Uncategorized

Hustisya, sigaw ng kaanak ng ‘Toboso 19’ – Pinoy Weekly

Hustisya, sigaw ng kaanak ng ‘Toboso 19’ – Pinoy Weekly


Nanawagan ng hustisya ang mga kamag-anak at mahal sa buhay ng mga sibilyang aktibista, tanggol-karapatan at mamamahayag na kabilang sa tinaguriang “Toboso 19” sa isang press conference nitong Abril 29.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), pinatay ng 79th Infantry Battalion ng 303rd Infantry Brigade sa isang “engkuwentro” at “hot pursuit” ang mga biktima sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19.

Ngunit, hindi kumbinsido ang mga kapamilya, abogado at tanggol-karaptan sa naratibo ng AFP. “Huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa, ang nangyari sa Toboso ay isang masaker,” ani Julianne Agpalo ng National Union of People’s Lawyers.

Dagdag ni Agpalo, kahit ang armadong tunggalian ay may mga prinsipyo at batas na sinusunod. Malinaw umano sa mga ulat ng pamilya at sa sali-saliwang naratibo ng mga puwersa ng estado na may paglabag sa mga batas na ito. 

“Ang operasyong militar na isinagawa ng AFP ay hindi pinag-iba ang mandirigma sa sibilyan, at ang operasyon ay gumamit ng labis-labis na puwersa na nagresulta sa pagkamatay ng mga mamamahayag, estudyante, tanggol-magsasaka, pati na rin ng dalawang menor de edad,” sabi ni Agpalo. 

Sa pahayag na inilabas ng Communist Party of the Philippines (CPP), 10 sa 19 ang kinilala nito bilang kasapi ng New People’s Army (NPA).

Dagdag pa ng CPP, kuha ng isang kumalat na drone video sa social media, kahit ang lider ng NPA na si Roger “Ka Tapang” Fabillar ay wala sa posisyong lumaban sa mga panahong iyon. Sa kasalukuyan, hindi na mapapanood ang naturang drone video. 

Dagdag ni Agpalo, responsibilidad at pananagutan ng armadong puwersa na nanguna sa operasyon na patunayang walang naging paglabag sa international humanitarian law (IHL).

Para sa mga mahal sa buhay ng mga biktima, dapat magsagawa ng independiyenteng imbestigasyon sa naganap na Toboso.

“Sana mabigyang-hustisya ang nangyari sa kanila,” ito ang panawagan ni Mikki Santuyo, nakatatandang kapatid ng biktimang si Maureen Santuyo

Pareho din ang panawagan ni Lily Prijoles para sa kanyang napaslang na kapatid na si Lyle Prijoles. Ani Lily sa Ingles, “Gusto naming malaman, bakit ito nangyari? Nakabisita na siya dati sa Pilipinas at palagi naman siyang nakakabalik nang buhay. Gusto namin ng hustisya para kay Lyle, hustisya para sa 19 na biktima ng masaker sa Toboso.”

(Mula kaliwa) Joaquin Buenaflor, Lily Prijoles at Mikki Santuyo, hawak ang larawan ng kanilang mahal sa buhay na kabilang sa “Toboso 19.” Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Ayon kay Karapatan secretary general Cristina Palabay, ang nangyari sa Toboso ay ang ikaapat na masaker sa Negros Occidental sa ilalim ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. 

“Halos lahat po ng masaker na nagdaan under this administration ay nailarawan noong April 19 incident. Una, mga menor de edad na pinatay. Pangalawa, walang distinction kung sibilyan o combatant o hors de combat. Pangatlo, nililinis ‘yong crime scene, pinagmumukhang legitimate military operations, pero sa totoo lang staged ang crime scene,” aniya.

Dagdag pa niya, sa bilang pa lang ng mga napatay sa Toboso, dapat nang magduda sa naratibo ng militar na isang “engkuwentro” ang nangyari. 

Bagaman naniniwala si Palabay na dapat magsagawa ng totoong indiyependenteng imbestigasyon, dapat pa rin aniyang maging mapagbantay lalo at hanggang ngayon walang buong napapanagot sa mga kaso ng paglabag sa IHL sa balangkas ng kontra-insurhensiya.

“Ni isa na kaso ay walang napanagot [or] fully made accountable. Ibig sabihin, hindi lang ang kumalabit ng gatilyo, pero yung operative policy,” ani Palabay.

Sa pahayag naman ng Commission on Human Rights (CHR) nitong Abril 26, nagsasagawa na ito ng kanilang sariling imbestigasyon sa pamamagitan ng kanilang opisina sa Negros Island. Liban sa mga napaslang, nabahala din ang CHR sa mahigit 600 indibidwal na puwersahang pinalikas dahil sa insidente. 

Bumuhos naman ang suporta ng iba’t ibang grupo, institusyon at indibidwal para sa panawagan ng hustisya sa “Toboso 19” at sa pagsasagawa ng agaran at independiyenteng imbestigasyon.

Sunod-sunod ang mga pagkilala’t pagpaparangal ng mga kapamilya, kaibigan, at mga kapwa tanggol-karapatan para kina RJ Nichole Ledesma, Alyssa Alano, Maureen Santuyo, Errol Wendell, Lyle Prijoles at Kai Sorem.

Naglabas din ng mga pahayag ang iba’t ibang pang-akademikong institusyon upang ipagtanggol ang karapatang magsiyasat ng mga kabataang estudyante kahit sa mga pinakaliblib na lugar. Anila, bahagi ito ng kalayaang pang-akademiko.

Sa kanayunan, kumalat din ang video ng mga maraming lokal na magsasaka ng Negros na naghatid sa labi ng pinangalanang lider ng NPA na si Ka Tapang, taliwas sa pahayag ng militar na isinusuka ang presensya ng armadong grupo sa lugar. 

Liban dito, nagpahayag din ng pagkondena ang Asean Parliamentarians for Human Rights (APHR) sa sinapit ng Toboso 19. Anila ang hindi pag-iiba sa armado at sibilyan ay malinaw na paglabag sa IHL. Sa kanilang pahayag, idiniin ni APHR chairperson Mercy Chriesty Barends, dapat managot ang AFP. 

“Bilang 2026 ASEAN Chair, dapat mamuno sa pamamagitan ng pagiging mabuting ehemplo ang Pilipinas–hindi sa pagpapatahimik sa mga nagsisiwalat ng katotohanan sa kapangyarihan pero sa sa pag-protekta sa kanila,” pahayag ng grupo sa Ingles.

Sagot ng Malacañang, susuportahan nito ang anumang imbestigasyon sa nangyari sa Toboso. Ngunit sa kabila nito, pinapanigan ng Palasyo ang naratibo ng AFP na ang lahat ng napatay ay mga armadong kasapi ng NPA. 

Simula Marso 2026, isinama na ng Civicus, isang internasyonal na alyansa ng mga civic society, ang Pilipinas sa Human Rights Watchlist dahil sa tumitinding pagsupil sa mga kalayaang sibiko. Noong Abril 23, tinawag din ng Civicus ang naganap sa Toboso bilang isang seryosong krimen at nanawagan din ng agarang imbestigasyon.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning