Higit sa gunita, pagkilos – Pinoy Weekly

February 22, 2024


Kapag nababanggit ang EDSA, katakot-takot na lagay ng trapiko ang madalas bida sa usapan. Paanong hindi, gayong simbolo at patunay ito ng maraming isyu sa lipunan ng Pilipinas tulad ng kapos na serbisyong pampubliko at mabagal na usad ng tunay na pag-unlad para sa lahat. 

Tumatayo namang simbolo ang Peb. 25 sa mahabang laban na nagwakas sa matagumpay na pagpapatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr., ama ng kasalukuyang pangulo.

Kapag sinabing EDSA People Power, inaalala natin ang pagdaluyong ng lakas ng nagkakaisang mga Pilipino. Ngayon, pilit pinapalimot sa mga tao ang halaga ng petsa na ito at lahat ng nakadugtong na pangyayari.

Noong 2023, nilipat ni Marcos Jr. ang pagdiriwang sa Peb. 24 para umano sa “holiday economics,” mas maeengganyo ang mga tao kung working day ang holiday para raw salubungin ang long weekend.

Ngayong taon, kahit pagkilala sa mismong petsa, wala na. Ngayong 2024, ni hindi na kasama sa listahan ng special non-working holiday ang Peb. 25. Sabi ng Palasyo, hindi na kailangan dahil Linggo naman ito, karaniwang araw ng pahinga. Noong 2018 naman, kinilala pa rin na special non-working holiday ang Peb. 25 kahit tumapat rin ito sa Linggo.

Kasabay ng mga tila maliliit na hakbang na ito ang kaliwa’t kanang deklarasyon ng paggunita at pagpaparangal kay Marcos Sr. sa kabila ng hindi maikakaila na pangungurakot sa kabang bayan at pang-aabuso sa dignidad ng mamamayan.

Abril 2023, sinimulan ang pagpapatayo ng isang monumento para kay Marcos Sr. sa bayan ng San Esteban, Ilocos Sur. Agosto 2023 nang ideklara ni Marcos Jr. na holiday sa Ilocos Norte ang kaarawan ng kanyang ama.

Setyembre ng nakaraang taon rin, laman ng balita ang pagpapatanggal ng Department of Education sa kanilang curriculum ng pangalang Marcos sa orihinal na linyang “Diktadurang Marcos.” Tulad ng kawalan ng deklarasyon na holiday ang Peb. 25, may palusot muli ang gobyerno. 

Akala yata ng administrasyon, hindi mapapansin ng mga Pilipino ang mga hakbang na ito—ang sabay na pagdadakila sa isang mamamatay-tao habang unti-unting kinakalimutan ang mga biktima nito.

Akala nila na sa hirap ng buhay, madali nang mapapalampas ng mga Pilipino ang mga usaping ito dahil abala ang mga tao sa higit na pagtitipid, hindi na makataong pagtatrabaho at nagkakandakuba na para lang mabuhay ang kanya-kanyang pamilya.

Paano makakalimot ang sambayanan sa isang pagtatagumpay na ilang taon nitong ipinaglaban?

Lahat ng kasalukuyang pinagdurusahan ng mga Pilipino ay nagsisilbi na paalala sa mga ugat ng EDSA at bakit kinailangang magpatalsik ng lider na nabubuhay sa karangyaan sa harap ng naghihirap na bayan. Kung may mga pangalang paulit-ulit sa politika, asahan ng mga makapangyarihan na hindi mapapatid ang pagkakaisa at pagtindig ng mga mamamayan.

Ginagamit ng mga alagad ng sining ang pilit na pagpapalimot sa madilim na nakaraan para lumikha ng mga bagong dula, bagong kanta at iba pang bagong mga obra na magpapaalala sa atin ng katotohanan at kasaysayan. Ginagamit ng mga mamamahayag ang patuloy na pag-atake para lalong mangahas humanap ng mga itinatagong kuwento ng lipunan.

At ito ang kailangang ipagpatuloy ng bawat Pilipino, sa kung anumang larangan sila kabilang.

Kailangan tumindig ng mas maraming mga kabataan, mga magulang, mga manggagawa, mangingisda at magsasaka, mga propesyonal, kahit mga mambabatas.

Kasabay ng pag-aalala ay pagkilos. Maliit man ito kung ikukumpara sa paggamit ng kapangyarihan ng batas, may maiaambag pa rin ang isang patak ng tubig sa rumaragasang ilog.

Sa Peb. 25, Linggo, sa kabilla ng kawalan ng deklarasyon, muling magtitipon ang mga Pilipino para ipagdiwang ang hindi makalilimutang lakas ng mamamayan. Hindi lang sa Maynila magaganap ang protesta at hindi magtatapos sa Pebrero ang pag-alala.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Sa SONA, bawal ang nega?

Sa katatapos lang na State of the Nation Address ni

Leaked Documents Reveals Israeli Preparations For War With Hezbollah In LebanonSouth Front

Click to see full-size image. Source: the Israeli Air Force.