Hindi makatarungan ang mga kondisyon kapalit ng serbisyong komunikasyon – IBON Foundation

May 15, 2023


Simula noong ipatupad ang SIM Registration Act o RA 11934 noong huling bahagi ng Disyembre 2022, kaliwa’t kanan na ang pagkabahala ng mga tao kung papaano nga ba makakapagparehistro ng kani-kanilang SIM card. Sa kabila ito ng mga pagbabanta na mawawalan ng akses at serbisyo sa komunikasyon kapag hindi nakapagparehistro.

Nagdulot ito ng matinding pagkabalaho sa hanay ng mga telcos. Kulang kasi ang mga ito sa kahandaan at hindi nangonsulta sa mga tao kung nararapat ba talaga ang batas na ipinatutupad. Samantala, maugong ang pagtutol ng maraming grupo at indibidwal dito.

Naging dagdag na pahirap ito sa maraming mamamayan lalo na sa kanayunan kung saan mahina ang signal, mahal ang serbisyo upang makagamit ng internet, marami pang tao ang hindi pa gaano gamay ang paggamit ng internet, hindi akma ang cellphone na gamit dahil “basic phone” lamang, at higit sa lahat ang mga requirements na hinihingi ay pahirapan din makuha katulad ng ID.

Upang tugunan ang ganitong hinaing at kahirapan sa pagpaparehistro, nagsagawa ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang ahensya ng gobyerno ng tinatawag na Assisted SIM Registration kung saan tutulungan ang mga residente na makapagparehistro ng kanilang SIM card. Sa kabila nito, tumambad lamang sa kanila ang katotohanan na wala talaga ultimong IDs ang karamihan sa hindi makapagparehistro.

Ang tanong, kabilang ka ba sa milyon-milyong Pilipino na nakatatanggap pa rin ng mga scam text, spam messages, at fake links kahit na rehistrado na ang iyong SIM card? Dapat pa bang pagkatiwalaan ang maka-negosyong pribadong sektor at ang gobyerno sa pangangalaga ng iyong pribadong datos?

Marami-rami na ring insidente ng kabulagsakan hinggil sa pangagalaga ng datos ng mga Pilipino. Nandiyan ang “comeleak” kung saan apektado ang 55 milyong botante ng Pilipinas. Nito namang Abril 2023, nangyari ang massive data breach kung saan nalantad ang milyong mga Police employee records.

Sa kabila ng palugit na tatlong buwan upang makapag-parehistro pa ang mga hindi nakakapag-parehistro, maglulunsad pa ang DICT ng “Project: SIM Check Mo”. Layunin daw ng hakbang na ito na masawata na ang mga nagpapadala ng text scams habang hindi pa tapos makapagparehistro ang lahat. Pero sa pamamagitan nito, sinumang may mobile phone ay makakakuha ng impormasyon (inisyal at registration number) ng may-ari ng numerong kikilatisin.

Sa pahayag ni DICT Executive Director na si Alexander Ramos hinggil sa pagtutulak ng proyekto, hindi makatwiran na ihalintulad ang pagpaparehistro ng SIM card sa pagkakaroon at pagpaparehistro ng baril sapagkat usapin ito ng karapatan ng bawat mamamayang Pilipino na magkaroon ng malaya at ligtas na komunikasyon.

Pero kung tutuusin, nagmimistulang monopolyo ng impormasyon ang gobyerno at pribadong kumpanya sa paghawak ng datos ng milyon-milyong Pilipino. Ito ang kapalit ng pagtamasa ng komunikasyon at pag-akses sa impormasyon at iba pang serbisyo.

Hindi makatarungan ang kondisyong isuko ang pribasiya at sariling datos ng mamamayan kapalit ng serbisyong hatid ng SIM registration. Ang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno at ng DICT ay kung papaano mapapahusay ang pangangalaga ng datos ng mamamayang Pilipino, mabilis at murang internet, at kung papaano mapapakinabangan ng taumbayan ang mga serbisyong ito sa lahat ng sulok ng Pilipinas.

Hanggat nananatili ang mayor na isyu hinggil sa seguridad ng mga datos na kinukuha ng gobyerno, mananatiling bulnerable ang pribadong impormasyon ng milyon-milyong Pilipino sa kamay ng masasamang loob.

Sa planong aksyon ng DICT, lalo lamang nitong pinadali ang trabaho ng mga scammer na ma kuha at masamantala ang impormasyon ng mga indibidwal. Lalo lamang nitong pinadali ang paniniktik ng gobyerno sa kaniyang kaaway sa politika at mga kritiko. Taliwas lahat sa kaniyang inanunsyong layunin kung bakit ipinasa ang SIM Card Registration Act. ###


Jopar Cruz

Jopar Cruz is an Administrative Assistant at IBON and a FOSS advocate.



Source link

IBON Foundation

IBON Foundation is a non-stock, non-profit development organization. We have been serving the Filipino people through research and education since 1978. IBON seeks to promote an understanding of socioeconomics that serves the interests and aspirations of the Filipino people. We study the most urgent social, economic, and political issues confronting Philippine society and the world.

Don't Miss