Sa isang bahagi ng tinambakang baybayin sa Purok Bayanihan, Barangay Banago, Bacolod City, Negros Occidental, tumutubo ngayon ang maliliit na taniman ng kamote, kangkong at iba pang pananim sa pagitan ng mga bunton ng buhangin at guho.
Itinanim ng mga residente ang mga pananim sa nireklamang lupa bilang tahimik na anyo ng paglaban. Dapat umanong mapunta ang lupa sa komunidad, hindi sa mga developer na nagtutulak ng mga proyekto sa dagat.
“Kapag wala kaming maihain sa mesa, dito kami kumukuha ng pagkain,” sabi ni Bacolod Anti-Reclamation Movement (BARM) president Jesus Rodriguez habang itinuturo ang kanilang hardin.
Tahanan ang Barangay Banago ng nasa 2,000 mangingisda. Nasa 80% ng 20,000 populasyon nito ang nabubuhay sa ilalim ng poverty line.
Nanumbalik ang pangamba ng mga mangingisda na magpapatuloy ang mga aktibidad ng reklamasyon sa barangay sa pagbabalik ng mga heavy equipment sa baybayin nitong Pebrero, sa kabila ng mga hindi pa nareresolbang isyu sa mga permit.
Nakarating ang kontrobersiya sa Bacolod City Council nitong Peb. 20, kung saan sinuri sa isang joint hearing ng mga komite sa Human Rights, Environment at Laws ang mga aktibidad ng Home Invest Realty Ventures Inc. na iniuugnay kay dating Konsehal Vladimir Gonzales.
Nanindigan ang mga kinatawan ng kompanya na bahagi ng proyekto ang “recovery” ng pitong ektaryang titled property na umano’y lumubog dahil sa coastal erosion.
“Wala kaming Environmental Compliance Certificate dahil nakakuha kami ng Certificate of Non-Coverage para sa mga titled lot,” pag-amin ng isang kinatawan ng kompanya sa pagdinig, habang binabanggit ang isang “Restoration Clearance” na inilabas ng Philippine Reclamation Authority.
Hinamon naman ng mga lider ng BARM, isang alyansa ng mga mangingisda, maralitang lungsod at iba pang tutol sa reklamasyon, ang nasabing pahayag.
Itinuro nila ang minutes ng isang technical meeting noong Peb. 22, 2024 sa Provincial Environment Management Office sa Negros Occidental, kung saan pinabulaanan ng mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang posisyon ng developer.
Sinabi sa pulong ni Elizur Militar ng DENR Region 6 na sa ilalim ng Civil Code, nagiging bahagi ng public domain ang anumang titled property na permanenteng nilamon ng dagat.
Itinuturing na reklamasyon ang anumang pagtatambak o konstruksiyon sa ganitong lugar, anuman ang tawag dito, ayon kay Militar.
Kinalaunan, nagpasya ang Environmental Management Bureau na bumubuo ng reklamasyon ang proyekto kaya nangangailangan ito ng Environmental Compliance Certificate sa ilalim ng Presidential Decree 1586.
Sa pagdinig, inutusan ng Bacolod City Council ang developer na isumite ang lahat ng kinakailangang permit sa loob ng 10 araw, kabilang ang Environmental Compliance Certificate.
Hiniling din ng konseho sa City Legal Office na beripikahin kung legal na inalis ang isang 2022 Cease and Desist Order noong Nobyembre 2023, gaya ng inaangkin ng developer.
Sinabi ni Vincent Fernandez ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas)-Negros na nabigo ang developer na tumugon sa palugit.
“Nang hingan namin ng update si Councilor Jun Gamboa matapos lumipas ang deadline, sinabi niya na ilegal ang reklamasyong ginawa sa Barangay Banago,” ani Fernandez.
Ayon kay Fernandez, nagbanggit ang konsehal ng ilang kakulangan sa dokumentasyon ng proyekto.
“Una, wala na silang Resolution of No Objection. Pangalawa, wala silang Environmental Compliance Certificate. Pangatlo, kulang ang mga permit nila mula sa Philippine Reclamation Authority,” aniya.
Idinagdag ni Fernandez na inilarawan sa aplikasyon ng developer ang aktibidad bilang “backfill” o ”pika-pika” sa lokal na termino.
“Pero hindi minor na pagtatambak ang nangyari,” aniya. “Mahigit 3.5 ektarya ng karagatan sa Barangay Banago ang nireklama.”
Kasunod ng public hearing, napansin ng mga residente na tinanggal ng developer ang kanilang mga kagamitan mula sa lugar.
“Hinugot nila ang kanilang mga backhoe, tractor at bulldozer,” sabi ni Fernandez.
“Hanggang ngayon, hindi pa bumabalik ang mga makinang iyon, ibig sabihin ay huminto muna ang mga operasyon sa ngayon.”
Sa kabila ng paghinto, nananatiling nangangamba ang mga mangingisda at sinabing nagawa na ang pinsala.
Para kay Ricky Siray, na dalawang dekada nang nangingisda sa baybayin ng Banago, malaki na ang naging epekto ng pagtatambak sa karagatan.
“Nahihirapan kami ngayon dahil wala na kaming pangisdaan.” Sinabi niya na patuloy na bumababa ang huli ng isda mula nang magsimula ang reklamasyon.
Idinagdag ni Siray, nawalan din ang mga mangingisda ng lugar na mapaparadahan ng kanilang mga bangka.
Iginiit nila na naglagay ang mga developer ng mga bunton sa ibabaw ng nireklamang lugar, na tila maliliit na burol, para harangin ang mga mangingisda na idaong ang kanilang mga bangka.
Sinabi niya na nagsisilbi ring kanlungan ang baybayin kung saan itinatago ng mga mangingisda ang kanilang mga bangka kapag may bagyo.
“Kapag may bagyo, dito namin inaahon ang aming mga bangka para maging ligtas,” aniya.
“Kung magpapatuloy ito, saan kami pupunta?” tanong niya.
Sinabi naman ni Mariafe Almario, isang residente na kumukuha ng mga shellfish sa baybayin, na nawawala na ang kanilang tradisyonal na kuhaan ng mga lamang-dagat.
“Unti-unting nawawala ang aming kabuhayan,” ani Almario. “Pahirap nang pahirap mangisda dahil nawawala na ang mga nakasanayan naming huli—panginhason, punaw, at iba pang isda.”
“Noong nakaraang buwan, pumunta rito si Vladimir Gonzales at sinabing tatanggalin daw ang mga bangkang nakaparada sa baybayin,” kuwento ni Rodriguez.
“Giniba niya ang lugar gamit ang isang backhoe dahil gagawin daw itong access road para sa mga kagamitan sa reklamasyon.” Sinabi ni Rodriguez na nasira rin ang sarili niyang kabuhayan nang magsimula ang mga paggawa.
“Nakaparada rito ang una kong bangka—yung kulay dilaw. Hindi man lang nila ako inabisuhan na tatanggalin ito,” sinabi niya sa Paghimutad. “Kinuha ito ng backhoe at heavy equipment at pinagputol-putol.”
Ang natira sa nasirang bangka, aniya, ay hinakot palayo gamit ang isang cargo van. “Ngayon, nagtatrabaho na lang ako bilang cargo porter sa BREDCO Port para lang kumita ng pambili ng bigas,” sabi ni Rodriguez.
Inihayag din ni Rodriguez na nagpalala sa pagbaha sa barangay ang binagong daanan ng tubig na konektado sa proyekto.
“Sinisisi nila ang aming mga basura,” aniya. “Pero ang totoong dahilan ay ang mismong proyekto. Pasikip nang pasikip ang mga daanan ng tubig kung saan dati itong umaagos.”
Hinihimok ngayon ng Pamalakaya Pilipinas-Negros ang pamahalaang lokal na magsagawa ng legal na aksiyon laban sa developer at ibalik ang tinambakang baybayin sa pampublikong gamit.
“Nananawagan kami sa gobyerno na ibalik sa publiko ang tinambakang lupa,” ani Fernandez. “At ihinto ang mga proyekto ng reklamasyon dahil nakakapinsala ito sa mga mangingisda.”
Para kay Siray at sa iba pang residente ng Purok Bayanihan, simple lang ang isyu. “Dito kami nabibilang, sa baybayin,” aniya.“Kung matatabunan ng reklamasyon ang lugar na ito, kung hindi kami lalaban, anong mangyayari sa amin?” Kaya patuloy silang lumalaban. /Unang inilathala ng Paghimutad noong Marso 7, 2026. Salin ni Jeoff Larua.
