Organizations

Hayuma ng paglaban ng mangingisda sa Tangos –

Hayuma ng paglaban ng mangingisda sa Tangos –


“Dati mainam ang hayop sa dagat ng Navotas, mahina na ngayon. Nagsimula yang ganyan sa pagtatayo ng tambak at pagbubunot ng mga tahungan. Nitong taon ay bumaba na ang huli, simula noong pagtatayo ng airport na iyan sa Bulacan ay malaking pinsala na ang ginawa niyan,” ani JC Rivera*, 31 taong gulang na mangingisda sa Wawa sa Brgy. Tangos South.

Epekto ng reklamasyon, polusyon sa mangingisda sa Tangos

Higit isang dekada nang mangingisda si JC ng alamang sa Brgy. Tangos South. Ayon sa kanya, bagamat hindi apektado ang tulad nilang mga mangingisda sa ginagawang pagbubunot sa mga tahungan ay nakaamba naman ang usapin na isasara ang nasasaklawan ng kanilang pinamamalakaya.

Panimulang hakbang ang pagtatambak sa itatayong tulay na bahagi ng Navotas Coastal Bay Reclamation Project (NCBRP) na itinuturing na “Southern Gateway” ng lokal na pamahalaan ng Navotas at Argonbay Construction Company, Inc. na pagmamay-ari ng kapitalistang si Ramon Ang ng San Miguel Corporation (SMC).

Ang nasabing tulay ay patungong New Manila International Airport sa Bulacan kung saan ang SMC rin ang pangunahing tagapagpondo.

Tinatayang 650 ektarya ang kabuoang saklaw ng reklamasyong ito na sinimulan ang konstruksyon noong 2019. Isa lamang din ang NCBRP sa 22 reklamasyon sa Manila Bay ang inaprubahan ng Philippine Reclamation Authority noong 2018.

Ayon naman kay Rodolfo, isa ring 58 taong gulang na mangingisda, nakadadagdag ang polusyon sa dagat ng Navotas sa paghina ng kanilang nahuhuling isda.

“Polluted na kasi rito. Dahil iyan sa langis, mga plastic, mga galing sa malalaking barko. Iyang mga kemikal ng pabrika, sa ilog Pasig pa galing na ang labas niyan ay sa Manila Bay,” dagdag ni Rodolfo.

Aniya, umaabot na siya sa bahaging Bulacan partikular sa Pamarawan, Sta. Cruz, Tibagin para lamang makapanghuli ng isda.

“Nawala na kasi ang isda rito sa Navotas e kaya nandoon na kami lagi,” dagdag ni Rodolfo.

Tulad din sa mga magtatahong, iniinda ng mga maliliit na mangingisda ang hindi pagbibigay sa kanila ng permit na sa kanilang palagay ay bunsod ng isinasagawang pagtatambak.

Ayon kay CJ, bitbit nilang palagi ang rehistro ng kanilang bangka habang namamalakaya. Gaya rin ni Rodolfo, umaabot sa bahaging Cavite, Parañaque, at iba pang bahagi ng Manila Bay sina CJ para lamang din makapanghuli ng isda at alamang.

Naranasan na rin ni CJ ang mahuli tulad sa Parañaque kung saan ipinagmumulta sila ng P3,100 nang makitang doon nangingisda.

“Diyan sa may Parañaque may nanghuhuli, sa may ginagawa sa MOA. Magbabayad ka ng P3100 sa headquarters ng bulungan. Magbabayad ka lagi. Yong mga pulis doon, kapag di ka nakapagbayad ay impound ka. Hindi ka makakahuli,” pagbabahagi niya.

Iba’t ibang pamamaraan ng pangingisda sa Tangos

Higit 100 ang mga maliliit na mangingisda sa bahaging Wawa sa Brgy. Tangos South.

Maaring isa o aabot sa tatlo hanggang apat katao ang maaring magtulong-tulong sa pamamalakaya. Magkakaiba rin ang pamamaraan ng pangingisda maging ang oras ng kanilang paglalaot.

Tulad ni JC kung saan kinukumpuni ang kaniyang bikaka na gagamitin para sa panghuhuli ng alamang. Aabot sa anim na dipa ang haba ng dalawang kawayan magkadikit. Inilulubog ito nang nakabukas at korteng ‘V’ habang nakasabit ang lambat as unahan.

Ayon kay JC, higit isang oras bago kumubra ang paggamit ng bikaka sa panghuli.  Sa bawat araw, umaabot sila ng 12 oras mula 5:00 PM hanggang 5:00 AM para sa kanilang pangingisda.

Sa kabilang banda, mayroon ding gumagamit lamang ng pamanti. Sa paraang ito, nag-aarya ng lambat nang mano-mano paikot ang mga mangingisda sa mababaw na parte ng dagat. Kapag natapos na itong ilatag ay saka bubugawin ang mga isda paibaba para makuha ito mula sa lambat.

Isa ring pamamaraan ang tinatawag na pahila. Batay rin mismo sa salitang ‘hila’, maaring lambat o pamingwit ang ginagamit sa ganitong paraan ng paghuli.

Sa pamanti at pahila ay maaring sa isang buong umaga ang pangingisda.

Ayon sa mga mangingisda, iba’t iba ang mga nahuhuling isda sa Manila Bay. Nariyan ang asuhos, sabang, alakaak, alimasag, loba, talimusak, balay, kavya, paros, duhay at iba pa.

Halos 70% ang pagkalugi ng mangingisda sa abereyds na kita

Madalas ay aabot ng sampung (10) timba ang napupuno nina JC ng alamang. Halos pito hanggang walong kilo ang laman ng isang timbang puno ng alamang. Dagdag pa niya, P250 hanggang P300 ang kanyang benta sa bawat timba.

Tulad sa ibang mangingisda, mainam para sa kanila kung may ‘buyer’ kumpara sa nagpapatawad sa kanilang binabagsakan tulad sa C3 Market sa Boulevard, Navotas.

Kung tutuusin, nagkakahalagang P8000 hanggang P9,600 ang presyo ng kanilang huling alamang kung ito ay maibebenta na sa palengke sa halagang P100 hanggang P120 kada kilo. Ngunit tulad kina JC ay naibenta lamang nila ang kanilang huli sa halagang P3000. Ito ay mababa ng P5000 o 62.5% hanggang P6600 o 68.75% sa kanilang naging kabuoang kita sa 12 oras na pamamalakaya.

Pagmamay-ari ni JC ang gamit na bangka kasama ang dalawang nananamahang mangisda. Sa kinita nilang P3000 ay iaawas dito ang P900 para sa krudo. Ang natitirang P2,100 ay ipaparte sa tatlo kung saan P700 ang maiuuwi ng bawat isa.

Paggiit sa karapatan sa kabuhayan ng mangingisda

Mayroong mga samahang nagbubuklod sa mga mangingisda sa Brgy. Tangos South tulad ng Pagkakaisa ng Manggagawa at Mangingisda sa Navotas – PAMALAKAYA (PAMAMANAPA). Kasagsagan ng pandemya noong 2020 nabuo ang PAMAMANAPA.

Ayon kay Jojo Francisco, mahalaga ang pagkakaroon ng samahan o grupo ng mga mangingisda para irehistro ang pagkakaroon nila ng iisang tindig.

“Mahalaga rin iyan kung halimbawa iyon bang nadisgrasya ang bangka mo, pwede kang lumapit doon para tulungan. Makakausap ang nakadisgrasya. Iyon ang kahalagahan ng magkakasama. Sa ngayon, kanya-kanya,” dagdag pa niya.

Subalit, nagkaroon ng kahirapan sa pagpapalawak ng kasapian ng samahan bunsod ng mga banta ng harassment at pagbibisita ng pulis sa lider at ilang miyembro ng PAMAMANAPA.

Ayon kay Francisco, sa parehong taon ay nagpunta ang mga elemento ng Navotas Philippine National Police (PNP) kung saan pinapirmahan ang ilang miyembro ng PAMAMANAPA kumbinsihing huwag lumahok sa mga kilos-protesta o sumali sa mga organisasyon.

Ayon pa kay Ka Letty ng DEFEND CAMANAVA, hindi na bago ang usapin ng pangingikil sa mga progresibong grupo partikular sa lokalidad ng CAMANAVA.

Noong 2019, binansagang “communist hot bed” ang lokalidad bunsod ng whole-of-nation approach o Executive Order No 70 ng dating administrasyong Duterte. Mula noon ay nagkaroon ng pagkakampo ng militar sa pangunguna ng 11th Civil Military Operation (CMO) sa iba’t ibang barangay sa CAMANAVA.

Sa kasalukuyang, namamataan pa rin ang ilang elemento ng 11th CMO ngunit mas mataas ang presensya ng mga ito kasama ang 12th CMO sa Tondo, Manila.

“Hindi natigil, bagaman at bumagal na ang pananakot, harassment at intimidasyon sa mga lider at organisador. Lahat ng ito ay dulot ng tiraniya ng dating rehimeng Duterte, terorismo ng estado at ng pagkakaroon ng de-paktong pasistang diktadura, na pinagpapatuloy lamang ng administrasyon ni Marcos,” ani Castillo.

*hindi totoong pangalan ang ginamit para kay JC Rivera na kanya ring mungkahi para sa usaping panseguridad



Source link

Manila Today
Manila Today

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning