Higit 500 na miyembro ng Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor sa PLDT (GUTS-PLDT) ang muling nagprotesta sa Makati City nitong Mayo 29 dahil sa patuloy na pambabarat ng kompanya sa hinihinging umento sa sahod at dagdag benepisyo.
Mula Nob. 28, 2025, nagkaroon ng 38 na negosasyon ang unyon at manedsment para sa sa patas na collective bargaining agreement (CBA) 2026-2028 na hanggang ngayon ay hindi pa tinutugunan ng manedsment.
Kasama sa kanilang panawagan para sa makatarungang sahod ay ang mga benepisyo tulad ng dagdag sa P2,200 rice subsidy, P1,400 life insurance, eye glasses subsidy at ang centennial bonus sa 2028.
“The demands are both just and economically feasible given PLDT’s continued profitability despite management narratives of financial strain,” ani Rochelle Porras, executive director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler).
Ayon kay GUTS-PLDT president Charlie Arevalo, ang pagpapatagal sa negosasyon ay isang taktika upang ibalam ang pagbigay ng mas maliit na taas-sahod at dagdag-benepisyo kung ikumpara sa bilyong pisong kita ng PLDT na nakuha sa lakas-paggawa ng mga empleyeado nito.

Maliban sa tuso tuwing negosasyon, mayroong Work Optimization Program (WOP) ang kompanya na ineengganyo ang retirement packages sa mga empleyado na nagiging dagdag-tubo sa kompanya kapalit ng seguridad sa trabaho at kabuuang lakas-paggawa.
Nauna nang nagsagawa ng “Jericho walk” ang unyon ng mga superbisor ng PLDT noong Mayo 15 dahil sa mga nasabing usapin sa nakabinbing CBA.
Sa ngayon, apat mula sa 11 demanda ng unyon pa lang ang napagkasunduan. Bukas din ang unyon na bawasan ang ilang demanda kung maibibigay ang makabuluhang dagdag-sahod.
Dagdag pa ng unyon, maliit lang ang hinihingi nila sa CBA kung ikukumpara sa average na kita ng PLDT kada taon mula 2020 hanggang 2024 na P201 bilyon.
“Ang aim ng union ay mahigitan ang nakaraan [na CBA agreements] dahil sa malaking kinita ng kompanya na inakyat naman ng manggagawa,” sabi ni Arevalo.
Magpapatuloy ang mga protesta ng unyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nasa 4,000 ang kasapian ng GUTS-PLDT sa mga opisina ng PLDT sa buong bansa, isa ito sa pinakamalaking unyon sa sektor ng telekomunikasyon.
Nananawagan ng mga superbisor na tigilan na ng kompanya ang pambabarat sa CBA sapagkat handa silang magwelga kung hindi ibibigay ang kanilang mga makatuwiran at makatarungang demanda.
“Kung sa tingin namin ay magha-hard line sila sa mababang halaga [na umento] na hindi [katanggap-tanggap], wala namang ibang patutunguhan kundi mag-deadlock,” sabi ni Arevalo.
