Ibinasura ng Regional Trial Court Branch 43 sa Roxas, Oriental Mindoro ang kasong attempted murder laban kay Rev. Glofie Baluntong ng United Methodist Church (UMC) noong Dis. 8, 2025 ayon sa inilabas na pahayag ng Board of Church and Society ng UMC Philippines Regional Conference nitong Ene. 14.
Nagmula ang nasabing reklamo sa Metodistang pastor sa isang sundalong “biktima” umano ng tama ng bala sa isang engkuwentro ng Philippine Army at New People’s Army noong Mar. 25, 2021.
Nagpasalamat ang Board of Church and Society ng UMC Philippines Regional Conference sa mga sumuporta at nanalangin para sa kapakanan ni Baluntong.
Mula 2019, naging mainit na ang mga mata ng puwersa ng estado kay Baluntong dahil sa kanyang masugid na pagsuporta sa mga karapatan ng mga katutbong Mangyan at pagtutol sa mga proyektong mapanira sa kalikasan.
Tinitingnan ito ng mga kasamahan niya sa UMC at National Council of Churches in the Philippines na dahilan ng mabangis at malisyosong red-tagging at pampolitikang pandarahas sa pastor.
Maliban sa kasong attempted murder, sinampahan din siya ng kasong paglabag umano sa Anti-Terrorism Act of 2020 noong Ago. 5, 2021 na ibinasura ng piskalya noong Okt. 6, 2022.
Binatikos ng Board of Church and Society ng UMC Philippines Regional Conference ang pagtanggap ng piskalya sa reklamong attempted murder laban kay Baluntong sa kabila ng kawalan ng matibay na ebidensiya.
“Ayon sa resolusyon ng husgado, may pag-amin na galing lamang sa tinatawag na ‘order of battle’ ang pangalan ni Rev. Baluntong maging ang ibang mga akusado at hindi totoong malinaw na nakita ng ‘biktima’ kung sino ang ‘di umano’y bumaril sa kanya,” sabi ng Board of Church and Society sa kanilang pahayag.
Sinasabing kasama umano si Baluntong sa “order of battle” o listahan ng mga pangalang itinuturing na kaaway ng Armed Forces of the Philippines. Maituturing na “hit list” ang nasabing dokumento na pumupuntirya sa mga aktibista, tanggol-karapatan at kritiko ng pamahalaan.
Patuloy na nananawagan ang UMC Philippines Regional Conference na itigil na ang paninira, pandarahas at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga taong simbahan na nagsusulong ng mga karapatan ng mamamayan, katarungang panlipunan at katarungang pangkalikasan.
