Higit sa gunita sa sining ng Artista ng Bayan – Pinoy Weekly


Hapon ng ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar, muling nagpakilala ang mga tanyag na dibuhista, pintor at iskultor—silang may mga likhang pinupuno ang permanent collection ng mga pampubliko’t pribadong gallery, may mga pangala’t mukhang madalas laman ng mga pahayagang pangkultura—bilang miyembro ng isang progresibong organisasyong lumaban sa diktadurang Marcos.

Sa exhibit na Kasalukuya’t Kasaysayan ng Artista ng Bayan (ABAY) 1985-1994, pinagsama-sama ng CANVAS at University of the Philippines (UP) Fine Arts Gallery ang mga luma’t bagong likha ng 23 sa mga dating miyembro ng ABAY, organisasyon ng mga mangaggawang pangkulturang nagsilbi sa kilusang masa ng dekada ‘80 at ‘90. 

Tampok sa exhibit ang mahigit 50 na likha nila Judith Seonia Cepeda Alluso, Jocelyn Bartolome, Patria Sanchez Bautista, Elmer Borlongan, Norimyl Dangel, Antipas Delotavo, Edgar Talusan Fernandez, Emmanuel Garibay, Diosdado Gulapa, Jr., Mark Justaniani, Jor Mallari, Al Manrique, Lito Mondejar, Gomersendo “Bimbo” Nemeno, Jr., Cap Reyes, Jose Tence Ruiz, Klais Sabangan, Frederic Fua Sievert, Grace de Jesus-Sievert, Luis Alexander General Umali at Chitoy Zapata.

Naglalaro man sa iba’t ibang medium—mula mixed media installation work hanggang oil at acrylic sa canvas—nagkakaisa sa kabuuang mensahe ang mga likhang ito at sinusubukang sagutin ang mga tanong: Ano ang gawaing pangkultura? Ano ang paglikha ng sining sa panahon ng ligalig? 

Sa curatorial note ni Lisa Ito ng UP Fine Arts Gallery, binaybay niya ang pinagmulan ng ABAY mula sa mga naunang progresibong grupo ng mga artista mula dekada ‘70 tulad ng Nagkakaisang Progresibong Artista at Arkitekto, UP Lingkod Sining, Kaisahan at Tambisan sa Sining

Ang mga grupong ito ang matiyagang nag-organisa sa hanay ng mga kabataang artista upang mabuo ang mga bagong pangkulturang organisasyon para sa kilusang anti-diktadura. Dito’y tumugon ang mga bagong mangagawang pangkultura sa “paglikha ng mga popular na porma na makasining na pag-aklas.” 

Matapos ang pagpapatalsik ng pamilya ng diktador sa Malacañang, marami sa mga organisasyong ito’y nagpatuloy, natransporma o marahil ay napuspos ang gamit, tulad ng luwad sa paulit-ulit na paggawa ng effigy sa mga protesta.

Ngunit sa bakas ng pagkawala ng mga pangkulturang organisasyon, naiwan ang kaban ng panlipunang praktika sa gawaing pangkultura na ipinapasa sa susunod na henerasyon ng mga kabataang artista na tumatangan sa hamon ng panahon. 

‘Di nagkasya ang mga organisasyon tulad ng ABAY sa paglikha ng mga makabayang sining, tinahak din nila ang masalimuot na proseso ng panlipunang pagsisiyasat at teoresasyong nagbibigay talim sa kanilang sining. Pasilip sa kolektibong proseso ng paggawang ito ang “Archive Table” na bahagi ng exhibit. 

Sa “Piercing Over the Past”, nakatipon ang mga dokumento sa palihan, pag-aaral at suri ng ABAY mula sa unang mga taon ng pagkakatatag nito.

Dito’y nakatawag pansin sa akin ang papel na may pamagat na “Problems of the Visual Arts”. Tinalakay ng papel na ito ang mga kontradiksyon sa paggawa ng sining, maging sa mga sining na maituturing na makabayan. Nakatali pa rin sa loob ng sistemang kapital ang paggawang ito na tumuturing sa mga likha bilang commodity na ipinagbibili sa merkado.

Tila nangungusap ang dokumento sa marami sa mga artistang naging bahagi ng ABAY, maging sa iba pang social realist na ngayo’y nasa loob na ng mainstream. May panganib, sa ganang ito, na tingnan ang exhibit bilang produkto ng nostalgia sa isang lumipas na panahon ng masidhing paggawa ng sining—’di nalalayo sa langong nostalgia ng Kanan sa kanilang ginintuang paghahari. 

Kabalintunaan bang maituturing, kung gayon, ang buong exhibit? O nag-uudyok itong magtanong hinggil sa mga kabalintunaang iniluluwal ng isang lipunang nasa palagiang krisis?

Nais kong kumiling sa huli, na habang isinasaalang-alang ang kolektibong kasaysayan ng ABAY at kinikilala ang mga indibwal na pinagdaanan ng bawat kasapi nito, ang pagtugon ng ilan sa kanila sa panawagan upang muling magtipon-tipon ay pagkilala sa mga naunang komitment na tinanggap nila bilang parte ng kilusang progresibo. 

Umuugong sa pagtanggap na ito ang pahayag na lakip ng mga postcards na likha ng grupo noong 1988:

“Ang layon nami’y makatulong sa pagpababagong tunguhin ng masa. Tungkuli’y iguhit ang lansangan, lapatan ng kulay ang larawan ng pagkilos. Panindigan ang pagtataguyod ng pakikibaka.”

Una kong nakilala ang ABAY hindi sa aking mga klase sa Art Studies sa loob ng unibersidad, kundi sa isang digital archive ng mga progresibo at rebolusyunaryong obra na pinagpapasapasahan ng mga aktibista ng UP sa kanya-kanyang mga flashdrive.

Puno ang isa sa mga folder nito ng mga lumang pen and ink na drowing ng buhay-gerilya sa Mindanao. Noong 2000s, kalimitang “Parts Bagani” ang lagda ng bawat drowing, ngunit habang papalapit sa taong 1990, magiging “ABAY” ang pangalang nakasulat dito. Kalauna’y makikilala ko ang ABAY bilang organisasyon sa isang educational discussion. Kaulana’y makikilala ko ring si Parts o Jhon Niebres Peñaranda ay mapapaslang sa South Cotabato sa huling taon ng rehimeng Duterte. 

Kung miyembro man ng ABAY si Parts o kung pinili niya lang ang naunang nom de guerre bilang pagkilala sa grupo, kapwa itinuturo nito ang naging papel ng organisasyon sa pagluluwal ng mga artistang sinubok baguhin hindi lang ang sining, kundi maging ang lipunan, sa pinakaradikal na paraan.

Dumaraan ang kilusan sa mga pagkabalaho’t daluyong. Nabubuhay at namamatay ang mga organisasyon, maging ang mga kasapi nito. Ngunit hindi pumapanglaw ang mata ng kasaysayan.

Habang nagpapasasa ang pamilya ng diktador sa kanilang muling pagbabalik sa kapangyarihan, sa umaandap-andap na ploresen ng studio, sa mga sulok na lukob ng anino ng lunsod, sa mga kubling ublagang kanlong ng masukal na gubat, patuloy na gumagawa ng sining ang mga artista ng bayan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!