“Ang ating employment rate, ang ating latest data diyan ay umabot tayo ng 95.6% from a very low, no‘ng time no‘ng pandemic. Hindi na natin alam kung gaano kababa ang employment rate, eh. Tantya ko, siguro mga 70 to 80% lang dahil milyon ang nawalan ng trabaho.”
(“Ang ating employment rate, ang ating pinakahuling datos diyan ay umabot tayo ng 95.6% mula sa pinakamamaba, no’ng panahon no’ng pandemic. Hindi na natin alam kung gaano kababa ang employment rate, eh. Tantya ko, siguro mga 70 to 80% lang dahil milyon ang nawalan ng trabaho.”)
Pinagmulan: panoorin mula 15:51 hanggang 16:15
ANG KATOTOHANAN
Hindi totoo. Ang employment rate noong Marso 2024 ay nasa 96.1%, mula sa 95.3% para sa parehong panahon noong nakaraang taon. Ang employment rate noong panahon ng pandemya, mula 2020 hanggang 2023, ay nasa pagitan ng 89.7% at 95.7% at hindi bumaba sa antas na binanggit ni Gadon.
Nang tumama ang pandemya noong 2020, ang unemployment rate ay nasa 10.3%, na nangangahulugan ng humigit-kumulang 4.5 milyong mga Pilipinong walang trabaho, ang pinakamataas mula noong Abril 2005.
Idineklara ng World Health Organization ang pagtatapos ng COVID-19 global health emergency noong Mayo 5, 2023.