Nobyembre 10, 2023 | Nananawagan ang National Democratic Front-Eastern Visayas sa lahat ng mga rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon na lalong pagtibayin ang panatang isulong ang digmang bayan sa darating na Nobyembre 23, bilang paggunita sa unang anibersaryo ng teroristang pambobomba sa Barangay Imelda, Las Navas, Northern Samar.
Sa araw na ito, ating kundenahin ang walang-awang pag-atake ng Joint Task Force Storm ng 8th ID at ang brutal na pagpaslang kina Ka Helenita Pardalis (Ka Elay), Ka Gil Giray (Ka Biboy), Ka “Mamoy” Sablan, “Ka Mela,” “Ka Mike” at “Ka Joshua”, mga minamahal nating kasama at mga tunay na anak ng bayan, isang taon na ang nakaraan.
Sa bukang-liwayway ng Nobyembre 23, lahat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa rehiyon ay dapat maglunsad ng tahimik na 21-gun salute bilang pagsaludo sa Imelda 6, gayundin sa Dolores 22, Catbalogan 10 at Bobon 7, sa lahat ng biktima ng teroristang pamboboma ng 8th ID, at sa lahat ng martir ng rebolusyong Pilipino.
Nararapat ring mag-alay ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa ng mga mensahe ng parangal at pag-alala, sa pamamagitan ng maliliit at simpleng mga programa na maaari ring may kultural na pagtatanghal. Maaari itong magsilbing mga panimulang aktibidad kaugnay ng ating pagdiriwang sa ika-55 na anibersaryo ng Partido sa darating na Disyembre 26.
Kasalukuyang binubuo ng NDF-EV ang isang koleksyon ng mga mensahe ng parangal, tula at mga obrang sining bilang alay sa Imelda 6. Hinihikayat ang lahat na magsumite ng mga kontribusyon para dito.
Ating ding kundenahin ang pasistang terorismo ng 8th ID at ng AFP, mga galamay ng rehimeng Marcos II, na papet ng imperyalismong US. Kundenahin natin at ipatigil ang kanilang patakaran ng walang patumanggang pambobomba sa kanayunan, sa mga gubat, bukid, ilog at iba pang lugar ng hanapbuhay ng mga magsasaka. Alinsunod ito sa doktrinang “kontra-insurhensiya” na tumatarget sa mga sibilyan at binabansagang “terorista” ang lahat ng lumalaban.
Ilang bomba man ang ihulog ng pasistang estado, hinding-hindi nito mabubura sa alaala ng Partido, hukbo at masa ang minamahal nating mga kasama. Lalo lang tumitibay ang kapasyahan ng mga naiwan na ipagpatuloy ang makatarungang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
Sa buong Eastern Visayas, lalong tumitindi ang paghihikahos ng mamamayan. Hindi na nila matiis ang pagpapahirap, pagmamalupit at pagtatraydor ng naghaharing reaksyunaryong rehimen. Umiigting ang kanilang galit at kapasyahang tanganan ang baril bilang pangunahing armas ng paglaban, upang singilin ang mga uhaw sa dugong pasista, papagbayarin ang mga traydor at palayain ang bayan mula sa mga mananakop at gahaman.
Sa araw ng Nobyembre 23, ating pagtibayin ang determinasyong biguin ang digmang panunupil ng rehimeng US-Marcos at isulong ang digmang bayan. Ito ang pinakamataas na porma ng pagbibigay-pugay sa ating mga martir at ng lubos na pagsisilbi sa mamamayan.
Mabuhay ang magigiting na martir ng Imelda! Mabuhay ang mga martir ng Silangang Kabisayaan at ng rebolusyong Pilipino! Kamtin ang hustisya para sa mga biktima ng pasismo ng estado!
Isulong ang digmang bayan upang gapiin ang kontra-rebolusyonaryong gyera ng rehimeng US-Marcos! Papag-alabin ang apoy ng armadong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya!