Harassment sa lider-pesante: ‘Apektado ang pagsasaka’

February 5, 2024


“Hands off Danilo Ramos” ang panawagan ng peasant rights advocates matapos ang balitang paniniktik at harassment sa tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).    

Ayon sa KMP, nangyari ang pinakahuling serye ng paniniktik kay Ramos noong Enero 3 at 15 sa Malolos, Bulacan. Inulat ng grupo na may dalawang lalaking naghahanap sa tirahan ng lider-pesante. Ayon sa mga saksi, sinabihan daw nila ang mga residente na matagal na nilang hinahanap si Ramos dahil “terorista” raw ito. 

Tubong Bulacan, nagsimulang kumilos si Ramos noong 1983 bilang kasapi ng Alyansa ng Magbubukid ng Bulacan. Makalipas ang ilang taon, naging tagapagsalita siya ng Alyansa ng Magbubukid ng Gitnang Luzon at kalauna’y naging lider ng KMP.  

Ibinahagi ni Ramos na, sa ilang dekada niya bilang lider-pesante, nasaksihan niya ang panggigipit at paglabag sa mga karapatan ng mga magsasaka. Sa tala ng grupong Karapatan, pawang magsasaka ang 59 sa 87 na biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.  

Paliwanag ni Ramos, sa tuwing nahaharap sa panggigipit ang mga magsasaka, tuwirang naaapektuhan ang kanilang kabuhayan. “Ang palay, gulay, at fruit trees, inaalagaan po ‘yan. Kung hindi ako makapunta o ‘yung kapwa ko magbubukid [sa aming mga tanim], may epekto po sa paghina ng ani.”  

Ganito rin ang karanasan ni Ronnie Manalo, kalihim ng KMP, matapos makaranas ng paniniktik. Aniya, malaki ang epekto nito sa araw-araw niyang tungkulin sa pagsasaka.  

“Sinusundan ‘yung aking mga pagkilos, kung saan ako pumupunta, at saan ako nakatira,” ani Manalo.  

“Syempre ang magsasaka, maaga pa lang gising na para maghanda, pagkatapos ay pupunta sa bukid maghapon. Pero dahil sa surveillance na nagaganap, may panganib na hindi mo alam kung sino ‘yung sumusubaybay sa’yo.”  

Paglabag sa karapatan 

Paliwanag ng abogadong si Jobert Pahilga ng grupong Sentro para sa Tunay na Repormang Agraryo, labag sa batas ang surveillance na ginagawa kay Ramos, Manalo, at sa iba pang magsasaka.  

“‘Paglabag ito sa kaniyang seguridad at kaligtasan. ‘Yung paniniktik ay isang porma ng unreasonable search,” paliwanag ni Atty. Pahilga.   

Nakasaad sa Saligang Batas ng 1987 na “ang karapatan ng mga taong-bayan na magkaroon ng kapanatagan sa kanilang sarili, pamamahay, papeles at mga bagay-bagay laban sa hindi makatwirang paghahalughog at pagsamsam sa ano mang layunin ay hindi dapat labagin.”  

Dagdag ni Pahilga, tuntungan din ang surveillance para lalong mailagay sa panganib ang buhay ng isang indibidwal. Aniya, “Marami nang nangyari na ‘yung mga aktibista na sinu-surveillance at nire-redtag ay pinapatay at nagiging biktima ng enforced disappearance.”  

Pero diin ni Pahilga, may magagawa ang mga magsasaka para labanan ang ganitong mga atake at mapanagot ang gumagawa nito.   

“Una, dapat mulat sila at alam nila ang kanilang mga karapatan para hindi sila matakot na lumaban. Pangalawa, dapat ay pumaloob sila sa isang organisasyon ng mga magsasaka. Together with the other members of the organization, at kanilang support groups at peasant advocates, ilantad nila itong mga nangyayaring ito.”  

‘Determinado’ 

Ayon kay Ramos, alam niyang pananakot ang layunin ng paniniktik sa kanya. Pero giit niya, hindi mapapatigil ng kahit anong atake ang paglaban ng mga magsasaka para sa kanilang karapatan.  

“Katunayan po dalawang beses na akong nakulong. Sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos at panahon ni Benigno “Noynoy” Aquino,” aniya. “Pero matapos po akong makalaya, nagpatuloy po ako sa pagkilos. Dahil naniniwala ako na ang ipinaglalaban ng KMP ay para sa interes ng ating mga kababayan ngayon hanggang sa hinaharap.”  

Sinalaysay din ni Ramos na isa siya sa mga survivor sa tinaguriang Mendiola massacre noong Enero 1987. “Tatlumpu’t pitong taon ang makalipas [mula noong Mendiola massacre], wala pa ring lupa ang mga magsasaka. Pero ako at ang kapwa-magbubukid ay determinado pa rin na ipaglaban ang lupa at hustisya,” diin niya. 



Source link

Don't Miss

NDFP: Teodoro’s insinuation of surrender by Reds ‘simply untrue’   

The National Democratic Front of the Philippines (NDFP) belied claims

Ang Bayan » Beteranong organisador ng manggagawa, pinarangalan

Inilunsad ng mga demokratiko at progresibong organisasyon ang tatlong araw