Goodbye, VP Inday!

June 25, 2024


Ikinatuwa ng sektor ng edukasyon ang pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd). Para sa kanila, ito lang ang tama niyang nagawa para sa kagawaran at sa edukasyon ng bansa. Sabi pa ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, sana noon niya pa ito ginawa.

Simula pa lang, tinutulan na ng mga guro, estudyante at magulang ang pagtalaga kay Duterte bilang kalihim ng DepEd. Anila, wala siyang kuwalipikasyon para pangasiwaan ang edukasyon ng bansa. Itinalaga lang siya sa gabinete bilang konsesyon sa pagbubuo ng UniTeam, kapalit ng pagsuporta ng mga Duterte sa kandidatura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong eleksiyong 2022.

Sa dalawang taon niya bilang kalihim ng DepEd, sumahol ang krisis sa edukasyon sa bansa. Patunay dito ang taon-taong pagkakulelat ng Pilipinas sa Programme for International Student Assessment (PISA).

Lumalabas na hindi nakatulong sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon ang iilang mga programa niya gaya ng utos na mandatory face-to-face classes sa mga nag-uumapaw na paaralan na saksakan ng init, pagpapatanggal ng mga dekorasyon sa mga siksikang klasum, at ang pagbili ng mahigit P600 milyong halalgang mga overpriced na laptop na hindi rin naman napakinabangan ng mga guro at mag-aaral.

Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute of Development Studies (PIDS), nawalan pa ng aabot sa 53 school days ang kalakhan ng mga paaralan dahil sa mga kalamidad at patong-patong na non-teaching tasks ng mga guro. Kasama sa mga tinutukoy na kalamidad ang katakot-takot na init sa mga nakaraang buwan. Muli, hindi napagtuunan ang isyu sa imprastruktura kaya’t ang mga mag-aaral nagtitiyaga sa mainit, siksikan, at, kung tutuusin, mapanganib sa kalusugan na mga klasrum.

Sa loob ng dalawang taon, naging prayoridad ni Duterte bilang kalihim ng DepEd ang pagpapaloob ng mga programa ng kagawaran sa pangkalahatang programa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Nananatiling napakagastos ng edukasyon kahit sa mga pampublikong paaralan, kaya marami pa rin ang hindi makapag-aral. Nananatili ring napakababa ng sahod, kulang-kulang ang benepisyo, at talamak ang kontraktuwalisasyon sa hanay ng ating mga guro at kawani sa mga pampublikong paaralan.

Pero napalaki naman ni Duterte ang pondo ng DepEd. Hindi nga lang para sa serbisyo sa edukasyon. Hindi para sa pagpapagawa ng mga eskuwelahan at dagdag klasrum, pagbili ng mga libro at iba pang gamit sa pag-aaral, o pagbibigay dagdag-sahod sa mga guro at kawani. Daan-daan milyong pera ng taumbayan ang kinukuha ng kanyang tanggapan para sa kanyang confidential at intelligence fund. Pondong ginagamit sa paniniktik, panunupil at pandarahas sa mga guro, estudyante at mga kritiko.

Sa loob ng dalawang taon, naging prayoridad ni Duterte bilang kalihim ng DepEd ang pagpapaloob ng mga programa ng kagawaran sa pangkalahatang programa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Hindi pinagbigyan ni Marcos Jr. ang hiling niyang pamunuan ang sektor ng depensa at seguridad, kaya ginamit na lang niya ang DepEd bilang plataporma para sa red-tagging, disimpormasyon, harassment, pagsampa ng gawa-gawang kaso, pag-aresto, pagdukot at maging pagpatay sa mga kritiko ng gobyerno. Sa madaling sabi, sa pagpapatuloy ng tiraniko at pasistang tradisyon ng pamilya Duterte.

Ang pagbibitiw ni Duterte sa DepEd at bilang co-vice chairperson ng NTF-Elcac ay pag-amin sa publiko sa pagkabiyak ng alyansang Marcos-Duterte. Wala ng “unity” ang UniTeam. Hindi na sila magkaisa sa kung paano paghahatian ang kapangyarihan at kaban ng bayan. Paghahanda na rin ito sa balak ng mga Duterte na bumalik sa poder sa susunod na halalan.

Pero hindi puwedeng basta na lang siya mag-goodbye. Hindi nga sapat ang pagbibitiw, kung tutuusin mas dapat pa nga siyang sisantehin. Dapat panagutin si Duterte sa tindi ng nalantad na ginawa niyang kapalpakan, korupsiyon, at paglabag sa karapatang pantao bilang kalihim ng DepEd at pangalawang tagapangulo ng NTF-Elcac.

Siya nga pala, bago magkalimutan, bago siya tuluyang mamaalam, bago siya magbida-bidang magpakilala bilang “oposisyon,” ibalik muna niya ang P125 milyong kinuha niya sa kaban ng bayan.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Palestinian Jader Adnan Dies After 88-Day Hunger Strike

On Tuesday, 44-year-old Palestinian prisoner Jader Adnan died after spending

Duterte admits threatening to kill Joma, joins Sara in opposing talks resumption with NDFP

Former president Rodrigo Duterte admitted he threatened to kill the